Hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang tagumpay. Ito ang pinatunayan ng isang dating kabataang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na  si Hanna Hazel A. Lectonin. Siya ay nagtapos bilang Magna Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Social Work sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ngayong taon.

Sa likod ng medalya at karangalan ay isang mahabang paglalakbay na puno ng pagsisikap, sakripisyo, at pananampalataya. Bilang miyembro ng isang pamilyang kabilang sa 4Ps, naging malaking tulong ang programa upang maipagpatuloy ang kanyang pag-aaral at mabigyan ng pagkakataong maabot ang kanyang mga pangarap.

Mula sa pagiging isang estudyanteng umaasa sa suporta ng pamahalaan, ngayon ay isa na siyang huwaran ng tagumpay. Ang kanyang pagtatapos bilang Magna Cum Laude ay hindi lamang personal na tagumpay, kundi isang patunay na ang tamang oportunidad, kasabay ng determinasyon at sipag, ay kayang baguhin ang takbo ng buhay.

Sa kanyang mensahe para sa kapwa kabataan, lalo na sa mga benepisyaryo ng 4Ps, ibinahagi niya ang isang makabuluhang paalala:

“Noon, isa lang ako sa mga estudyanteng umaasa sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ngayon, nagtapos ako nang may karangalan isang simbolo ng pag-asa, pagpupursige, at ng katotohanang ang kahirapan ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap. Para sa lahat ng kabataang nangangarap, lalo na sa mga kapwa ko naging benepisyaryo ng 4Ps: Huwag ninyong hayaang ang inyong pinagmulan ang magdikta ng inyong kinabukasan. Mangarap nang malaki, magsikap nang buong puso, at magtiwala sa Diyos. Darating din ang araw na kayo naman ang magiging inspirasyon ng iba. Malayo pa, pero malayo na. To God be all the glory.”

Ang kanyang tagumpay ay sumasalamin sa tunay na layunin ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program—ang putulin ang siklo ng kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon at paglinang sa kakayahan ng bawat kabataang Pilipino.

Ngayon, bilang kasama sa bagong henerasyon ng mga kabataang propesyonal, dala niya ang inspirasyon at pag-asang balang araw ay siya naman ang magiging katuwang sa paglilingkod sa mga pamilyang nangangailangan, katulad ng minsang naging kalagayan ng kanyang sariling pamilya.

Ang kanyang kuwento ay isang paalala na ang bawat pangarap ay maaaring maging realidad sa tulong ng sipag, tiyaga, suporta ng pamilya, at biyaya ng Diyos.

Please share