“The Fishing Capital of the Philippines”: Ito ang tawag sa Lungsod ng Navotas dahil pangingisda ang pangunahing produkto at ikinabubuhay ng mga mamamayan dito. Tulad ng karamihan sa mga Navoteño, si Katherine R. Miranda at ang kaniyang asawa ay nairaraos ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya sa pamamagitan ng pangingisda at paggawa ng mga kagamitang pang-isda tulad ng mga fishnets o lambat — isa sa mga sektor na lubos na naapektuhan ng pandemya. Siya ay isa sa mga mapalad na naging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong ika-12 ng Disyembre 2020.
Si Katherine, 39 anyos, ay naninirahan sa Barangay Tangos, lungsod ng Navotas kasama ang kaniyang mga anak at asawang si Efren. 17 anyos pa lamang si Katherine nang magsama sila ng kaniyang asawa, kaya naman maaga rin silang nagbanat ng buto sa pamamagitan ng pangingisda at pagtitinda ng mga ito. Tila kabisado na nga nila ang amoy at kaliskis ng mga isdang araw-araw ay kanilang nahuhuli at naibebenta ngunit hindi pa rin naging madali para sa kanila ang maka-ahon sa hirap ng buhay. Naging malaking pagsubok pa sa mga maliliit na namamalakaya tulad nila ang nagdaang pandemya dahil sa paglimita ng mga pisikal na aktibidad noong community quarantine. Limitado ang oras ng paglabas at pagtitinda sa palengke kaya naman kailangan nilang maibenta ang mga huli nila nang maaga.
Naging malaki ang epekto nito sa pamilya ni Katherine kaya naman lubos ang pasasalamat niya nang siya ay mapabilang sa mga nakatanggap ng tulong pangkabuhayan mula sa SLP sa pamamagitan ng Livelihood Assistance Grant (LAG). Ang kaniyang natanggap na halagang Php 15,000 ay ginamit niyang pandagdag na puhunan sa paggawa ng mga lambat.
Dahil dito, nagkaroon si Katherine ng magandang kita sapagkat ito ay isa sa mga pangunahing kagamitan ng mga mangingisda. Naging malaking tulong din ito sa kaniyang asawa kaya naman ipinagpatuloy nila ito at sa ngayon ay kumikita na ng tinatayang Php 16,000 kada buwan na sapat sa kanilang pangaraw-araw na pangangailangan at upang makapag-ipon nang kaunti. Sa ngayon ay nakapagpundar na rin sila ng mga kagamitan sa bahay, cellphone na nagagamit ng mga anak niya sa pag-aaral, at makina ng bangka na malaking tulong naman sa paghahanap-buhay ng kaniyang asawa.
“Para sa akin isa ang ahensyang DSWD sa tunay na maasahan naming mahihirap dahil totoong sila ay may malasakit. Lubos akong nagpapasalamat sa Sustainable Livelihood Program na ako ay mapasama at mabigyan ng Livelihood Assistance Grant. Noon ako ay patingi-tingi lang kung mamili ng materyales na ginagamit sa paggawa ng lambat, pero dahil sa karagdagang puhunanan na binigay sa akin, nakakabili na ako ng maramihan,” buong galak na wika ni Katherine. Dagdag pa niya, kailangang palaguin ang tulong pangkabuhayan na binigay ng gobyerno dahil hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong oportunidad.
Si Katherine ay isang halimbawa ng hindi napapawing pagsisikap ng isang magulang — ang tulong na kanilang natanggap ay tila naging paraan sa pagkislap ng pangarap niyang magkaroon ng kasiguruhang may maihahain sa kanilang hapag sa araw-araw. Ngunit hindi ito magiging posible kung hindi dahil sa kanilang pagtitiyaga at paniniwalang sa bawat buhol ng kanilang lambat, mahuhuli rin nila ang naising nararapat.
(Isinulat ni Roxanne Solano/SLP)
Edited by SLP Editorial Team
___________
Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay isang capability-building program ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga tulong na may kaugnayan sa serbisyo na pagpapalakas ng kasanayan, karanasan, at kakayahan ng mga kalahok tungo sa matatag at kapaki-pakinabang na negosyo at trabaho.
May kwento ka bang katulad ng kay Katherine, o gusto mo bang ibahagi kung paano ka natulungan ng SLP na makamit ang buhay na gusto mo para sa iyong pamilya? Mangyaring ipadala ang iyong “Kwentong SLP” sa slp.foncr@dswd.gov.ph o tumawag sa 83770010, local 303.
Para sa anumang mga katanungan tungkol sa SLP, mangyaring bisitahin ang https://slp-foncr.dswd.gov.ph/slp-frequently-asked-questions o makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng email at teleponong ibinigay sa itaas.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#SustianableLivelihoodProgram
#SLPLiveliTalks