“Ako ang guro sa hinaharap na magmumulat sa kabataan na hindi hadlang ang kahirapan upang makamit ang pangarap na inaasam.”– Shereign Rose Garcia
Sa isang eskinita makikita ang tinatawag naming tahanan noon. Ito’y luma, maliit, at pinagtagpi-tagping piraso ng mga materyales upang makabuo ng isang tahanan para sa aming pamilya sa Barangay Kalawaan, Lungsod ng Pasig. Isang tahanan na hindi namin pagmamay-ari ngunit kabilang sa aking tiyahin. Wala kaming masasabi na sa amin dahil bilang isang salat at hikahos sa buhay, ang aking pangarap ay nagsisilbi kong sandata upang harapin ang mga hamon ng buhay.
Sa aming tahanan, bukod sa kahirapan na aming nararanasan, ang hindi pagkakaunawaan ng relasyon sa pagitan ng aking ama’t ina ay nagbunsod sa kanilang paghihiwalay. Bilang isang anak, masakit na makita na ang aming sambahayan ay tila naging pira-pirasong materyales, tagpi-tagpi na tulad ng aming tahanan na kinalalagyan sa nasabing lugar. Ang aming ina ay tumayo bilang ama’t ina ng aming sambahayan, ginagawa niyang araw ang gabi at laging iniisip ang pagkayod upang punan ang pangangailangan naming magkakapatid sa araw-araw.
Naalala ko pa noon kung gaano katiyaga at kasipag magpursigi ang aming ina, si mama Lorna. Pumasok siya bilang kasambahay para mabayaran ang mga gastusin at magkaroon ng pambayad sa tubig, kuryente, at pagkain namin sa pang-araw-araw. Kaming magkakapatid bilang isang batang yagit pa noon na may mga hilig at gusto ring mabili sa tindahan kaya’t minsa’y kami ay nangangalakal upang magkaroon rin kami ng pera.
Kumukuha kami ng mga bote at karton sa lansangan at itong aming binebenta sa junkshop para may maipambili kami ng aming pagkain sa paborito naming tindahan sa eskinita sa aming lugar.
Bilang isang batang lumaki sa pagiging salat, natutunan kong maging mulat sa totoong hamon ng buhay na siyang dahilan kung bakit limitado lamang ang aming kakayahan. Mahirap maging mahirap, nangangamba kung kinabukasan ay may maihahain sa hapagkainan.
Kinakabahan kung kaming tatlong magkakapatid ay makapagpapatuloy sa aming pag-aaral. Nagsimula rito mabuo ang takot sa aking sarili nang mapagtagpi-tagpi ko ang mga pangyayaring ito sa aking buhay. Unti-unti kong natuklasan na aming pamilya’y nakabitin sa laylayan ng kahirapan at walang katiyakan para sa isang maayos at maaliwalas na buhay.
Mula sa mamamatay na pag-asa ng isang batang salat, Ito ay muling sumiklab at nabuhay nang dumating ang isang magandang balita para sa aming sambayahan. Taong 2009, napabilang ang aming pamilya sa “Pantawid Pamilyang Pilipino Program” o 4Ps. Ang programa na naglalayong putulin ang siklo ng kahirapan. Isang malaking biyaya at oportunidad ito para sa aming sambayahan upang maibsan ang takot at kaba na aming nararamdaman sa araw-araw.
Nang kami ay mapabilang sa 4Ps, nagkaroon muli ng sigla at liwanag ang aking mga pangarap. Nabawasan ang aming mga dala-dalang pangamba at tila umayos ang aming tadhana. Tatlong beses (3) na kami nakakakain sa isang araw na hindi na kinakailangan pang mangalakal. Natustusan ng programa ang aming pag-aaral sa araw-araw. At kung minsa’y nakakahingi na rin ako sa aking ina ng piso, limang piso, o kahit sampung piso para makabili ng matatamis o maalat na pagkain sa paborito naming tindahan sa aming eskinita.
Sa tulong ng 4Ps, isa malaking biyaya rin na natanggap si mama Lorna mula sa Pasig City Social Welfare and Development nang mabigyan siya ng trabaho bilang isang houseparent na naging dahilan para kaming sambahayan ay magkaroon ng permanente pangtustos sa araw-araw. Bukod sa pagiging isang houseparent, si mama rin ay namamasukan bilang isang labandera tuwing sabado at linggo, pandagdag gastusin sa aming sambahayan.
Sa kabila ng mga pagod at sakripisyo ng aming ina, laging kong naiisip na hindi kami nag-iisa sa buhay. Kasama ng aming sambahayan ang 4Ps sa laban ng buhay lalo’t higit sa usapin ng kahirapan. Dito ko naramdaman na may katuwang na may katuwang kami sa buhay.
Bilang katuwang ng aming pamilya ang programa, malaki na ang naimbag nito sa aming pamumuhay. Ang aming panganay na si Shaina Rose N. Garcia ay magtatapos sa kolehiyo mula sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig susunod na taon, habang ang aming bunso na si Sheilarine N. Garcia ay kasalukuyang Grade 11 sa Arellano University.
Kaya’t bilang pagbabalik sa mga naitulong ng programang ito lalo’t higit sa paghihirap na napagdaanan ng aking ina, nagsumikap ako na pagbutihin ang aking pag-aaral at kalaunan ay nakamit ko ang ilang mga parangal sa aming eskwelahan. Gaya ng “May mataas na karangalan” noong nagtapos ako ng senior high school mula sa Arellano University taong 2021. Nakakuha rin ako ng ilang mga akademikong parangal gaya ng “Best in Trends, Networks, and Critical Thinking in the 21st Century”, “Best in Work Immersion”, “Best in Research” at Meritorious Award na “2nd Place in Research Congress”. Habang sa kabuuang ranggo ng mga mag-aaral sa strand ng Humanities and Social Sciences (HUMSS), ako naman ay nasa ika-apat na puwesto. Sa kasalukuyan, ako ngayon ay nasa ikalawang taon sa kolehiyo (2nd year college) at kumukuha ng kursong edukasyon at nagpapakadalubhasa sa Filipino. Isa rin ako sa mga “Dean’s Lister” sa aming unibersidad. Bilang isang bata, nagpupursige akong maging isang guro sa hinaharap at nagnanais makapagturo sa mga susunod pang henerasyon ng kabataan sa ating bansa.
Sa kasalukuyan wala na kami sa luma, maliit, at pinagtagpi-tagping piraso ng mga materyales na aming sinisilungan. Ngayon ay masasabing kong mas maayos na aming pamumuhay dahil may sarili na kaming tahanan na inuupahan.
Napatunayan ko rin na sa kabila ng pagiging ama’t ina ni mama Lorna, hindi siya nagkulang bilang isang magulang bagkus nasubok pa nito ang kanyang kakayahan na maging matatag sa mga hamon ng buhay. Ang aral na kanyang tinanim sa aming puso’t isipan ay mananatiling nakakintal mula sa aking pagkabata hanggang sa ako rin naman ay magkapamilya na.
Ito ang kuwento ng buhay ng isang batang 4Ps na natulungang makaahon sa kahirapan at binigyan ng pag-asa na makamit ang mga pangarap para sa buhay. May mga hadlang at pagsubok man sa pagkamit ng tagumpay, pangako ko na mananatiling akong matatag at nakasuporta sa aming sambahayan. Mahirap ang maging mahirap, ngunit naniniwala ako na may kakayahan ang bawat pamilyang Pilipino na makalaya mula rito. Muli, ako si Shereign Rose Garcia ang inyong guro sa hinaharap, kasama ang aking pamilya bilang isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sama-sama tayo sa Matatag at Matagumpay na pamilya Pilipino. ##