Takbo rito, takbo roon; tinda rito, tinda roon — Ang malapatinterong kwento ng pakikibaka sa buhay ni Rebecca Angeles, isang negosyanteng ina na nagpursigeng maabot ang kaniyang pangarap para sa pamilya.

Swerte na lamang si Rebecca kung siya ay makapagtinda ng kaniyang iilang pirasong mga gulay at hindi mahuli ng mga kinauukulan dahil sa pagiging illegal vendor sa kalye ng San Roque, Pateros. Ganito nagsimula ang kaniyang negosyo. Siya ay nagtitinda ng kakaunti, at kikita rin ng kakaunti. Bagamat ganito kahirap ang kaniyang sitwayon, siya ay nagpatuloy sa kabila ng napakadaming pagsubok at hindi nagtagal ay nagbunga rin ang kaniyang pagsisikap simula nang siya ay maging bahagi ng asosasyong binuo ng programang Sustainable Livelihood Program (SLP).

Siya ay nabuhayan ng loob dahil sa SLP. Sa katunayan ay matagal na niyang ninais magkaroon ng mas malaking puhunan para mapalago at maipagpatuloy ang pagtitinda. Dahil sa kaniyang mga naging patong-patong na pagsubok, ayaw na niyang danasin pa ang sakit na dulot ng kahirapan. Tandang-tanda pa ni Rebecca noong hindi nila maipagamot ang kaniyang anak na may epilepsy dahil sa kakulagan ng salapi. Dahilan kung bakit binawian ng buhay ang kaniyang anak. Bilang isang byuda, mag-isa niyang tinatuguyod ang kaniyang mga anak. Kahit na wala siyang katuwang, binibigay niya ang lahat ng kaniyang makakaya upang balang-araw ay makaranas din sila ng kaginhawaan.

Taong 2018 nang mapag-alaman niya ang tungkol sa programa ng SLP at agad-agarang dumalo sa mga pagpupulong at pagsasanay na makatutulong upang paunlarin ang kanilang kaalaman at kakayahan upang magpatakbo ng negosyo. Hindi naglaon ay mapalad siyang napagkalooban ng tulong pangkabuhayan ng SLP. Tulong na hindi nasayang kundi nagpaangat ng estado ng kanilang pamumuhay.

Ngayon, nakangiti niyang naipagmamalaki na ang kanyang dating kitang Php 200 sa loob ng isang araw, ay umabot na ng Php 1,500 ngayon. Kaya naman nadagdagan na ng ibat-ibang klase ng gulay at prutas ang dati niyang kakarampot na paninda. Siya ay nakapag-iipon na rin mula sa kanyang kinikita na umaabot na sa halagang Php 7,000 sa loob ng isang buwan, dahilan upang makatapos ang kaninyang isang anak sa kolehiyo. Higit sa lahat, hindi na niya kinakailangan pang tumakbo para lamang makaiwas sa mga kinauukulan dahil sa pagiging illegal vendor, dahil nakapagpundar na siya ng sariling bahay at pwesto sa talipapa ng kanilang lugar. Idagdag pa ang dalawang lote na nabili niya rin sa kanilang probinsiya.

“Ang pagtitinda ay hindi palaging panalo, may pagkakataong ito ay matumal at hindi mabenta. Pero huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Basta‘t magpatuloy lang tayo, sabay-sabay tayong aangat. Kaya go lang!” wika ni Rebecca.

Patunay na isa ang patitiyaga sa mga susi upang umunlad ang negosyo. Hanggang ngayon, hindi pa rin lubos maisip ni Rebecca kung paano niya nalampasan ang mga panahong tila hinahabol at pinaglalaruan siya ng mga pagsubok sa buhay. Gayundin ang dami ng mga balakid na buong tapang niyang pinagtagumpayan. Patunay lamang na ang taong hindi sumusuko, hindi nagpapahabol, kundi nilalagpasan ang anumang suliranin ng buhay.

 

(Isinulat ni Cristina Jiao/SLP)

Edited by SLP Editorial Team

______________

Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay isang capability-building program ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga tulong na may kaugnayan sa serbisyo na pagpapalakas ng kasanayan, karanasan, at kakayahan ng mga kalahok tungo sa matatag at kapaki-pakinabang na negosyo at trabaho.

May kwento ka bang katulad ng kay Rebecca, o gusto mo bang ibahagi kung paano ka natulungan ng SLP na makamit ang buhay na gusto mo para sa iyong pamilya? Mangyaring ipadala ang iyong “Kwentong SLP” sa slp.foncr@dswd.gov.ph o tumawag sa 83770010, local 303.

Para sa anumang mga katanungan tungkol sa SLP, mangyaring bisitahin ang https://slp-foncr.dswd.gov.ph/slp-frequently-asked-questions o makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng email at teleponong ibinigay sa itaas.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#SustianableLivelihoodProgram

#SLPLiveliTalks