“Bilang miyembro at dating parent leader ng 4Ps, marami akong na realize at natutuhan sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Isa na dito ay ang hindi birong responsibilidad ng mga magulang sa mga anak. Pantawid man o hindi, malaki ang gampanin ng mga magulang sa mga anak. Hindi ito nagtatapos sa pagbibigay lamang ng makakain, mga pangangailangan sa pang araw-araw, at pagpapaaral, kundi kailangan silang asikasuhin, gabayan, tulungan, alalayan, subaybayan at ibigay sa kanila ang kanilang mga karapatan.”


Ito ang mga napagtanto ni Nanay Marissa M. Albetia, 44 taong gulang, isa sa mga pamilyang nagsipagtapos bilang isang benepisyaryo at miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Lungsod ng Navotas noong Hulyo 23, 2021.

Taong 1996 nang mag umpisang manirahan ang pamilya Albetia sa Market III Fishport Barangay North Bay Boulevard North sa lungsod ng Navotas. Sina Marissa M. Albetia at asawa nitong si Roberto A. Albetia ay nagkaroon ng tatlong anak. Inilarawan ni Nanay Marissa ang kanilang buhay noon na talagang mahirap dahil lahat sila ay nakaasa lamang sa limitadong kita ng kanyang asawa bilang isang kontraktual na karpintero sa isang Carpentry Fishing company sa Navotas. Madalas sila ay kinakapos sa pang-araw araw na gastusin lalo na sa tuwing matatapos ang kontrata sa trabaho ng kanyang asawa na hindi nila alam kung saan sila muling kukuha ng pagkakakitaan. Maging sa pag-aaral ng bata ay hirap ang pamilya lalo na kung ito ay may mga gastusin na kailangan sa kanilang paaralan. Dahil dito, naging hamon sa mag asawa ang pagtataguyod ng kanilang sambahayan.


Taong 2011,nang marehistro ang kanilang sambahayan sa 4Ps. Inihayag ni Nanay Marissa ang kanyang naramdamang galak kahit hindi pa siya noon ganoong pamilyar sa programa dahil naisip niya na ito ay malaking tulong upang maabot nila ang kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak.

Dahil sa pagkakapabilang ng kanyang pamilya sa 4Ps, nagbukas ito ng oportunidad sa kanilang tahanan upang tuluyang mapaunlad ang estado ng kanilang pamumuhay. Bagama’t hindi lahat ng pangangailangan nila ay nasasagot ng Programa, sinikap ng pamilya Albetia na pumulot ng mga kaalaman mula sa buwanang Family Development Session (FDS) at gamitin ang mga natutunan upang maging tanglaw ng kanilang sambahayan sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.

Sa kabila ng tulong ng Programa, may mga pagkakataon parin na sila ay kinakapos lalo na kapag natatapos ang kontrata sa trabaho ng kanyang asawang si Robert. Gayunpaman, ang kanyang asawa ay puspos ng determinasyon at hindi sumuko sa mga hamon ng buhay. Ginawa nito ang kanyang makakaya. Sinubukan niya ang iba’t ibang klase ng trabaho sa Fishport Area para magkaroon sila ng dagdag na pagkakakitaan. Dahil hindi sila parehong nakatapos ng pag-aaral, hirap ang mag-asawa sa pagkakaroon ng permanenteng hanap-buhay upang may maipangtustos sa kanilang mga anak.

Dahil narin sa kakulangan, ang mag-asawa’y minsan ding nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan kapag silaý kinukulang ng panggastos sa araw-araw. Bagaman nag-aaway, dahil sa pagmamahalang bumabalot sa mag-asawa ay nagkakaayos din sila sa tulong ng malaya at bukas-pusong pag-uusap. Ito ay isa rin sa mga natutunan nilang mag-asawa sa buwanang pagdalo sa FDS. Ang kahalagahan ng bukas na komunikasyon sa pamilya ay susi ng isang masaya at maayos na sambahayan.

“Ang pagsasama naming mag asawa ay hindi perpekto, madalas marami kaming di napagkakasunduan pero nananaig lang ang respeto , pagbibigay, tiwala, pagmamahal at pag unawa. Sa pamilya, ay di naman talaga maiiwasan ang magkaroon ng pagkakatampuhan pero sinisikap na namin pag usapan at i-resolve kung ano man ang problema” – Pagbabahagi ni Marrisa

Dahil narin sa marubdob na hangaring mapaunlad ang kanilang sambahayan, sa tulong ng 4Ps, si Marissa ay naisali rin sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD sa pamamagitan ng Self-Employment Assistance-Kaunlaran. Siya ay nakapag umpisa ng maliit na pagkakakitaan sa pamamagitan ng pagpapaorder ng Silver Accessories at kumikita sa higit kumulang 5,000 Pesos kada buwan at hanggang ngayon ay ginagamit at napapakinabangan pa niya ang mga kaalaman na ito.

Si nanay Marissa ay nagkaroon din ng pagkakataon na mamuno sa kanilang grupo. Dito niya lubos na naunawaan ang layunin ng Programa kung saan hindi lamang sila tinutulungan pang pinansyal, ngunit higit lalong matulungan ang kanilang sarili upang mapaunlad ang kanilang kakayahan para sa maayos na pamumuhay ng isang tahanan.

Inilarawan ni Nanay Marissa ang kanyang sarili noon na mahiyain at hindi masyadong nakikialam sa nangyayari sa kapaligiran ngunit nung siya ay naging Parent Leader napagtanto niya na mayroon pa siyang mga kakayahan na maaaring mapaunlad sa pamamagitan ng pagsasanay kasama ang mga kapwa niya Parent Leaders.

Taong 2016 sa tulong ng SLP ng DSWD natupad ang kanyang pagnanais na makatungtong sa entablado noong nagkaroon siya ng pagkakataon na makapag-aral ng Housekeeping National Certificate (NC) II sa Emmanuel John Institute of Science & Technology Inc. (EJIST), Caloocan City at Bookkeeping NC III naman sa St. Amatiel, Malabon. Dahil dito mas lalong yumabong ang kanyang kakayahan at kumpyansa sa sarili.

Dahil sa lubos na tulong ng Programa sa kanyang pamilya at dahil na rin sa kakayahan ng mag-asawang itaguyod na ang kanilang sambahayan ay nagbunga ito ng tagumpay. Taong 2016, ang kanilang panganay na anak na si Jean Margaret ay nakapagtapos ng pag-aaral sa kursong Bachelor of Science in Food Technology sa Polytechnic University in the Philippines habang si Mark Jarvey naman ay nakatapos rin ng Computer System in Network Technician sa Navotas Polytechnic College.

Taong 2019, nag-umpisa ang malaking pagbabago sa pamilya Albetia dahil nagkaroon ng regular na trabaho si Jean Margaret sa isang Food and Research Industry habang si Mark Jarvey naman ay nakakatulong din bilang isang Call Center Agent. Ngunit nagkaroon ng malaking dagok sa kanilang buhay nang napasama ang kanilang tahanan sa 800 na pamilyang naapektuhan sa naganap na sunog sa Market III, Navotas City noong 2019. Dahil sa mga ganitong pangyayari, tinulungan ng Ahensiya ang kanilang pamilya upang makabangon muli sa natamong sakuna. Sa pangunguna ng City Social Welfare and Development (CSWD) ng Navotas, nabigyan ang pamilya ng Financial assistance.

Sa kabila ng kanilang karanasan, ang pamilya Albetia ay nanatiling positibo. Sa kanilang pagsisikap, sa tuloy-tuloy na pagtulong ng programa at iba pang ahensya ng pamahalaan, sila ay unti-unting nakabangon sa insidenting ito. Naibalik nila ang kanilang tirahan at muling nakapag pundar ng mga kagamitan sa kanilang bagong tahanan. Dahil din dito napagtanto ni nanay Marissa ang kahalagahan tungkol sa Disaster preparedness na natutunan niya sa FDS.

Sa ngayon, ang kanilang pamilya ay isa sa mga nagtapos o ‘grumaduate’ na sa Programa dahil ang kanyang bunsong anak na si Martin Jasper ay nakapagtapos na ng sekondarya ngayong taon. Siya ay magpapatuloy na ng pag-aaral sa kolehiyo sa kursong Engineering sa Technological University of the Philippines.

Labis ang pasasalamat ng pamilya Albetia sa mga naitulong ng 4Ps sa kanilang tahanan. “Kailangan tulungan din natin ang ating sarili at pag sikaping makatawid sa kahirapan” – Aniya.

Tunay nga na sa sama-samang pagmamalasakit, pagtutulungan, at walang sawang pagmamahalan nagbubunga ito ng isang matagumpay na sambahayang Pilipino.

Please share