Ang Barangay Gulod ay matatagpuan sa Lungsod ng Quezon kung saan ang mga kababaihang miyembro ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ay aktibong nakikilahok sa paggugulayan sa kanilang komunidad.
Kasabay ng paglaganap ng COVID-19 virus na naging sanhi ng gutom at kawalan ng trabaho ng karamihan, ay ang pagsibol ng gulayan sa Barangay Gulod, Lungsod Quezon kung saan nagsama-sama ang mga interesadong kababaihan ng Programa sa naturang barangay upang makapagsagawa ng sama-samang pagkilos sa pagtatanim ng mga gulay na maaaring pagkunan ng pagkain ng kani-kanilang pamilya at makatulong sa kanilang komunidad.
Si Nanay Precila B. De Paz, isa sa mga miyembro ng gulayan na masigasig na nagtitiyaga upang mapaunlad ang kanilang gulayan para sa kani-kaniyang pamilya at para sa pamayanan. Dahil na rin sa inisyatibong ito, ang mga katulad niyang nagsisikap sa mga hakbangin para sa gulayan ng kanilang Barangay ay nakuha ang suporta mula sa kanilang lokal na pamahalaan. Nagbunga ito ng inisyal na pag-uusap para sa patuloy na pagpapaunlad ng inisyatibong nagsimula sa nasabing lugar.
“Nais po naming makapagtanim upang may makain at para na rin makatulong sa iba pa naming mga kasamang naghihirap dito sa aming lugar.”– Pagbabahagi ni nanay Precila.
Sa kasalukuyan, ang sama-samang pagkilos ay nagbunga ng apat pang mga lugar na maaaring pagtamnan ng gulay sa iba’t ibang dako ng barangay. Ito ay nagsilbing bagong simula para sa lahat ng miyembro upang mas lalong mapayaman ang kanilang adhikain na “mapalaganap sa buong barangay ang kultura ng pagtatanim” na nakabase sa kanilang isinagawang pagpupulong noong ika-8 ng Pebrero 2021.
Nakatutuwa na sa munting simulain ay nakapagpayabong na ang mga kababaihan na nangangalaga sa mga gulayan ng iba’t ibang halaman at gulay para sa kanilang pangangailangan at gayundin sa pangangailangan ng pamayanan. Ilan sa mga tanim ay ang mga sumusunod; talbos ng kamote, alugbati, kamatis, talong, mustasa, kalabasa, upo, at marami pang iba.
“Nakapag-ani na po kami ng kakaunting gulay sa aming hardin at naihain narin nang iba sa kani-kanilang hapagkainan.” ayon kay Nanay Jeanne F. Francisco na nagsisilbing tagapagsalita ng grupo sa Gulayan sa Barangay Gulod.
Talagang kahanga-hanga ang kanilang pagpupursigi na maitaguyod ang kanilang nasimulang adhikain. Malinaw sa mga kababaihang magsasaka ng Barangay Gulod na malayo pa ang kanilang kailangang tahakin upang makamit ang tunay na pag-unlad sa kanilang komunidad. Subalit, ang lahat ay lubos na nagtitiwala na sa sama-samang pagkilos at pagtitiyaga ay makakamit din nila ang kanilang mga parangap para sa kanilang lugar sa tulong ng Gulayan sa Barangay.
Ang Kagawaran ng Kagalingang Panlipunan at Pagpapaunlad ay nagpupugay sa mga kababaihang magsasaka sa Barangay Gulod. Patunay ito na ang mga kababaihan ay kaisa din sa pagpapaunlad ng pamayanan at ng bawat pamilyang Pilipino. ##
#4PsNCR
#DSWDMayMalasakit