Ang bayanihan at damayan ay isang kulturang nakakintal na sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino na nagpapatuloy hanggang sa ngayon at mas lalong pinatingkad sa panahong ito ng pandemya.
Marami na ang nagpatunay na buhay na buhay pa rin ang diwa ng bayanihan at damayan lalo na ngayong panahon ng pandemya, at isa na nga rito ang “community pantry” na pinasimulan ni Bb. Ana Patricia Non sa Maginhawa, Quezon City. Maraming kababayanan ang nahimok na magtayo rin ng community pantry sa kani-kanilang lugar.
Bunga ng nasabing inisiyatibo, ang Pantawid Garden mula sa Barangay Talon Kuatro, Lungsod ng Las Pinas ay nagsagawa rin ng sarili nilang bersyon ng Community Pantry na kung saan libreng ipanamamahagi ng mga miyembro ng nasabing grupo ang kanilang mga inaning gulay mula sa kanilang mga taniman.
Ika-30 ng Abril taong kasalukuyan nang magsimula ang pagkukusang ito kung saan ay pitumpung (70) pamilya ang nakatangap ng libreng gulay sa unang araw ng kanilang community pantry. Hinalaw mula sa mga katagang “from farm to table”, ang Pantawid Garden ay umangkla sa konsepto ng “from garden to people”, kung saan ay namahagi sila ng mga inaning sariwang gulay mula sa kanilang mga gulayan.
Bukod sa gulay na kanilang ipinamahagi sa unang araw ng kanilang community, ang pera na kanilang napanalunan bilang 1st runner up sa isinagawang Inter-Barangay Urban Gardening Competition mula sa Sipag Villar noong Abril 29, 2021 ay ipinambili nila ng bigas upang ipamahagi sa kanilang komunindad.
“Nagtayo po kami ng community pantry dahil nais po naming ibahagi ang mga biyayang aming natatanggap at upang makatulong sa aming kabarangay. Hangad namin na kahit tayo ay nasa gitna ng pandemya ay magkaroon pa rin ng masustansiyang pagkain na maihahain ang kanilang mga pamilya”, pagbabahagi ni Gng. Dominga Modequillo, lider ng Pantawid Garden.
Ang kanilang community pantry ay nagsilbing inspirasyon sa kanilang mga kabarangay at kapwa miyembro ng Programa na naging daan upang makipagkapit-bisig ang mga ito upang magbahagi rin ng tulong para sa community pantry.
Boluntaryo silang nagbigay ng mga pagkain tulad ng mga gulay, itlog, noodles, bigas at iba pa. Higit pa rito, noong ika-9 ng Mayo, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Araw ng mga Ina, ay siyamnapung (90) pamilya sa kanilang komunidad ang natulungan ng community pantry ng 4Ps Pantawid Garden.
Tunay na likas na sa atin ang pagiging matulungin at mapagkalinga sa kapwa. Buhay na patotoo rito ang nabuong Community Pantry kung saan ang pangunahing layunin ay magbigay tulong sa mga nangangailan. Nawa’y ang pagtutulungan na ito’y magsilbing inspirasyon sa bawat pamilyang Pilipino na bukas-palad na mabigay ayon sa kanilang kakayanan.