“Ang mga hamon at mga suliranin na minsang sumubok sa katatagan ng kanyang pamilya ay naging daan upang sila ay muling makabangon at magpatuloy sa buhay nang may higit na katatagan.”
Ang kwento ni Engr. Jhomar R. Lares ay isang inspirasyon ng tiyaga, determinasyon, at pag-asa. Bilang dating monitored child at benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Bagong Silangan, Quezon City, napatunayan niyang hindi hadlang ang kahirapan sa pag-abot ng pangarap. Sa halip, ginawa niya itong lakas upang magsumikap at baguhin ang kinabukasan ng kanyang pamilya.
Mula pagkabata, pangarap ni Jhomar na makatapos ng pag-aaral upang makatulong sa kanyang mga magulang. Ang kanyang ama ay isang construction worker, habang ang kanyang ina naman ay isang labandera. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, kapos pa rin ang kanilang kinikita upang matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.
Naaalala ni Jhomar na tuwing sasahod ang kanyang ama, matiyagang naghihintay sa mahabang pila ang kanyang ina upang makabili ng murang bigas mula sa National Food Authority (NFA). Madalas, lugaw lamang ang kanilang kinakain upang maibsan ang gutom. Dahil naman kapos sa pamasahe, kasama ang kanyang ina at mga kapatid ay halos tatlumpung minuto nilang nilalakad ang papunta sa paaralan.
Di tulad ng pamilyang nakatira sa bahay na gawa sa kongkreto, ang kanilang maliit na barung-barong na gawa sa kahoy ay madalas masira tuwing may bagyo. Sa bawat pagkasira ng kanilang tahanan dulot ng unos na dumaraan, tulong-tulong nilang muling itinatayo at binubuo ang kanilang munting tahanan. Sa murang edad, natutuhan ni Jhomar ang kahalagahan ng pagtutulungan, pagtitiis, at katatagan sa gitna ng mga pagsubok.
Malaki ang naging papel ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pagbabago ng kanilang buhay. Ang tulong pinansyal ng programa ay naging malaking suporta sa kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na pangangailangan. Nagkaroon sila ng baon at pagkain bago pumasok sa paaralan, at sa halip na maglakad nang malayo ay nakakasakay na rin sila ng tricycle.
Hindi lamang pinansyal na tulong ang ibinigay ng programa. Sa pamamagitan ng Family Development Sessions, nadagdagan ang kaalaman ng kanyang mga magulang tungkol sa responsableng pagpapalaki ng pamilya, kalusugan, at wastong pangangalaga sa kanilang mga anak. Dahil dito, mas naging matatag ang kanilang pamilya at mas lumakas ang loob ni Jhomar na ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral.
Pagsapit sa kolehiyo, pinili niyang kunin ang kursong Civil Engineering. Gayunpaman, hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. Maraming pagkakataon na kinailangan pang mangutang ang kanyang pamilya upang maipambayad ang matrikula at iba pang gastusin sa paaralan. Kasabay nito ang iba pang pagsubok sa kanilang pamilya at ang patuloy na pakikipaglaban sa kahirapan.
Habang naghahanda para sa licensure examination, kinailangan niyang magsakripisyo ng oras, tulog, at lakas. Maraming gabing puno ng pagod at pag-aalala, ngunit hindi niya hinayaang manaig ang panghihina ng loob. Sa halip, pinili niyang manatiling matatag at manalig sa Diyos. Natutuhan niyang ang tiyaga, sakripisyo, at pananampalataya ang susi upang malampasan ang anumang hamon.
Dumating ang araw ng Civil Engineering Licensure Examination. Bagama’t kinakabahan, buong tapang niya itong hinarap dala ang pangarap na maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Nang lumabas ang resulta at makita niyang kabilang siya sa mga nakapasa, hindi niya napigilan ang kanyang kasiyahan. Inialay niya ang tagumpay na ito sa kanyang mga magulang at sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program na naging katuwang ng kanilang pamilya sa pag-abot ng kanilang mga pangarap.
Ngayon, bilang isang ganap na Civil Engineer, dala ni Engr. Jhomar R. Lares ang mga aral na hinubog ng kahirapan at pagsubok. Ang kanyang tagumpay ay hindi lamang bunga ng sariling pagsisikap kundi pati na rin ng walang sawang suporta ng kanyang pamilya, pananampalataya sa Diyos, at ng tulong ng 4Ps.
Bilang mensahe sa kanyang mga kapwa estudyante at mga monitored child ng programa, nais niyang iparating na normal lamang ang pagod at panghinaan ng loob. Hindi kailangang maging perpekto para magtagumpay. Ang mahalaga ay patuloy na lumaban, nagsusumikap, at huwag hayaang hadlangan ng kahirapan ang pag-abot ng mga pangarap.
Aniya, “Gamitin ang bawat pagsubok bilang inspirasyon upang lalo pang magsikap. Ang bawat puyat, pagod, pagsubok , at sakripisyo ay may katumbas na tagumpay. Balang araw, masasabi mo rin sa iyong sarili, ‘Kinaya ko at kakayanin ko pa ang mga susunod na hamon sa buhay.’ Kaya, kapit lang, dahil ang tagumpay ay para lamang sa mga hindi sumusuko.”
Ang kuwento ni Engr. Jhomar ay patunay na sa tulong ng pamilya, sipag, tiyaga, pananampalataya, at suporta ng pamahalaan, maaaring maging realidad ang pangarap.

