“Hindi ko binigyan ng pagkakataon ang pagsuko sa kahirapan ng buhay, dahil malinaw sa akin na dapat ay maibigay ko ang mga pangangailangan ng aking mga anak. Hiindi ako tumigil sa paghahanap ng pagkakakitaan hanggang sa ako’y maging isang Day Care Teacher sa lokal na pamahalaan ng Maynila.” – Juliet Quimbo
Ito ang mga katagang namutawi sa bibig ni Juliet, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Lungsod ng Maynila. Katuwang ni Juliet ang kanyang asawang si Angel Factor Quimbo sa pagtataguyod ng kanilang pitong (7) mga anak.
Sa kanilang simpleng pamumuhay, pinangarap niya na magkaroon nang mapagkakakitaan upang makadagdag sa pang-tustos sa pag-aaral ng kanyang mga anak. Umaasa na sa kahit kaunting puhunan ay makapagtinda siya ng mga merienda at ulam sa kanilang lugar.
Disyembre ng taong 2009 nang napabilang ang pamilya ni Juliet sa 4Ps. Lubos ang kanyang galak dahil alam niya na may makakatuwang na sila sa pagpapaaral ng kanyang mga anak. Labis din ang pagpapahalaga ni Juliet sa edukasyon kung kaya’t nais niyang maikintal ito sa kanyang mga anak.
Bilang bahagi ng Programa at pagtalima sa mga kondisyong kaakibat nito, si Juliet ay nakakatanggap ng Cash Grants na siya naming ginamit para sa pag-aaral ng kanyang mga anak. Habang nag-aaral ang kanyang mga anak, kasabay din nito ang buwanang pagdalo ni Juliet sa Family Development Sessions (FDS) kung saan marami siyang napulot na aral na makakatulong sa pagtataguyod ng pamilya at pakikipagkapwa.
“Isa sa mga natutunan ko ay ang pagkakaroon nang maayos na komunikasyon sa pamilya at mga anak. Mahalaga ito dahil kapag bukas ang komunikasyon sa isa’t-isa, mas mabilis ang pagtutulungan namin sa oras ng pangangailangan. Tunay na naging gabay namin ang programa sa aming buhay-pamilya” – Ani ni Juliet.
Dahil sa kagustuhang matustusan ang pangangailangan ng kanyang mga anak, taong 2013 nang subukan ni Juliet na mag-apply sa Manila Department of Social Welfare District bilang isang guro. Sa una ay hirap si Juliet na makipagsabayan sa kanyang mga kasamahan dahil sa kanyang edad na 38 taong gulang. Alam niya na mas marami pang higit na magaling sa kanya sa larangan ng pagtuturo ngunit ginamit ito ni Juliet upang patatagin ang kanyang loob, mas pag-igihan pa ang pagtuturo at isabuhay ang ilan sa kanyang mga natutunan sa FDS.
Hunyo nang naturang taon ay ganap nang naging isang guro si Juliet sa Manila Day Care Center sa Barangay 820, Paco, Lungsod ng Maynila. Siya ay dumaan sa anim (6) na buwang pagsasanay upang magkaroon ng wastong kaalaman sa pagtuturo at tamang pakikisalamuha sa mga bata.
Masayang-masaya si Juliet sa nakamit na tagumpay. Sa sipag at katatagan ng loob na kanyang ipinamalas, hindi siya nawalan ng pag-asang makakaahon din sa kahirapan.
“Malaking tulong ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa aking pamilya dahil nakapag-aral ang lahat ng aking mga anak at ang bunso ko ngayon ay nasa ika-walang baitang na. Namulat ang aking isipan at nagkaroon ng pagkatuto sa pamamagitan ng Family Development Sessions na aking dinadaluhan kada buwan.” Dagdag ni Juliet.
Sa kasalukuyan, tatlo sa kanyang mga anak ang nag-aaral, ito ay sina: Angela Kaye Quimbo, 3rd Year College sa Technological University of the Philippines at kumukuha ng kursong Education Major in Industrial Arts, Justin Quimbo, na magtatapos naman sa Senior High School ngayong taon, at si Juliet Quimbo, Grade 8 mula sa Manuel A. Roxas High School.
Batid ng mag-asawang Quimbo na malayu-layo pa ang kanilang lalakbayin at marami pang mga pagsubok ang haharapin ngunit taas-noo nila itong pagsusumikapang lampasan bilang isang pamilya. Dagdag pa ni Juliet na ang mga natutunan sa Programa ay kanyang babaunin at gagamitin bilang armas upang magtagumpay.
“Isang tagumpay para sa akin ang mga pagbabagong nangyari sa aming pamilya. Sa pamamagitan ng aking trabaho at ng Programang Pantawid Pamilya, ay naibsan ang aming pangangailangan sa pagkain, nakapag-aral ang aking mga anak, at namulat at nagkaroon pa ako ng mas maraming kaalaman dahil sa buwanang Family Development Session. Ang magandang pagbabagong ito sa aming pamilya ay bunga ng pag-asa at tuluy-tuloy na paglaban sa hamon ng buhay. “ Banggit Juliet.
Sama-sama tayo sa matatag at matagumpay na pamilyang Pilipino.