Ang Sucat Paradise Garden ay matatagpuan sa Brgy. Sucat Muntinlupa City. Ito ay binubuo ng 18 Pantawid Pamilya Farmers na patuloy na nagpupursiging magtanim mula 2017 hanggang ngayon.
Dumaan sa maraming pagsubok ang grupo bago nila nakamtan ang tinatamasang pag-ani. Sa kanilang unang beses na pagtatanim ay nahirapan ang kanilang samahan, dahil sa hindi pagkakaunawaan ng bawat miyembro ng gulayan. Nag-umpisa ang kanilang pagtatanim ng mga halamang-gamot at gulay sa greenhouse ng Barangay Sucat na mayroong 43 na mga miyembro. Dahil sa hindi pagkakaunawaan ng bawat miyembro ng nasabing gulayan, lumiit nang lumiit ang kanilang bilang hanggang sa naging 18 nalang ang nanatili dito.
Sa kagustuhan ng mga natitirang miyembro na makapagtanim at kumita upang makatulong sa kanilang pamilya ay pinili parin ng grupo na itaguyod ang kanilang gulayan. Ang grupo ay muling nakapagtanim sa Paaralang Elementarya ng Sucat na agad din namang nahinto dahil sa pagpapatayo ng bagong mga imprastraktura ng paaralan para sa kanilang komunidad. Dahil sa mga pangyayaring ito, napilitang huminto ang grupo sa pagtatanim.
Taong 2019 nang muling umalab ang pagnananis ng bawat miyembro ng samahan na magtanim. Dahil narin sa tulong ng kanilang Community Organizer at ng City Link na nangangalaga sa bawat miyembro nito, muling nakapagtanim ang kanilang grupo. Sa tulong din ng Department of Agriculture (DA) sa Lungsod ng Muntinlupa ay unti-unti nilang naumpisahan ang bawat tanim na sumisimbolo ng kanilang pagsisikap ang pagpupunyagi.
Sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Muntinlupa, na nagbigay sa kanila ng mga binhi, pataba sa lupa, at mga kahoy na pangbakod sa kanilang taniman, ang bawat miyembro ay nakapagpunla ng bagong pag-asa para sa kanilang gulayan.
Bukod din sa tulong mula sa Lungsod, ang gulayan din ang naging tulay upang maendorso ang Paradise Garden sa proyektong “Gulayan sa Pamayanan” ng Department of Science and Technology – National Capital Region na nagbigay naman sa samahan ng mga teknolohiya na maaring gamitin sa pagtatanim. Ilan dito ay ang EPP o Enhance Potting Preparation at ang Hydroponics.
Kasama rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga tumulong sa grupo ng Paradise Garden at sa iba pang grupong ng Pantawid Pamilya farmers sa Lungsod, sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga punla at pag-gabay sa bawat miyembro nito kung paano pa mapapanatili ang marami at masagang bunga.
Kaya naman, dahil sa mga ipinakitang pagmamalasakit ng grupo sa kanilang gulayan at sa patuloy na pag-usbong narin ng kanilang ng mga pananim, noong Oktubre 13, 2021 ay pumirma ng kasunduan ang grupo sa gabay ng Pantawid Pamilyang Piliino Programa at Barangay Sucat, Lungosd ng Muntinlupa. Layunin ng kasunduang ito na masuportahan ng Barangay Sucat ang mga Pantawid Pamilya Farmers sa pamamagitan ng pagpapahiram sa kanila ng lupang pagsasakahan, patubig at iba pang pangangailangan ng grupo.
Layunin din ng nasabing kasunduan ang pagbibigay suporta ng Barangay at ng DSWD sa pagsulong ng seguridad sa pagkain at pangkabuhayan ng bawat miyembro ng Gulayan.
Sa kasalukuyan, ang mga Farmers ng Sucat Paradise Garden ay aktibong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) habang masayang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa loob ng kanilang tahanan at sa komunidad. Ang Sucat Paradise Garden ay patuloy sa kanilang paglinang ng mga bagong kaalaman para mas lalo pang mapalago ang kanilang taniman. Ang kanilang pagsali sa patimpalak ng Pantawid Pamilya na 4th for Best Communal Garden 2021 ay nagbigay alab sa puso ng bawat miyembro at gulayan na kanilang kinabibilangan ay may mataas na pagpapahalaga para sa kanilang tahanan pati narin sa komunidad.
“Malaki ang pasasalamat naming mga Pantawid Pamilya Farmers ng Sucat Paradisde Garden sa mag ahensyang walang sawang tumutulong sa amin, kung yakat ipagpapatuloy naming ang pagiging masig upang makatulong din sa iba” – Mensahe ni Josephine R. Eranes isa sa mga Pantawid Pamilya farmer mula sa Sucat Paradise Garden.