Isa na siguro sa pinakamahirap na hamon ng aking buhay ay ang pagiging isang “Solo Parent.” Mag-isa akong tumatayong ama’t ina para sa aking mga anak, mag-isang naghahanapbuhay mula umaga hanggang gabi para maibigay ko ang pangangailangan ng aking pamilya. Pilit akong nagpapatuloy para sa aking mga anak at sa kanilang pag-aaral at sa pangarap naming makaahon tungo sa mas maayos na buhay.
Ako si Jennifer Combate, 45 na taong gulang mula sa Lungsod ng Maynila. Taong 2011 nang mag-umpisa akong mapabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Ako ay mayroong tatlong anak sina; Rhoze Ann A. Combate, 18 taon gulang, Rhoze Eunice A. Combate, 15 taon gulang, Justine Rhoze A. Combate, 14 taon gulang.
Nasa 30-anyos na ako nang ako ay ikasal ngunit kalaunan ay naghiwalay din kami ng aking asawa dahil sa mga hindi pagkakaunawaan. Oktubre 2013, noong una kong itaguyod ang aming pamilya nang mag-isa. Bilang isang solo parent, ito’y hindi naging madali at nabalot ako ng lungkot dahil wala na akong katuwang sa buhay. Bilang ina, minsan ay pinanghihinaan din ako ng loob at nawawalan ng pag-asa na maayos kong maitataguyod ang aming sambahayan. Ngunit dahil din dito ay mas umiigting ang pagnanais kong maisaayos at mapaunlad ang aming buhay, pilit kong kinakaya ang hirap. Sa mga panahong pinanghihinaan ako ng looban, sa aking mga anak ako humuhugot ng lakas upang harapin ang panibagong bukas.
Sa pakikibaka ko sa buhay, naging katuwang ko ang 4Ps sa pagpapalaki ng aking mga anak. Sa pamamagitan ng Family Development Sessions (FDS), natutuhan ko ang tamang pagpapalaki ng mga anak, mga karapatan ng mga bata at kababaihan, maging isang alistong pamilya sa panahon ng sakuna, kahalagahan ng pag-iimpok, at mga pakinabang ng bakuna lalo na ngayong Pandemya.
Bukod sa FDS, nakatulong din nang malaki ang mga Cash Grants na ibinibigay ng Programa para sa aking mga anak at sa kanilang pag-aaral. Ang aking panganay na si Ma. Rhoze Ann ay kasalukuyang nasa Grade 12 sa National Teachers Collage (NTC) sa ilalim ng Humanities and Social Sciences Strand (HUMSS). Pangarap niyang maging isang tanyag na Journalist at planong kumuha ng kursong Mass Communication sa kanyang pagtuntong ng kolehiyo.
Ang pangalawa ko namang anak na si Rhoze Eunice ay kasalukuyang Grade 10 sa Jose P. Laurel High School. Siya ay may angking talento sa pagkuha ng mga larawan. Siya rin ay nagkamit ng ikatlong gantimpala nitong nakaraang taon sa photo journalism contest na kanyang sinalihang patilpalak, at ngayon ay naghahanda muli para naman sa isa pang nalalapit kompetisyon sa pagkuha ng larawan sa Division Schools Press Conference. At ang aking bunsong anak naman si Justine Rhoze ay kasalukuyang nasa Grade 9 sa Jose P. Laurel High School. Siya naman ay may talento sa pagsusulat at nagwagi ng ikaapat na gantimpala sa Division Schools Press Conference sa kategoryang Lathalain nitong nakaraang taon.
Mahirap man ang buhay ng isang solo parent, lubos pa rin ang aking tuwa at galak dahil alam kong katuwang ko ang Programa sa pagpapalaki ng aking mga anak. Kahit anong hirap ang aming danasin at kakaharapin makita ko lang ang pagsusumikap ng aking mga anak sa kanilang pag-aaral ay napapawi na ang pagod at hirap na aking nararamdaman.
Bilang ina, ako ay naniniwala na ‘Ang pag-aaral ay kayamanan na kailanman ay hindi mananakaw ng kahit na sinuman.’ Lagi kong ipinapaunawa sa aking mga anak ang kahalagahan ng edukasyon para sa kanilang hinaharap at kung sakali na dumating man ang panahon na makita sila ng kanilang ama ay maipagmamalaki rin niya ang mga ito.
Sa kasalukuyan, ako ay isang “on-call repacker” ng baking powder sa isang pribadong kumpanya sa Lungsod ng Maynila na may pakyawang kita. Bukod dito isa rin akong online reseller ng mga damit at pabango. Patuloy pa rin ang aming sambahayan sa pakikibaka sa mga pagsubok ng buhay. Hiling ko na lalo pang tumagal ang Programa at marami pa itong matulungan na katulad kong Solo Parent. Marami po salamat 4Ps.