Kultura na nating mga Pilipino ang sadyang pagiging malapit sa ating mga pamilya na para bang tayo ay kakaning niluto sa lumang palayok — malagkit, mainit, makapit, dikit-dikit. Ganito ang pamilya ng butihing ina na si Josephine A. Barrera, mula sa Barangay Concepcion, Lungsod ng Mandaluyong.
Gaya rin ng malagkit na bigas na inaani, binabayo, sinasala, hinuhugasan, at pinakukuluan hanggang maluto, dumaan din si Josephine sa mahaba at masalimuot na proseso ng kaniyang buhay na kung ilarawan niya ay salat at hikahos dulot ng limitadong kakayahan at pagkukulang pinansyal. Lalo pa ngang naging mahirap ang kanilang kalagayan ng mawalan ng trabaho ang kaniyang asawa kasabay ng pagsilang ng kanilang unang anak. Upang matugunan ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan ay nagsimula si Josephine sa pagtitinda ng suman na gawa ng kaniyang biyenan. Katuwang ang kaniyang asawa, inilalako nila ang mga gawang malagkit na suman, hindi alintana ang init ng panahon o bumabahang kalsada tuwing maulan.
Taong 2002 nang magsimula si Josephine na magtinda ng sumang siya mismo ang nagluluto mula sa puhunang Php 300 sa isang araw. Nilalako niya ito sa iba’t ibang lugar upang masiguradong mauubos ang kaniyang paninda. Tulad ng ibang nagnenegosyo, hindi naging madali ang kaniyang pagsisimula. Naranasan niya ang iba’t ibang pagsubok katulad ng pagkalugi at kakulangan ng sapat na puhunan, ngunit hindi ito naging dahilan upang itigil niya ang kaniyang nasimulan. Nagdaan ang ilang taon, at nagpatuloy pa rin si Josephine sa paggawa ng kanyang produkto sa kabila ng maliit na kinikita nito. Sinikap niyang panatilihing positibo ang kaniyang pananaw — na darating din ang araw na sila ay makararaos at lalago rin ang negosyong kaniyang nasimulan.
Hanggang sa dumating ang taong 2013 at napabilang ang pamilya ni Josephine sa mga benepisyaryo ng programang 4Ps ng DSWD na naging daan din upang siya ay mapabilang sa iba pang programa tulad ng Self-Employment Assistant-Kaunlaran (SEA-K) sa pamumuno ng Sustainable Livelihood Program na naglayong pautangin ng puhunan ang ating mga kababayanan para sa pagsisimula ng negosyo. Si Josephine ay isa sa mga mapalad na nakatanggap ng halagang Php 8,000 na nagamit niya upang madagdagan pa ang kaniyang mga produkto tulad ng puto, butchi at kutsinta. Ang kinikita ng negosyo niya noon na Php 100 ay naging Php 300 na sa isang araw.
Nagpatuloy ang paglago ng kaniyang negosyo hanggang sa noong 2020 ay dumating naman ang Covid-19 pandemic. Humina nang husto ang kita ng kanilang negosyo at nawalan muli ng trabaho ang kaniyang asawa. Ang inaakalang dalawang linggong pagtigil ng mundo ay inabot pa ng ilang buwan at taon na naging sanhi upang tuluyang malugi ang kanilang negosyo.
Ngunit tulad ng bigas na ginagamit sa paggawa ng bibingka, na umaalsa at lalong sumasarap habang nakasalang sa gitna ng umaapoy na uling, lalo ring umalsa ang pagsisikap si Josephine. Sa tulong muli ng ahensya ng DSWD, unti-unting nakabangon ang kaniyang negosyo nang siya ay mapabilang sa mga benepisyaryo ng Livelihood Assistance Grant. Nakatanggap si Josephine ng halagang Php 15,000 na kaniyang ginamit bilang puhunan upang maitayong muli ang kaniyang bumagsak na negosyo. Muling sinimulan ni Josephine ang negosyong kakanin na may produktong suman, butchi, kutsinta at puto. Sa kasalukuyan, sya ay may siyam na pinagdadalhan at sinusuplayan na mga pwesto sa kanilang lugar at kumikita na ng tinatayang Php 15,000 kada buwan.
Maraming salamat po sa SLP dahil malaking tulong po kayo sa akin para mapalago ko pa ang aking negosyo. Sana po ay marami pa po kayong matulungan na katulad ko. Keep up the good work!
###