Ang Gulayan sa Barangay ay isa sa mga inisyatibo ng 4Ps-NCR simula taong 2018 upang tugunan ang kagutuman at maging instrumento sa pinansyal na pangangailangan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Metro Manila. Dahil dito, iba’t ibang sebisyo at hakbang ang patuloy na ginagawa ng Programa upang tulungan, alalayan, at tugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro ng Gulayan sa Barangay tungo sa mas maayos at masaganang na buhay.


Isa sa mga ito ay ang pagpapalakas at pagpapatibay na ugnayan ng 4Ps sa bawat Lokal na Pamahalaan at Baranagay sa buong Metro Manila, nito lamang ika-1 ng Marso 2023, opisyal nang nilagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng 4Ps-NCR at Barangay 167, Caloocan City na siyang susuporta sa mga proyekto ng mga magsasaka sa ilalim ng Gulayan sa Barangay – Community Organizing (GSB-CO) project sa National Capital Region.

Sa ilalim ng MOA, ang 4Ps-NCR at Barangay 167, Caloocan City ay magtutulungan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga Pantawid Pamilya Farmers para sa mas maayos at progresibong pag-unlad ng mga ito sa nasabing Lungsod. Pangunahing makikinabang sa nilagdaang MOA ay ang Friendship Urban Farming na ang mga miyembro ay benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa nasabing lugar.


Bilang leader ng Friendship Urban Farming, Si Julieta N. Portuguez ay nagsimulang mamuno sa kanilang hardin simula noong pandemya pa lamang. Layon ng kanilang samahan na mapanatili ang paggugulayan sa kanilang Barangay at upang makatulong narin sa kanilang mga kakilala at kapitbahay. Ang pagbebenta ng mga murang gulay mula sa kanilang sinasakang hardin ay isang hakbang ng grupo tungo sa kanilang mga pangarap. Dahil dito, mataas din ang kanilang kamalayan na ang kanilang grupo ay isang “social enterprise,” Kung saan, inaalalayan nila ang bawat pamilya sa na umahon din mula sa hirap ng pamumuhay. Ito ay batay sa kanilang adbokasiyang makapagbenta ng mura at masustansyang mga gulay sa kanilang komunidad.

“Malugod po ang aming pasasalamat sa 4Ps-NCR at sa aming Barangay Captain na si Hon. Antonio L. Reyes, kasama ng iba pang kawani nito sa aming Barangay na walang sawang sumusupporta mula simula hanggang sa ngayon upang maipagpatuloy at mas lalo pa naming mapaigting ang aming nasimulang gulayan.” Sabi ni Julieta N. Portuguez, lider ng samahan.

Samantala, Kinilala naman ng Programa ang mga ganitong hakbang ng bawat benepisyaryo na magtayo ng kani-kanilang grupo upang makatulong ito na maiangat ang kanilang pamumuhay tungo sa maunlad na sambahayan. 

Ang Community Organizing ng 4Ps-NCR ay isang mekanismo upang alalayan ang mga miyembro ng programa sa pagbuo ng kanilang grupo. Sila ay tinutulungan sa mga mahahalagang aspeto tulad ng kaalaman pangkabuhayan at mga posibleng pagkakakitaan sa kanilang komunidad.

Hangad din ng 4Ps-NCR na magkaroon pa ng mga tulad ng Friendship Urban Farming sa buong Metro Manila, kung saan ang mga grupong ito’y magsisilbing samahan tungo sa sama-samang pag-unlad ng isang sambahayan. ##

Please share