Ang Pamilya Clave ay naninirahan sa Barangay 68, Caloocan City. Ang kanilang pamilya ay nabiyayaan ng pitong (7) mga anak. Hindi naging madali para kay Nanay Rosy ang tumayong ama at ina sa kanyang  mga anak buhat ng mamayapa ang kayang asawa taong 2001. Para itaguyod ang kanyang pamilya, nagsisikap na gumigising lagi ng maaga si Nanay Rosy upang magtinda ng almusal sa ilalim ng LRT. Upang madagdagan ang kanyang kinikita, pinasok rin ni nanay Rosy ang pagtatrabaho bilang isang street sweeper sa kanilang lugar.


Bagamat kumikita siya mula sa ibat-ibanggawain, hindi parin ito sumasapat sa kanilang pangangailangan sa pang araw-araw. Ayon kay Nanay Rosy ang estado ng kanilang pamumuhay ay napakahirap. Salat sa pangangailangan lalong-lalo na sa usaping pang-edukasyon ng kanyang mga anak. Ngunit sa kabila ng hirap na pinagdadaanan ng kanilang pamilya, pinili ni Nanay Rosy na igapang at ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa kolehiyo upang makahanap ng maayos na trabaho para sa kanyang pamilya. Taong 2010, sa edad na 47 nakapagtapos si nanay Rosy sa kursong Psychology sa Unibersidad ng Caloocan. Dahil dito, nagsilbing inspirasyon si Nanay Rosy sa kanyang mga anak upang upang lalo rin silang magsumikap sa pag-aaral.

Taong 2013 nang mapabilang at maging miyembro ang kanyang pamilya sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Sa mga unang buwan hindi naging madali para kay Nanay Rosy na gampanan ang tungkulin ng pagiging isang miyembro ng Programa lalo na sa katulad niyang solo parent at mag isang nagtataguyod ng kanilang pamilya. Ngunit alam ni Nanay Rosy na ito ang mitutulong ng Programa para sa kanyang mga anak. Makalipas ang taon ang pamilya ni Nanay Rosy ay naging isa sa pinaka aktibong sambahayan ng Programa sa kanilang komunidad. Kaya sa mga pagkakataon na siya ay nakakatanggap ng Cash Grants ay nabibili niya ang pangangailangan ng kanyang mga anak at iba pang gastusin sap ag-aaral ng kanyang mga anak.


Naging malaking bahagi ng buhay ng pamilya Clave ang Programa dahil bukod sa mga Cash Grants na kanilang nakukuha ay naging miyembro rin sila ng Philhealth na kanilang nagagamit sa oras ng pangangailangan. Naging malaking tulong rin sa kanila ang nakukuhang Rice Subsidy Allowance at dahil dito nagkaroon sila ng sapat na badyet para sa kanilang araw-araw na pagkain. Ang pagdalo ni Nanay Rosy sa buwanang pagpupulong o ang tinatawag na Family Development Session (FDS) ang nagbigay sa kanya ng pagkakataon upang mas matuto sa usaping espiritwal, pang pamilya at komunidad at ito ay kanyang ibinabahagi sa kanyang mga anak.


Unti-unti naging maayos ang kanilang buhay nang dahil sa tulong ng Programa at pagsusumikap ni Nanay Rosy. Dahil sa pagiging aktibong miyembro ng Pantawid Pamilya, taong 2018 ay nabigyan ang kanilang pamilya ng tulong pampuhunan sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP). Ito ay naging daan upang makaroon siya ng sariling negosyo at makapagtinda.

Patuloy ang pagtitinda ni Nanay Rosy dahil ito rin ay pangunahing pinagkakakitaan ng kanilang pamilya. Naging malaking bahagi ng buhay ni Nanay Rosy ang pagiging isang miyembro ng 4Ps dahil dito ay natutuhan niyang makibagay at makisalamuha sa ibat-ibang tao at magkaroon ng kamalayan sa kanilang komunidad. Dahil sa pagnanais niya na makatulong at mabigyan ng serbisyo ang ibang miyembro ng programa, hinirang si Nanay Rosy na maging Parent Leader ng kanyang kinabibilangan na grupo. Upang mas higit na malinang ang kakayahan at kaalaman, ni Nanay Rosy siya ay aktibong dumadalo sa mga buwanag pagpupulong kasama ang ibat-ibang Parent Leader ng ibat-ibang barangay na miyembro rin ng Pantawid Pamilya.

Sa ngayon, masasabi ni Nanay Rosy na naka-angat na ang estado ng kanilang pamumuhay at naging matagumpay dahil sa tulong ng Programa. Bukod pa dito, apat (4) sa kanyang mga anak ay nakapagtapos na sa kolehiyo at may kanya-kanyang nang maayos na trabaho samantalang tatlo sa mga ito ay patuloy sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo.

Para kay Nanay Rosy ang kanilang pagtatapos ay umpisa pa lamang upang mas mapaunlad at patuloy na maiangat ang kanilang pamumuhay habang sila’y nakakapagbahagi rin ng kanilang mga kaalaman sa kanilang kapwa.


“Bilang isang magulang responsibilidad ko na palakihin ang aking mga anak ayon sa katuruan ng Biblia. Kasama na rito ang pagbibigay ng kaukulang pisikal at emosyonal na pangangalaga, pagtuturo, disiplina, at ang pagiging halimbawa ng buhay Kristiyano. Salamat sa Panginoon sa pagbibigay nang kalakasan at sa Programa ng Pantawid Pamilya na aking naging katuwang sa buhay upang mapag-aaral ko ang aking mga anak at maging matagumpay sa buhay.”- Kayang Pagbabahagi Rosy C. Clave.

Please share