Lubos po akong nagpapasalamat sa DSWD. Dahil sa kanilang programang Sustainable Livelihood Program (SLP) natulungan po kami na mapalago ang aming negosyo. Dahil din sa SLP natulungang mapataas ang kumpiyansa ko sa sarili at gumaan ang aming buhay.
Ito ang kataga ng successful entrepreneur na si Marjorie, tubong Sta. Ana, Manila. Sipag at tiyaga ang kaniyang naging puhunan upang mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay.
Dala lamang ang mga pinagtagpi-tagping gawang basahan, nagsimula bilang isang shoe-rag vendor si Marjorie. Siya ang tumatahi ng mga basahan at inilalako ito sa kahabaan ng kalye ng Maynila. Katuwang niya sa pagtitinda ang kaniyang kabiyak na si Edmundo na isang street-sweeper.
Hindi naging madali ang pagkamit ng mga pangarap ni Marjorie. Isa sa mga naging hamon ang pagpapaaral sa kanilang limang anak, malaking tulong ang pagiging miyembro niya sa Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) ng DSWD. Dahil dito naitawid ang pag aaral ng kanyang mga anak. Isa rin ito sa naging susi ni Marjorie upang maging kwalipikado at mapabilang sa Sustainable Livelihood Program (SLP) noong 2017. Kung saan siya rin ay naging pangulo ng Pasigline 2 SLP Association. Ang natanggap na tulong pangkabuhayan na nagkakahalaga ng Php10,000.00 mula sa SLP ang ginamit ni Marjorie upang mapalago ang kaniyang negosyo.
Gamit ang talento at diskarte, ang mga tahing produkto kagaya ng kurtina, throw-pillow case, at mga damit ay nag-iwan ng magandang epekto sa kanyang negosyo at naging mabenta sa mga customers. Naging in-demand ang kanyang mga produkto dahil na rin sa kalidad ng mga ito.
Sa kasalukuyan, si Marjorie ay isa sa mapalad na nabigyan ng pwesto sa Ayala Malls Circuit, Makati City. Programa ito ng Ayala Malls na naglalayong mabigyan ng libreng pwesto ang mga may-ari ng maliliit na negosyo. Naging malaking break ito sa kanyang negosyo, sa katunayan, mayroon na siyang isang katuwang na mananahi at maari pa itong madagdagan.
Aniya, hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang pangarap. Kailangan lamang ng determinasyon para maging matagumpay. Dahil sa pagpupursige, napagtagumpayan nila na mapagtapos sa kolehiyo ang tatlo sa kanilang mga anak, habang ang dalawa ay kasalukuyang estudyante at nag aaral pa sa kolehiyo. Pinalad din na makapasok bilang administrative aide ang kanyang kabiyak na si Edmundo sa Lungsod ng Biñan, Laguna.
Tunay nga na nakamamangha ang tulong na dulot ng SLP sa yugto ng buhay ni Marjorie, na naglalayong tulungan at maiangat ang estado ng buhay ng bawat Pilipino. Isa lamang siya sa binhi na nataniman ng programa at patuloy na yumayabong at namamayagpag.
Ang pinagtagpi-tagping basahan ang siyang naging daan nang sa gayon ay mapagtagumpayan ang mga hamon na pinagbuklod at binuo ng kapalaran. Nawa ay maging inspirasyon ang kwento ng tagumpay ni Marjorie na sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, basta’t magsumikap, siguradong may magandang hinaharap.
###