“Bilang isang solo parent, naging katuwang ko ang 4Ps sa pagtataguyod ng aking pamilya. Marami akong natutuhan at nagagamit na mga kaalaman na aking isinasabuhay sa pang-araw araw”

Isa ito sa mga salitang namutawi sa bibig ni Ginang Maria Fe T. Cabrillas, 46 taong gulang, Grantee, at isa sa walong [8] mga pamilya na nagsipagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa lungsod ng San Juan noong Hulyo 22, 2021.

Inilarawan ni Gng. Cabrillas ang kanilang buhay noon bilang salat at hikahos sa mga pangangailangan lalo na sa pag-aaral ng kanyang mga anak, dahil sa limitadong kakayahan at pinagkukunang pinansyal. Ang kanyang asawa na si Danilo lamang ang naghahanap buhay bilang isang tindero ng mga itlog sa kanilang lugar. Bukod sa pag-aalaga ng kanilang mga anak, Si Ginang Cabrillas ay paminsan-minsa’y tumutulong din sa kanyang asawa sa pagtitinda kapag sumasapit ang mga bakanteng oras sa kanilang tahanan.

“Pinagkakasya ko lamang ang kinikita ng aking asawa sa aming pang araw-araw na pangangailangan” Ani ni Ginang Cabrillas

Sa pagdaan ng mga panahon, naranasan ng pamilya ang labis na hirap bunsod ng hindi permanenteng pinagkakakitaan at liit ng kita sa pagtitinda. Sa mga ganitong tagpo ng kanilang pamumuhay, nadudurog ang puso ng mag-asawa dahil alam nila na ang apektado sa ganitong sitwasyon ng buhay ay ang kanilang mga anak. Para mairaos ang isang araw, paminsan-minsa’y napipilitan ang mag-asawang humiram ng pera upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang tahanan.


Taong 2013, ang pamilya Cabrillas ay napabilang na benepisyaryo ng 4Ps sa Lungsod ng San Juan. Sa pagpasok nila sa programa nagkaroon ng malaking pagbabago ang kanilang buhay. Tulad na lamang ng pagtugon sa pangangailangan ng pag-aaral ng kanilang mga anak at kalusugan ng kanilang buong pamilya. Nalubos ang kasiyahan ng pamilya dahil nagkaroon na ng linaw at abot-kamay na pangarap na pagtatapos para sa kanilang dalawang anak.

Mula ng mapasali ang kanilang sambahayan sa 4Ps, malaki ang pinagbago ng kanilang pamilya. Mula sa mga Cash Grants na katuwang nila pangtustos sa pag-aaral ng mga anak, hanggang sa iba’t ibang mga trainings at seminars na dinadaluhan ni Ginang Cabrillas. Humigit ang tulong na nakukuha niya mula sa Programa sa pamamagitan ng buwanang Family Development Sessions (FDS) na nagbibigay kaalaman sa wasto at maayos na pagdadala ng tahanan at komunidad.

Labis na nakatulong ang FDS dahil nagbago ang relasyon at pakikitungo ng bawat miyembro ng kanilang pamilya sa bawat isa. Ang pakikipagkapwa at pagmamahalan sa loob ng kanilang tahanan pati narin sa kanilang komunidad ay labis na kumintal sa puso at kamalayan ni Ginang Cabrillas.

Upang dagdagan pa ang kanyang mga kaalaman, ang Ginang ay naging Parent Leader din sa kanilang lugar. Sa pamamagitan nito, labis ang paniniwala ng Ginang na hindi hadlang ang kahirapan upang magkaroon ng mga bagong kaalaman at kasanayan na kanilang magagamit sa pang araw-araw na pamumuhay.

“’Pahalagahan at mahalin ang bagay na ibinigay sa iyo, palaguin at pagyamanin dapat ito”. Dagdag pa niya.

Ngunit kasabay ng pagkakapabilang ng kanilang tahanan sa Pantawid Pamilya, sa parehong taon ay yumao rin ang kabiyak ni Ginang Cabrillas dulot sa komplikasyon sa baga (Pneumonia). Labis ang hinagpis ng pamilya Cabrillas dahil sa pagkawala ng ama ng kanilang tahanan.

“Napakahirap, nawalan ako ng katuwang sa pagpapalaki sa aming mga anak. Maikli man ang aming pagsasama bilang mag-asawa, nanalig ako at nangangako na hindi ko pababayaan ang aming mga anak” Malungkot na tugon ng Ginang.

Lumipas ang mga taon at mag-isang itinaguyod ng Ginang ang kanyang pamilya. Pinasok niya ang iba’t-ibang uri ng pagkakakitaan upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang mga anak. Pumanaw man ang kanyang kabiyak, naging pangunahing kaagapay naman ng Ginang ang 4Ps sa pagtataguyod ng kanyang sambahayan.

Sa kasalukuyang, nagtitinda ng mga lutong ulam at meryenda sa tapat ng kanilang tahanan ang pinagkakaabalahan ni Ginang Cabrillas. Bukod pa rito siya ay isa ring caregiver na nag-aalaga sa mga matatanda sa kanilang lugar. Paminsan-minsan siya rin ay pumapasok bilang isang taga-linis ng bahay. Alam ng Ginang na sa mga ganitong pamamaraan, ito’y nakakatulong sa gastusin para sa kanilang sambahayan. Sinubok man ng mga naranasang hirap sa buhay, hindi nawalan ng pag-asa ang buong pamilya Cabrillas na ibangon ang kanilang tahanan sa mga pagsubok sa buhay katuwang ang Pantawid Pamilya.

Kasalukuyang namang nag-aaral ang panganay na anak ni Ginang Cabrillas na si Anton Jose, 20 taong gulang, ng kursong Bachelor of Science in Computer Engineering sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Samantalang ang kanyang bunsong si Maria Daniela, 19 na taong gulang ay kumuha naman ng Bachelor of Science in Biology sa nasabing ding pamantasan.

Ang kanyang dalawang anak ay kasalukuyang pinagpupursigihang tapusin ang kanilang mga napiling kurso mula sa nasabing Pamantasan. Dahil sa pangarap at mga aral na mula sa kanilang ina na natutuhan nito sa buwanang padalo sa FDS, si Maria Daniela ay puspos narin ng pusong may tibay na abutin ang kanyang mga pangarap sa buhay. Siya ay lubos sa pag-aaral at nakakakuha rin ng matataas na mga marka sa kanyang napiling kurso sa nasabing unibersidad.


Bagamat si Ginang Cabrillas ay isang solo parent, hindi ito naging hadlang upang maging responsableng siyang magulang sa kanyang mga anak. Nagpamalas ng labis na pagsisikap ang Ginang upang matugunan ang lahat ng pangangailangan ng kanilang pamilya. Ito ang kanyang itinuturo sa kanyang mga anak, ang kahalagahan ng pangarap at edukasyon ay susi para sa magandang kinabukasan.

Sa kanyang pagtatapos sa Programa, labis ang naging pasasalamat ng kanyang buong pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa lahat ng mga naitulong at naigabay sa kanila ng programa. Alam ng Ginang na magpapatuloy ang buhay ngunit ang kanyang karanasan at mga napulot na kaalaman mula sa Programa ay magpapatuloy hanggang sa wakas.

Please share