“Ang pagiging isang magulang ay walang katapusan. Sabi nga nila, kahit wala man itong kapantay na halaga ito ay patuloy na pinagyayaman”.
Ito ang mga katagang isinalaysay ni Geraldine Dela Cruz, isang ina mula sa Barangay Maysilo, Lungsod ng Malabon. Ang pagiging isang magulang ay walang katumbas na halaga, makita mo lamang ang ngiti sa labi ng iyong mga anak ay dagliang napapawi ang pagod at hirap.
Ang mag-asawang Dela Cruz ay payak na namumuhay kasama ang kanilang apat (4) na anak na sina Joseph, Maria Ella, Danica at Angelica. Sila ay magkatuwang sa paghahanapbuhay upang maibigay ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya sa araw-araw.
Isang dating tricycle driver si Nestor Angeles, ito ang kanyang pangunahing pinagkakitaan sa mahabang panahon upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya habang si Geraldine naman ay nagtitinda ng almusal sa umaga sa kalyeng malapit sa kanilang tahanan.
Dahil sa pagsisikap nilang mag-asawa ay napagtapos nila ang kanilang panganay at nag-iisang anak na lalaki na si Joseph sa kursong Hotel and Restaurant Management at kasaluyang nagtratrabaho bilang service crew sa isang restaurant. Sa ngayon ay may sarili na ring pamilya si Joseph na sinusuportahan.
Ang dalawa naman sa kanilang anak na sina Maria Ella at Danica ay parehong nakapagtapos ng Hayskul at kasalukuyang naninirahan sa Barangay Maysilo kapiling ang kani-kanilang pamilya. Bagamat hindi nakapagtapos ng kolehiyo ang dalawa bunsod nang maagang pag-aasawa, ang mga ito ay hindi pa rin naman nakakalimot sa kanilang mga magulang at kahit papaano’y tumutulong pa rin sila sa pangangailangan ng mga ito.
Dahil sa walang humpay na paggabay sa kanyang mga anak, ang sambahayan ni Geraldine ay napabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) taong 2012. Bilang isang miyembro ng 4Ps, malaki ang naitulong ng Programa sa kanilang pamumuhay. Sa pamamagitan ng cash grants na natatanggap ay naipagpatuloy ng kanyang mga anak ang pag-aaral gayundin ang pantustos sa kanilang araw-araw na pangangailangan. Lubos din ang kanyang pasasalamat sa Pantawid Pamilya dahil nakapagtapos na ang panganay niyang anak habang kasalukuyang nasa kolehiyo ang bunso. Bukod sa tulong pinansyal ay malaki rin ang naitulong ng buwanang Family Development Session kung saan ay nagkaroon sila nang mas malawak na pang-unawa sa wastong pamamahala ng isang sambahayan. Liban dito ay nadagdagan din ang kanilang kaalaman tungkol sa wastong pag-iimpok, kahandaan kapag may sakuna, at iba pang mga aral na magagamit sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Taong 2020 din ay sinubok ng matinding dagok ang kanilang pamilya nang madiskubre nila na si Nestor ay may stage 5 kanser sa bato at kailangang sumailalim sa dialysis. Dahil dito, ang kanilang ipon ay unti-unting naubos sa mga gamot at gastusin sa ospital. Dahil sa hindi na rin naagapan ay naging patuloy ang paglubha ng karamdaman ni Nestor at tuluyan na itong binawian ng buhay noong ika-2 ng Disyembre 2020.
Oktubre 2020, malungkot man ang kanilang pamilya dahil isa ang kanilang sambahayan sa mga naitala sa ilalim ng “Natural Attrition” dahil ang pinakahuling batang minomonitor ay tumuntong na sa 18 taong gulang, ay malaki pa rin ang kanilang pasasalamat sa Programa at sa lahat ng tulong na naibahagi nito sa kanila. Dagdag pa rito, ang kanilang pamilya ay nabigyan din Livelihood Assistance Grants na nagkakahalagang Php 15,000.00 noong Disyembre ng naturang taon.
Sa kasalukuyan ay nasa 2nd year college na si Angelica na kumukuha ng kursong Bachelor of Science and Business Administration major in Financial Management sa University of Malabon. Dahil na rin sa sipag, tiyaga at talino ay isa siya sa mga nakatanggap ng scholarship galing sa lokal na pamahalaan ng Malabon.
Bilang isang magulang na tumayo bilang ama’t ina mula nang mawala ang asawa, si Geraldine ay patuloy na nagsusumikap para sa kanyang mga anak. Sa kaniyang mga pagsasakripisyo ay naipapadama niya ang kanyang walang humpay na pagmamahal sa kanyang sambahayan. Ang kanyang pagmamahal at sakripisyo para sa mga anak ang kaniyang pinanghahawakan upang mas lalong magpursige sa buhay. ##
Sama-sama tayo sa Matatag at sa Matagumpay na Pamilyang Pilipino.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD