Bahaginan sa Karunungan, ito ang naging tampok na tema sa pagsisimula ng “Community Pantry” office edition ng DSWD-NCR 4Ps Regional Program Management Office (RPMO) ngayong Abril 26, 2021.
Ito ay alinsunod sa adbokasiya na makatulong sa kapuwa kasama sa Programa na naging inspirasyon ang community pantry sa Maginhawa St., Quezon City na may temang “Kumuha ayon sa pangangailangan, magbigay batay sa kakayahan.”
Bilang inisyatibo at pagyakap sa magandang adhikaing sibil, napagdesisyunan ng bawat kawani sa opisina ng “Karunungan” ang pagbuo ng Community Pantry – office edition kung saan, ipinapamalas ng bawat kawani sa nasabing opisina ang nagkakaisang puso at isip sa pagbabahagi ng mga munting biyaya sa kapuwa.
“Sinikap ng bawat isa sa amin na makapagbigay ayon sa aming mga kakayanan. Malayang bahaginan sa panahon ng pandemya. Nakatutuwang isipin na sa maliit na inisyatibong ito, magsisimula ang mas maalab at matibay na pagsasamahan namin sa Programang ito. Nawa’y ang mapunla, sampu ng aking mga kasamahan sa Programa, ang pusong mapagpakumbaba at isipang naghahangad sa kabutihan ng bawat isa,” pagbabahagi ni Joel D. Cam, Regional Program Coordinator ng nasabing Programa.
Labis naman ang pasasalamat ng bawat kawani sa loob ng RPMO kung saan ramdam nila ang bukas-palad na pagtulong ng kanilang mga katrabaho sa opisina.
“Ang pagbabahagi ng biyaya sa kapuwa ay tunay na ligaya lalo na sa panahon ng pandemya. Anumang pagsubok na dumating ay kaya nating harapin kung tayo’y magtutulungan sa abot ng ating makakaya na nagbibigay pag-asa sa bawat isa. Naniniwala ako na sa pag-angkop at pagyakap ng ating opisina sa Community Pantry – Office Edition na ito, magsisimula ang mas maayos at mas mapagmahal nating serbisyo para sa sambahayang Pilipino,” dagdag ni Keren T. Jemina, Family Development Session Focal Person ng 4Ps.
Tunay nga na sa sama-samang paggawa nagsisimula ang magaganda at mga positibong pananaw sa buhay. Ipinapakita ng DSWD-NCR RPMO na bukod sa taumbayan, ang maagap at mapagkalingang serbisyo ay dapat dama rin ng bawat kawani sa loob ng Ahensiya.
DSWD NCR Official Facebook Page
Philippine Standard Time: