Pinagtibay ng DSWD Field Office-NCR at ng Lokal na Pamahalaan ng Muntinlupa ang pagtutulungan sa pagmamagitan ng paglalagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) nitong Martes (Oktubre 12) sa Muntinlupa City Hall.
Mismong si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon at DSWD Field Office – NCR Assistant Regional Director for Operations Bienvenido Jr. Barbosa ang lumagda sa kasunduan para palakasin at pagtibayin ang mga programang pangkalusugan, kahandaan sa sakuna, pangangalaga sa kapaligiran, pagpapaunlad ng kabataan at sports, at suporta para sa mga taong may kapansanan tungo sa higit na komprehensibong pangangalaga, rehabilitasyon, at pagpapalakas ng kakayahan ng mga residente.
Sinaksihan ng mga center heads ng iba’t ibang Centers and Residential Care Facilities (CRCFs) South Cluster ang naturang MOA signing kasama ang iba’t ibang department heads ng LGU Muntinlupa.
Saklaw ng kasunduan ang pagpapatibay sa relasyon at koordinasyon sa CRCF-South Cluster tulad ng Elsie Gaches Village (EGV), Haven for Children (HFC), Haven for Women (HFW), Marillac Hills – National Training School for Girls (MH-NTSG), at Regional Rehabilitation Center for the Youth (RRCY).
Sa bawat pagtutulungan, mas napapalapit ang serbisyong may malasakit sa mga nangangailangan.




