“Bilang isang miyembro ng LGBTQIA+ Community, hindi naging madali ang pagtanggap sa aking tunay na kasarian/pangkasarian bunsod na rin ng takot na mahusgahan at itakwil ng sariling pamilya. Ang pagmamahal at pagpapatawad ang siyang lagi kong dadalhin upang ako’y maging malaya saanman ako dalhin ng tadhana”
Ito ang naging tugon ni John Paul Montana, 26 taong gulang, Administrative Assistant II ng Pantawid Pamilyang Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Operations Office 1 – Manila City. Isang mabuting anak, masayahing kaibigan, maaasahang katrabaho, at ehemplo sa kanilang komunidad si John Paul o mas kilala sa palayaw na “JP”.
Nag-umpisa ang makulay na buhay ni JP nang siya ay ipanganak noong Marso 25 taong 1996 sa Quezon City. Bata pa lamang si JP ay batid niya na kung ano talaga ang kanyang pagkatao ngunit pinilit niya itong itinago dahil na rin sa takot na mahusgahan at itakwil ng kanyang pamilya.
Dahil na rin sa lipunang ginagalawan kung saan patuloy pa ring nakakaranas ng karahasan at diskriminasyon ang mga miyembro ng LGBTQIA+ Community, pinili ni JP na itago ang kanyang tunay na kasariang pagkakakilanlan hanggang siya ay mapabilang sa Youth For Christ (YFC) noong 2009. 3rd year high school na si JP nang maging kabahagi ng YFC at sa tulong na rin ng kanyang ama, siya ay naging masigasig sa paglilingkod sa Panginoon at sa kanyang mga kapuwa kabataan sa kanilang lugar.
Maraming nakilala at nakahalubilo si JP habang naglilingkod sa nasabing organisyon. Nariyan ang mga kabataang mapamaraan, maabilidad at higit sa lahat mga kabataang malayang naipapakilala ang kanilang tunay na kasarian. Dahil sa bukas na pagtanggap ng organisasyon sa mga kabataan anuman ang kasarian nito, naramdaman ni JP ang tunay na pamilya at pagtutulungan sa loob ng YFC, kung kaya’t naisip niyang dito na ilahad ang kanyang tunay na kasariang pagkakakilanlan.
Sa isang pagtitipon ng YFC, siya ay tinanong kung “Ano sa ngayon ang iyong pinakamabigat na dinaramdam?” Hindi nag-atubili si JP ilahad ang kanyang kasarian sa kanyang mga kasamahan. Dahil dito, naging tampulan ng usap-usapan ang ginawa ni JP at hindi lumaon ay nalaman ito ng kanyang ama na hindi naman makapaniwala dahil sa buong pag-aakala nito na ang kanyang anak ay isang straight na lalaki. Dahil dito, naging malamlam ang pakikitungo sa kanya ng kanyang ama at pinalayas ito sa kanilang tahanan. Umalis si JP na baon ang sakit at sama ng loob sa ama dahil ang inakalang makakaunawa sa kanya ay siya pang naunang tumalikod at nagpalayas dito.
Pansalamantalang nanuluyan si JP sa kanyang kapatid na si Desiree Montana nang mahigit dalawang linggo. Hindi naglaon ay nakiusap ang ina ni JP sa ama nito na pabalikin na sa kanilang tahanan ang kanilang anak. Pumayag naman ang kanyang ama ngunit ramdam pa rin ni JP ang lamig ng pakikitungo ng kanya ama sa kanya.
Dahil dito ay mas minabuti na ni JP na mas mamalagi na lamang sa labas ng kanilang tahanan. Siya ay nabarkada, natutong magbisyo, at halos araw-arawin ang pag-inom ng alak upang kalimutan ang lungkot at humanap ng pamilyang tatanggap sa kanya anuman ang kanyang kasarian.
Ngunit sa kabila ng kanyang mga pinagdaanan ay patuloy na nagpursige si JP sa pag-aaral. Hindi alintana ang sasabihin nang iba, at higit pang naging masigasig sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Taong 2017, nagtapos si JP ng kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Entrepreneurial Management sa Eugenio “Amang” Rodriguez Institute and Technology (EARIST). Sa kanyang pagtatapos ay siyang pagkamulat ng kanyang ama sa pagpupursige at mga hirap na pinagdaanan ni JP upang ikarangal siya nito bilang isang anak. Ito rin ang naging daan upang manumbalik ang respeto at pagmamahal ng ama ni JP sa kanya sapagkat mula sa pitong (7) magkakapatid ay siya lamang ang nakatapos ng kolehiyo sa kanilang pamilya.
Nang makapagtapos, ito ay nag-apply at nakapasok bilang ilang Administrative Assistant II sa DSWD Field Office NCR sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Dito muling naramdaman ni JP ang pagtanggap at pagkakaroon ng isang pamilya. Dahil alam ni JP na anuman ang kanyang kasarian ay may Kagawarang lubos at handing tumanggap sa kanya.
Hindi naging maganda ang pasok nang taong 2020 sa kanilang pamilya dahil sa pagkakasakit ng kanyang ama na nangangailangang ng lingguhang dialysis. Ang gastusin sa gamutan ay lalong nagpabigat sa buhay ng pamilya ni JP. Upang maibsan ang gastusin sa pagpapagamot ng ama, si JP at ang kanyang ina ay lumapit sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan gaya ng DSWD upang sagutin ang lingguhang dialysis nito. Kapag walang pasok o may libreng oras, matyagang sinasamahan at binabantayan ni JP ang kanyang ama upang magpa-dialysis sa ospital. Ito rin ang muling nagpatibay sa samahan nilang mag-ama at naging daan upang tuluyan nang matanggap ng ama ang kanyang kasarian.
Subalit, kamakailan lang ay pumanaw ang kanyang ama halos dalawang araw matapos ang kanyang kaarawan. Labis ang pagdadalmhati nito dahil naging maiksi man ay nagawa nitong tanggapin nang buong puso ang pagkatao ni JP.
Sa ngayon, nagsisilbi parin si JP bilang isang Administrative Assistant II ng 4Ps Operations Office 1. Patuloy pa ring hinaharap ni JP ang mga hamon ng buhay na dala-dala ang mga aral, pagmamahal, at pusong handang magsilbi sa bayan anupaman ang kanyang kasarian.##