“Being able to identify as trans man was never a hindrance on achieving what I have right now. With the support of the people who accepted and believed in me, I know I can always choose to be true. Being a member of LGBTQIA+ is never a thing to be ashamed of, but anything to be celebrated.”
Ito ang mga katagang namutawi sa bibig ni Mico Pria, 37 na taong gulang, isang proud na trans man at miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer and Questioning, Intersex, Asexual, and other allied sex and gender (LGBTQIA+) mula sa Sampaloc, Manila.
Nag-umpisa ang paglilingkod ni Mico sa DSWD Field Office NCR taong 2010 kung saan nagsimula siya bilang isang Municipal Roving Bookkeeper (MRB) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa kanyang paglilingkod at pakikipagkapwa tao sa loob ng Kagawaran, namulat si Mico sa mataas na pagtingin nito sa mga kagaya niyang miyembro ng LGBTQIA+.
Nagkaroon si Mico ng positibong pananaw sa buhay at pangarap na patuloy na maglingkod sa Programa at sa bayan sa abot ng kanyang makakaya. Ngunit ang adhikaing ito ay hindi naging madali para kay Mico dahil tulad ng ibang tao ay sinubok din siya ng panahon.
Taong 2012 ng lisanin ni Mico ang Kagawaran at magpatuloy sa kanyang pagsusumikap at paghahanapbuhay sa isang private Lending Company sa Maynila. Ngunit kahit nagtatrabaho na siya sa nasabing opisina ay patuloy pa ring hinahanap ng kanyang pusong may malasakit ang pagsisilbi sa isang Kagawarang nagpakita at nagparamdam sa kanya ng tunay na pagmamahal, pagmamalasakit at pagtanggap lalo sa mga kagaya niyang miyembro ng LGBTQIA+.
Kaya naman, dahil sa pangungulila ni Mico sa Kagawaran na kanyang minahal at pinaglingkuran, siya ay nagpasiya na muling mag-apply at bumalik sa DSWD-NCR upang kanyang ipagpatuloy ang paglilingkod at patunayan ang kanyang sarili na ang isang miyembro ng LGBTQIA+ ay may puso ring tunay at tapat na mapagmalasakit para bayan.
Taong 2014, muling nakabalik sa Kagawaran si Mico. Dahil sa kanyang pagsusumikap at pagpapamalas ng angking-galing, muling nakuha ni Mico ang posisyon na MRB ngunit sa mas may seguridad at maayos na estado na ng paglilingkod- bilang isang contractual worker.
Dahil sa taos-pusong paglilikod sa Programa, ginawaran si Mico ng parangal bilang ‘Top 2 Best MRB’ noong Disyembre 2020 sa ginanap na Virtual General Assembly ng 4Ps National Capital Region.
Ang parangal na kanyang natanggap ay nagbigay din ng labis na kumpiyansa sa kanyang sarili upang lalong magpatuloy na maglingkod sa Kagawaran at patuloy na ibalik ang pagmamahal na kanyang naranasan sa loob ng Programa bilang isang MRB ng Pantawid Pamilya.
Sa kasalukuyan, si Mico ay nagsisilbi parin bilang isang MRB sa ilalim ng Cash Grant Unit, Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD-NCR. Naniniwala si Mico na sa sama-samang pagmamalasakit kahit ano pa ang iyong kasarian ay mamumutawi ang pag-asa, pagtanggap at pagbabago sa lipunan.
Ito ang kwentong may malasakit ni “Mico” Pria, isang proud trans man at miyembro ng LGBTQIA+.
DSWD NCR Official Facebook Page
Philippine Standard Time: