Sa pagdiriwang ng World Mental Health Month, nakiisa ang Haven for Children (HFC) Psychological Service sa programang ito, at isinagawa ang isang Mental Health Activity noong Oktubre 24, 2025, na layuning palakasin ang kamalayan at pang-unawa ng mga bata tungkol sa kahalagahan ng kalusugang pangkaisipan.

Dinaluhan ang aktibidad ng 96 na residente mula sa Haven for Children at pinangunahan ng mga Mental Health Professionals mula sa iba’t ibang Centers. Isinagawa ang iba’t ibang gawain na nagbigay daan sa mga bata na maipahayag ang kanilang emosyon at saloobin sa isang ligtas at malikhaing paraan.

Itinampok sa programa ang Art Therapy. Sa Narra Cottage, binigyan ang mga bata ng isang blangkong mukha na kanilang nilagyan ng ekspresyon batay sa kanilang kasalukuyang nararamdaman. Samantala, sa Yakal Cottage, hinikayat silang iguhit ang kanilang superhero—maaaring mula sa mga karakter na kanilang napapanood o nilikha ng kanilang sariling imahinasyon. Sa Kamagong Cottage naman, gumamit sila ng mga worksheets kung saan tinukoy nila ang kanilang emosyon batay sa mga ibinigay na sitwasyon.

Matapos ang mga aktibidad, nagkaroon ng Group Discussion na pinangunahan ng isang Psychologist at isang Psychometrician. Layunin nitong tulungan ang mga bata na maiproseso ang kanilang damdamin at maunawaan ang kahalagahan ng pagharap sa emosyon sa positibong paraan.

Sa kabuuan, naging makabuluhan at matagumpay ang isinagawang Mental Health Activity sa Haven for Children. Ipinakita nito ang kahalagahan ng pagtutulungan, pagkalinga, at bukas na komunikasyon sa pagtugon sa mga isyung pangkaisipan. Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, mas nagiging matatag, maunawain, at positibo ang bawat isa sa pagharap sa mga hamon ng buhay.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

Please share