Handang magtiis para sa minimithing pangarap, ito ang naging motibasyon ni Jesus Cuerdo o mas kilala bilang “kuya Jessie” sa kanilang lugar sa Tondo, Lungsod ng Maynila. Puspos ng pangarap para sa kanyang pamilya, naging katuwang ni kuya Jessie ang Pantawid Pamilya Pilipino Program sa pagtataguyod ng kanyang sambahayan.
Si kuya Jessie, 54 taong gulang, ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program taong 2012. Paglalako ng isda ang pangunahing hanapbuhay ni kuya Jessie. Samantala, ang kanyang asawa naman ay tagapagsaayos ng kanilang tahanan. Bago pa mapabilang ang sambahayan ni kuya Jessie sa Pantawid Pamilya, batid niya ang hirap ng pagdadala ng isang sambahayan at pagtugon ng pangangailangan sa edukasyon at kalusugan ng kanyang tatlong anak.
Dahil sa pagkakabilang ng sambahayan ni kuya Jessie sa Programa, naging mas madali para sa kanya at sa kanyang pamilya ang pagharap sa mga hamon ng buhay. Naging tanglaw ng kanilang sambahayan ang mga aral at kaalaman na itinatampok sa buwanang Family Development Session (FDS) sa kanilang lugar. Nagsilbi itong pundasyon para mas mapatibay at mas mapasaya ang relasyon sa loob ng kanilang sambahayan.
Isinasapuso at isinasaisip ni kuya Jessie ang pagiging miyembro ng Pantawid Pamilya kung kaya’t natuto siyang makibahagi sa kanilang lugar at tumaas ang kanyang kompiyansa sa sarili. At dahil dito, isa siya sa mga napili bilang maging opisyal ng General Parents and Teachers Association (GPTA) ng Antonio J. Villegas and Vocational High School kung saan ay tumutulong sila sa mga guro at mga magulang tuwing pasukan sa naturang paaralan.
Madalas din na lumalahok si kuya Jessie sa mga community activities ng kanilang barangay. Ilan dito ay ang pamimigay ng mga tulong mula sa barangay kapag may mga mapaminsalang bagyo o kalamidad sa kanilang lugar, pagkakaroon clean up drive sa kanilang lugar, at iba pang gawain at aktibidades sa kanilang barangay. Dahil na rin sa paglahok sa mga ganitong gawain, kinakitaan ng dedikasyon si kuya Jessie na nag-resulta upang mapili siya bilang parent leader sa kanilang lugar.
Batid din ng kanyang mga anak ang pagpupusige ni kuya Jessie na mabigyan sila ng isang magandang kinabukasan. Ang mga cash grant na kanilang natatanggap mula sa Programa ay ginagamit para sa pag-aaral ng kanyang mga anak na kapuwa tumatanggap ng karangalan sa kanilang paaraalan at taon-taong kasali sa pinakamahuhusay na mag-aaral ng eskwelahan.
“Bilang isang miyembro, isang pagpupugay ang aking maibibigay sa lahat ng tulong at pag-gabay na naibigay sa akin ng programang ito. Buong pagmamalaki na aking isisigaw na ako ay kasapi ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program” kanyang pagbabahagi.
Sa kasalukuyan, minimithi ni kuya Jessie na makatapos sa pag-aaral ang kanyang mga anak dahil batid niya na ang edukasyon ay higit pa sa materyal na kayamanan na maiiwan niya para sa kanyang mga anak. Lubos na nagpapasalamat si kuya Jessie na katuwang niya ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa pag-abot ng mga pangarap ng kanilang sambahayan. ##