Punong-puno ng positibong pananaw si Nanay Beatriz na maitataguyod nila ng kanyang asawang si Amado ang kanilang sambahayan dahil sa mga tulong at aral na napulot nila sa tanang pananatili sa Programa. Ang kanilang sambahayan ay isa sa dalawampu’t isang (21) benepisyaryong nagsipagtapos sa Programa noong Marso 8, 2021.

Bilang isang ina sa kanyang tatlong anak, asawa at manggagawa sa parlor, batid ng ginang ang mga kalakip na pangangailangang pinansiyal ng kanilang sambahayan. Ang asawa niyang si Amado ay isang on-call construction worker na kung kailan lamang siya kailanganin ay saka lang siya magkakaroon ng kita. Kung kaya’t lubos ang pagsisikap ng mag-asawa upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang sambahayan.

Taong 2013 nang mapabilang ang sambahayan ni Ginang Beatriz sa Pantawid Pamilya dahil naituring ang kanilang sambahayan bilang isa sa mahihirap sa kanilang lugar. Naging daan ang pagiging kabilang niya sa Programa upang mapuno ng pag-asa at positibong pananaw ang puso ng sambahayan ni Ginang Beatriz dahil hindi na pinoproblema ng mag-asawa ang panggastos sa pag-aaral at kalusugan ng kanilang mga anak. Nakapagtapos ang kanyang panganay na anak sa hayskul taong 2019.

Labis ang pasasalamat ni Nanay Beatriz sa Programa at naitawid niya ang pag-aaral ng kaniyang anak. Ngayon ay nasa kolehiyo na ito at tinatapos ang kursong Information Technology sa St. John Bosco College. Kasabay ng pag-aral ng panganay na anak ni Ginang Beatriz sa kolehiyo ay pumapasok din ang kanyang dalawa pang anak sa hayskul. Naging malaki rin ang tulong na dulot ng buwanan niyang pagdalo sa mga Family Development Sessions (FDS) ng Programa dahil sa pamamagitan nito ay natututo siyang pangasiwaan ang kanilang pinansiya, napatibay ang relasyon bilang isang sambahayan, at mas nagagabayan na ang kanyang mga anak.

Bukod pa sa FDS, ang Programa ay naging daan din upang matulungan sila ng iba pang ahensiya ng pamahalaan. Tulad na lamang ng Philhealth kung saan nagagamit ng sambahayan ang tulong ng ahensiya lalo na kapag nagkakasakit ang kanyang sambahayan. Ilan lamang ito sa mga naging daan upang maingat ng sambahayan ang kanilang buhay.

Hindi rin mawaglit sa isipan ni Ginang Beatriz ang tulong na natanggap niya mula sa Programa ng magdeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong Marso 2020. Labis na naapektuhan ang kaniyang pangunahing pinagkakakitaan dahil dito. Ilang buwang nagsara ang pinapasukang parlor. Ilang buwan din silang mag-asawa na walang mapagkunan ng sapat na kita upang matugunan ang kanilang pangangailangan. Bukod sa pagsasara ng parlor ay kasabay na ipinagbawal ang industriya ng konstruksyon kung saan pangunahing kabuhayan ito ng kanyang asawang si Tatay Amado.

Sa mga pagsubok na pinagdaanan, labis ang naging pasasalamat dahil hindi sila pinabayaan ng Programa sa halip ay naging patuloy ang pagtanggap ng grants at ayuda. Ginamit nila ito upang muling manumbalik ang kanilang positibong pananaw at makaagapay sa pagbabagong dulot ng new normal.

Sa kasalukuyan, si Ginang Beatriz ay patuloy pa rin sa paghahanapbuhay sa parlor at ang kanyang asawa naman ay may regular nang pagkakakitaan bilang isang collector sa pribadong kumpanya. Dahil sa pandemyang nararanasan, lalong napatatag nito ang sambahayan ni Ginang Beatriz. Ang mga aral at kaalaman na natutunan niya sa Programa ay kanyang babaunin sa kanyang pagtatapos sa Programa bilang isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya.

#4PsMalasakit
#DSWDMayMalasakit

Please share