“Livelihood? Pangkabuhayan? Hindi, para sa akin ito ay ‘means of life.’ Binigyan niyo kami ng buhay. Hindi ko man maibalik sa inyo ang aking natanggap na tulong, binabalik ko naman ito sa iba para tumulong”. Ito ang mga nakatataba ng pusong kataga na binitawan ni Fernando Encaro mula sa Lungsod ng Pasay.
Tila ba ika’y mawiwindang sa kaliwa’t kanang pagtawag ng mga suki sa kaniyang cellphone upang bumili ng kaniyang mga paninda. Ito ay isang patunay na ang kanyang negosyo ay tinatangkilik sa kanilang lugar. Lubos ang saya ni Fernando sa kanyang natanggap mula sa tulong pangkabuhayan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) noong Agosto 2019 — isang malaking bahagi kung paano siya nagwagi sa buhay.
Mula sa mga kapirasong papel na kaniyang matiyang sinasagutan noon sa bawat pag-aapply ng tulong sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, ang SLP ang tumugon sa kanyang minimithing tulong pangkabuhayan. Ito ang naging simula para matugunan niya ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Nais niya sanang magtayo ng karinderiya gamit ang P15,000.00 na natanggap niyang Seed Capital Fund (SCF), ngunit hindi ito sasapat para sa lahat ng mga kagamitan at iba pang kakailanganin upang ito ay masimulan. Ngunit imbis na malimitahan siya ng kakapusang ito, naging tila panibagong daan pa ito upang makadiskubre siya ng negosyong tiyak na aasenso.
Sa tulong ng kaniyang kakilala, siya ay nakapagsimulang magkaroon ng mga panindang lamang-dagat katulad ng mga alimango, lapu-lapu, posit, dalag, at iba pa. Ang kaniyang negosyo ay nagsimula lamang sa dalawang supplier hanggang sa umabot ng lima, idagdag pa ang mga walk-in. Mayroon na ring mga chinese restaurant na direkta niyang sinusuplayan ng kaniyang mga produkto. Dahil sa patuloy na paglago ng kaniyang negosyo, ang dating kita niyang P20,000 kada buwan noong nagsisimula pa lamang siya ay unti-unting lumago hanggang ito ay umaabot na ng P100,000.00 sa isang buwan.
Nakapagpundar na rin siya ng mga kagamitang makatutulong sa kaniyang negosyo tulad ng isang L300, dalawang bike, at dalawang motor na nagagamit niya upang maipadala ang kaniyang mga paninda. Idagdag pa riyan ang telebisyon, refrigerator, aircon, at bahay na kanilang tinutuluyan. Sa ngayon ay nadagdagan pa ang kaniyang mga tinitinda ng karne at gulay. Nagkaroon na rin siya ng dalawa pang pwesto sa Cavite at Pasay.
Sa kabila ng kaniyang pagkaabala sa pagpapalago ng negosyo, ipinagpatuloy ni Fernando ang pag-aaral niya sa Alternative Learning System (ALS). Siya ay hindi lamang nakapagtapos noong 2019, kundi napabilang pa sa ‘Bronze Medal Awardees’ bilang Top 3 ng kanilang klase. Sa katunayan, ipinagpatuloy pa niya ang pagpapalago ng kaniyang kaalaman at kasalukuyang nag-aaral sa City University of Pasay sa kursong Bachelor of Science in Political Science. Si Fernando ay 53 gulang na ngunit ang pagkauhaw niya sa pagkatuto ay hindi pa rin humihinto.
Likas din sa kaniya ang pagiging matulungin. Dahil sa dinanas na hikahos at hirap ng buhay, bukas-palad siyang nagiging daluyan ng pagpapala sa pamamagitan ng pagtuturo sa mga bata sa kanilang barangay; pagbibigay ng pinansyal bilang pagsuporta sa mga bata at iba’t ibang aktibidad sa mga Barangay; at palagian na pagbibigay ng dalawang sakong bigas kada Lunes at Biyernes sa kulungan.
Hindi rin matatawaran ang pagmamahal niya sa kaniyang pitong adopted na mga anak na ngayon ay katuwang niya sa pagpapatakbo ng kaniyang negosyo. Sa katunayan ay sumasahod ang mga ito ng higit sa minimum na sweldo. Tunay nga na ang nagbubuklod sa pamilya ay hindi pagiging magkadugo, kundi pagmamahal.
Ngiti sa mga labi; mga matang nagniningning—kung makikita at makakausap mo nga lamang si Fernando, tiyak na inspirasyon ang mararamdaman ng iyong puso. Dahil sa bawat tila ba walang katapusang kwento ng pighati at pagbangong muli, tiyak na ang iyong babaunin ay pag-asang buhay mo’y magwawagi.