“Buong puso akong nagpapasalamat sa 4Ps at sa lahat ng sangay ng gobyerno, ito ay nakatulong sa akin upang magbukas ng bagong oportunidad para sa katulad kong estudyante na nais abutin ang kanilang mga pangrap.
Lagi kong tatandaan na ang taglay kong pinakamahalagang kayamanan ay ang pagiging isang college graduate, isang karangalan na taas-noo kong ipagmamalaki. Dahil ako ay napagtapos ng aking pinakamamahal na amang isang construction worker at ng aking ina na hindi tumigil para suportahan ang aming pamilya.” – Jane Bernadett Gonzales, 4Ps Beneficiary
Sa lungsod kung saan lahat ng indibidwal ay handang suungin ang ano mang hamon ng buhay, isa si Jane Bernadett Gonzales mula sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City ang hindi tumigil na abutin ang ningning ng tala ng kanyang mga pangarap. Aniya, maihahambing ang katatagan ng kanyang pagsusumikap na maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan sa isang haligi o pundasyon ng mga nagtataasang gusali sa kanilang lungsod.
Bunso si Jane sa tatlong magkakapatid, bata pa lamang siya ng mamulat sa antas ng kanilang pamumuhay. Ang tanging pinagkukunan ng kanilang pangaraw-araw na kita upang tugunan ang mga gastusin sa kanilang mga pangangailangan ay mula sa pamamasukan ng kanyang ama bilang isang construction worker, habang ang kanyang ina naman ay isang butihing may bahay. Kung kaya sinikap nyang gawin ang lahat ng paraan upang makapagtapos ng pag-aaral.
Hindi naging madali ang pag-abot niya sa kanyang mga pangarap. Namasukan si Jane bilang working student sa isang Business Process Outsourcing company (BPO), siya ay matyagang nagtatarabaho sa gabi at sa umaga naman ay pumapasok sa eskwelahan. Kinalaunan ay tumigil din si Jane sa pagtatrabaho sa kadahilanan na habang sya ay patungo sa ika-3 hanggang ika-4 na taon sa kolehiyo ay nahihirapan na syang pagsabayin ang pagtatarabaho at pag-aaral.
Aniya, naging malaking tulong sa kanilang pamilya ang maging bahagi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng DSWD. Nakatulong ang programa na matugunan ang kanilang pangaraw-araw na gastusin gayon din sa pambili ng mga gamit sa eskwelahan. Kasabay nito ang pagkatuto sa iba’t ibang topic sa Family Development Session (FDS) na kanilang naisabuhay, gaya ng tamang pagiimpok at kahalagahan ng edukasyon.
Bata pa lamang si Jane ay kinakitaan na sya ng kasipagan at interes sa pag-aaral. Madalas syang nangunguna sa klase na kinalaunan ay kanyang naging kalakasan upang mapabilang sa mga scholarship mula sa Commision on Higher Education (CHED) at Tulong Dunong Program, isang programa ng Lungsod ng Mandaluyong na naglalayon matulungan ang mga mag-aaral na higit na nangangailan ng suporta sa pag-aaral.
Tuluyang nagningning ang mithiin ni Jane na abutin ang kanyang mga pangarap ng sya ay makapagtapos ng pag-aaral at hirangin bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Business Administration Major in Financial Management sa Rizal Technological University. Hindi lamang naabot ni Jane ang kanyang pangarap na makapagtapos sa kolehiyo bagkos sya ay nagtapos ng may karangalan sa kanyang piniling propesyon.
Ginamit ni Jane bilang matibay na pundasyon ang kaniyang mga karanasan sa hamon ng buhay kasama ang kanyang pamilya, ito ay upang makapagtapos ng kolehiyo at simulan tahakin ang landas upang baguhin at iangat ang kanilang pamumuhay.





