Pakikisalamuha at pagsasalita sa harap ng maraming tao, pagkakaroon ng malalim na kaalaman sa pamamahala sa pinansiya, lipunan, ugnayang sambahayan, kaalaman ukol sa paghahanapbuhay at iba pa. Ilan lamang ito sa mga kumintal sa puso’t isipan ni Beverly Carrascal, isa sa mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ang kaniyang sambahayan ay isa sa dalawangpu’t isang (21) nagsipagtapos noong ika-8 ng Marso taong kasalukuyan sa Lungsod ng Mandaluyong.
Ang Sambahayang Carrascal ay unang napabilang sa Programa taong 2012. Ayon sa sambahayan, napakaraming pangarap ang natupad mula nang ang kanilang sambahayan ay naging miyembro ng Pantawid Pamilya. Una na rito ay ang pagkakaroon ng lakas ng loob upang humarap at magsalita sa harap ng maraming tao si Ginang Beverly. Mula sa pagiging mahiyain ay tumaas ang kaniyang kumpiyansa sa sarili upang makipag-usap sa mga kapuwa miyembro ng Programa. Ang pagdalo ng buwanang Family Development Session (FDS) ng Programa ay nagsilbing gabay upang magkaroon siya ng mga kaibigan at kakilala mula sa kanilang lugar. Siya ay natutong sumali sa iba’t ibang samahan sa Lungsod ng Mandaluyong tulad na lamang ng “Green Ladies” kung saan isinusulong nila ang karapatan ng kababaihan sa kanilang lungsod.
Nagkaroon ng maraming kaalaman ang Ginang mula sa mga paksang itinuturo sa FDS bilang isa siya sa madalas mapiling tagapagsalita sa bawat sesyon. Ilan sa mga ito ay Literasiya sa Pananalapi (Financial Literacy) kung saan nagbabahagi siya ng kaniyang kaalaman alinsabay sa kaniyang pagkakatuto tungkol sa tamang pagbabadyet at pag-iipon para sa kaniyang sambahayan. Dahil din sa FDS, natutuhan niya ang kaniyang mga karapatan bilang babae at karapatan ng mga kabataan.
Ayon sa Ginang, sa pamamagitan ng buwanang FDS ay nakapag-isip siya na magnenegosyo para kumita at makapag-ipon ng pera para sa kaniyang sambahayan. Sinikap ng Ginang na nakapagtayo ng mali na sari-sari store upang tulungan ang kaniyang asawang jeepney driver sa pang-araw-araw nilang pangangailangan. Bilang jeepney driver, hindi sumasapat ang kita ng kaniyang asawa para sa kanilang pang araw-araw na pangangailan. Taong 2014 nang nakapagsimula siya ng kaniyang negosyong karinderya na kaniyang natutuhan sa pamamagitan ng pagdalo sa buwanang FDS ng Programa.
Isa sa malaking produkto ng negosyong ito ay pagkakaroon niya ng cellphone na ginagamit niya lalong-lalo na sa mga gawain ng Programa bilang isang community champion ng kanilang Lungsod sa Mandaluyong. Tuloy-tuloy din ang naging pagpasok sa eskuwelahan ng kaniyang mga anak dahil aniya, sinusubaybayan niya ang mga ito sa kanilang pag-aaral. Ang kaniyang nakukuhang cash grant mula sa Programa ay ginagamit niya para sa mga proyektong kailangan ng kaniyang mga anak. Dahil dito, higit na nagkaroon ng interes ang mga bata na pagbutihan ang pag-aral dahil sa mga natatanggap nilang tulong mula sa Programa. Batid rin ng mga bata na kailangan nilang magampanan ang kanilang mga tungkulin bilang mag-aaral dahil isa ito sa mga kondisyon ng Programa. Dahil sa pagsisikap ng buong sambahayan, ang panganay na anak ni Ginang Carrascal ay nakatapos na sa kolehiyo noong 2017.
Ilan pa sa ipinagmamalaki ni Ginang Beverly Carrascal mula nang mapabilang siya sa Programa ay ang lalong mapahalagahan ang kalusugan ng kaniyang sambahayan. Dahil ayon sa kaniya, mayroong badyet na ibinibigay ang Programa para makabili siya ng mga bitamina na para sa kaniyang buong sambahayan.
Sa ngayon, masasabing si Ginang Beverly Carrascal ay nakatawid na sa kahirapan dahil unti-unti nang gumaganda ang kanilang buhay sapagkat mula sa pagiging hirap, ngayon ay may malaki ng pagbabago ang naidulot ng Programa. Ang mga aral na natutuhan niya ay kaniyang isinasapuso at isinasabuhay para sa pag-unlad ng kaniyang sarili at kaniyang sambahayan.
Lubos na nagpapasalamat si Ginang Beverly Carrascal sa Pantawid Pamilya. Dahil dito, natulungan nito ang kaniyang mga anak na lalong lumaban sa mga hamon ng buhay.
#4PsMalasakit
#DSWDMayMalasakit
DSWD NCR Official Facebook Page
Philippine Standard Time: