“Tunay ngang may bahaghari pagkatapos ng ulan” Ito ang wika ni Annie Señarosa na isang butihing maybahay mula sa Lungsod ng Malabon.

Si Annie ay naghangad na maka-ahon sa kahirapan at matugunan ang araw-araw na gamutan ng kaniyang asawang nagkasakit ng diabetes. Ang kaniyang asawa ay siyang nagtaguyod sa kanilang pamilya sa loob ng ilang taon sa pamamagitan ng pagpi-pedicab. Hindi mabibilang ang padyak na ginawa nito upang maitaguyod ang lima nilang anak. Halos gumapang nga ang mag-asawa upang mairaos ang pag-aaral ng kanilang mga anak kaya naman labis ang kalungkutan ni Annie nang magkaroon na ng kani-kanilang pamilya ang mga ito at katulad nila, ay nakararanas din ng kahirapan.

Bagaman hikahos ay labis ang pagsisikap ni Annie upang matulungan ang kaniyang asawa na kumita. “Tuloy lang” buong pag-asang sambit niya. Sumubok si Annie na magtinda ng mga makukulay na damit upang magkaroon ng dagdag na kita ngunit hindi rin ito nagtagal dahil sa kawalan ng sapat na kaalaman at puhunan. Naisip man niya na magpalit at magsimula ulit ng negosyo ay hindi niya magawa dahil sa kaparehong kadahilanan.

Lalo pa ngang naging mahirap ang kalagayan nila noong 2018 nang magkaroon ng karamdaman ang kaniyang asawa. “Paano ko matutugunan ang mga gamot para sa diabetes ng aking asawa na hindi lamang isang beses na gamutan ngunit panghabambuhay na?” umiiyak na tanong ni Annie sa kanyang sarili noon.

Datapwat tila isang malakas na ulan ang bumuhos sa buhay ni Annie dahil sa pagkakasakit ng kaniyang katuwang sa buhay, ay nakaaninag siya ng kaunting liwanag ng pag-asa noong siya ay makatanggap ng imbitasyon para dumalo sa General Assembly na isinagawa ng Sustainable Livelihood Program (SLP). Dumalo siya sa nasabing assembly at nagpatuloy sa iba’t ibang aktibidad mula sa programa. Labis na kasiyahan ang nadama ni Annie nang mapabilang siya sa mga kwalipikadong kalahok na nakapag-aral nang libre ng skills-training sa Bookkeeping. “Sa wakas! Mararanasan ko din magsuot ng toga” pagmamalaking sambit ni Annie sa kaniyang masayang pagtatapos.

Nang makumpleto ni Annie ang buong proseso ng SLP ay nakatanggap siya ng Seed Capital Fund (SCF) para sa pagsisimula ng kaniyang napiling negosyo. Hindi inaksaya ni Annie ang panahon at ginamit ang kaniyang natanggap na pampuhunan para sa paggawa ng puto na kaniyang produktong paninda. Gamit ang mga kaalaman sa pagpaplano ng negosyo at pangangasiwa ng pananalapi ay naging maayos ang kaniyang muling naumpisahan na hanapbuhay. Naging patok ito sa kanilang lugar at pati na rin online.

Natuto rin si Annie na mag-ipon sa bangko na sinimulan niya nang siya ay maging kalahok ng SLP. Masayang-masaya siya nang sa wakas ay nakaramdam siya ng kaunting ginhawa. Natutugunan niya na ang kanilang pang-araw na pangangailangan at nakakabili na siya noon ng mga gamot ng kaniyang asawa. Kahit papaano ay nakakahinga na sana nang maluwag si Annie ngunit isa na namang dagok ang sumubok sa katatagan niya nang dumating ang pandemya noong 2020. Ang lahat ay apektado, walang kita at walang pagkakataon na magtrabaho dulot ng pandemya. Panandaliang umasa si Annie sa mga ayuda mula sa gobyerno, nagamit na rin nya ang kaniyang puhunan para sa pangaraw-araw nilang pangangailangan.

“Ako’y nagpapasalamat sa binigay ng DSWD sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program na oportunidad upang makapagpatayo ako ng aking sariling negosyo na naging pinagkukunan ko sa pang-araw-araw na gastusin. Ang inyong tulong ay hindi lamang nagbigay sa amin ng karagdagang kapital kundi nagbigay din ng inspirasyon at pag-asa na patuloy na magsikap at magtagumpay para sa pamilya.

Ang inyong malasakit at dedikasyon ay nagbigay sa amin ng pagkakataong mapaunlad ang aming kabuhayan at makatulong sa aming komunidad,” masayang pagbabahagi ni Annie.

Noong unti-unti nang bumabalik sa normal na sitwasyon ang galaw ng ekonomiya ay muli ring nanumbalik ang sigla ng pamumuhay ni Annie. Ginamit niya ang kaniyang natitirang ipon sa bangko upang makapagsimula muli. Nagpatuloy siya sa paggawa at pagtitinda ng puto hanggang sa ngayon at mas pinaespesyal niya pa ito sa pamamagitan ng paggawa ng putong may iba’t-ibang kulay na animo ay bahaghari. Makulay na bahagharing, para kay Annie, ay simbolo ng pag-asa.

 

(Isinulat ni Abigael E. Sison/SLP)

Edited by SLP Editorial Team

________________

Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay isang capability-building program ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga tulong na may kaugnayan sa serbisyo na pagpapalakas ng kasanayan, karanasan, at kakayahan ng mga kalahok tungo sa matatag at kapaki-pakinabang na negosyo at trabaho.

May kwento ka bang katulad ng kay Annie, o gusto mo bang ibahagi kung paano ka natulungan ng SLP na makamit ang buhay na gusto mo para sa iyong pamilya? Mangyaring ipadala ang iyong “Kwentong SLP” sa slp.foncr@dswd.gov.ph o tumawag sa 83770010, local 303.

Para sa anumang mga katanungan tungkol sa SLP, mangyaring bisitahin ang https://slp-foncr.dswd.gov.ph/slp-frequently-asked-questions o makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng email at teleponong ibinigay sa itaas.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#SustianableLivelihoodProgram

#SLPLiveliTalks

Please share