“Ilaw ng tahanan” – ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa isang ina sa kadahilanang ang mga “ina” o mga “nanay” ang siyang nagbibigay ng direksyon sa lahat ng miyembro ng pamilya. Ang ekspresyong ito ang ginagamit upang ilarawan ang kahalagahan ng isang ina sa isang pamilya. Si Elizabeth Agpalo ay isang ilaw ng tahanan na may labis na pagmamahal at pangarap para sa kaniyang pamilya. Ito ang nagsisilbing mitsa ng kaniyang pagsisikap na makaahon sa kahirapan. Tulad ng maraming ina, handa siyang gawin ang lahat para sa kaniyang pamilya.
Si Elizabeth ay isa sa mga benepisyaryo ng programang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) simula pa noong 2010. Ayon sa kaniya, ito ang naging daan kaya nalaman niya ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – National Capital Region sa programang Sustainable Livelihood Program (SLP). Noon pa man ay mayroon na siyang munting tindahan na kaniyang pinagkukunan ng pantugon sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya. Ngunit nang magkasakit ang kaniyang bunsong anak, lahat ng kaniyang kinita at naipon mula sa kanyang munting tindahan ay mabilis na naubos. Aniya, kinailangan niya ito para sa gastusin sa ospital at mga gamot para sa kaniyang anak.
Sa kabutihang palad ay isa si Elizabeth sa mga kwalipikadong nakatanggap ng tulong pangkabuhayan sa pamamagitan ng Livelihood Assistance Grants (LAG) mula sa DSWD-NCR SLP noong ika-16 ng Nobyembre, 2021. Ang tulong na nagkakahalaga ng P15,000.00 ay ginamit ni Elizabeth na pandagdag puhunan sa noon ay maliit nilang tindahan. Siya ay nakabili ng mga dagdag na produkto na maaaring magbigay sa kanila ng mas malaking kita at ipon na magagamit niya upang matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng kanilang pamilya.
Ilang buwan ang lumipas matapos ma-ospital ang kaniyang anak ay unti-unti ulit silang nag-ipon ng kaniyang asawa para muling makapagsimula ng negosyo na makatutulong sa kanilang pamilya. Nang magkaroon sila ng sapat na ipon, siya ay nagsimulang magtinda sa pangalawang pagkakataon. Kaunting kendi at mga pagkain ang naging laman ng kaniyang mumunting tindahan na datapuwa’t maliit ay nagsilbing dagdag kita ng kanilang pamilya.
Nagsikap si Elizabeth na paikutin ang kanilang puhunan sa kabila ng mga suliraning kanilang kinaharap sa gitna ng pandemya.
Sa ngayon, ang kaniyang tindahan ay unti-unti nang napapalago at bente kwatro oras na itong nagbibigay serbisyo sa kanilang mga masugid na mamimili. Dahil dito, ang kanilang tindahan ay kumikita ng mahigit 50,000.00 kada buwan, na pinapaikot ni Elizabeth upang mas lumago pa ang kaniyang negosyo, bagay na tunay na nakatutulong sa kanila lalo pa at isa ang kanyang asawa sa mga nawalan ng trabaho nitong nagdaang pandemya.
Bunga na rin ng sipag at tiyaga nilang mag-asawa ay nakakapag-ipon na rin sila. Nakabili na rin sila ng isang bagong refrigerator na nagkakahalagang na kanilang nagagamit hindi lang pang personal kundi pati na rin sa iba pa nilang mga produkto sa tindahan.
“Lagi tayong magpasalamat sa ating Panginoon na nasa itaas dahil itong lahat ay galing sa Kaniya. ‘Wag rin tayong magsawa na tumulong at ibalik sa ibang tao ang biyayang naibigay sa ating pamilya. Sipag, tiyaga at sakripisyo ang ating sandata sa pang araw-araw.”
Ito ang madalas na sambit ni Elizabeth sa kanilang mga anak, patunay na kahit nakakaahon na ang kanilang pamilya ay nananatiling nakaapak sa lupa ang kaniyang mga paa, at ang kaniyang mga mata ay patuloy na nakatanaw sa pag-asa ng mas maunlad na kinabukasan.
Lubos din ang pasasalamat ni Elizabeth sa DSWD at sa SLP sa tulong na kaniyang natanggap upang mas mapalago ang kanilang hanapbuhay, at bilang benepisyaryo, aniya, ito ay patuloy niyang pagyayamanin at pauunlarin katuwang ang kaniyang pamilya.
“Napakalaking tulong ng puhunan na ipinagkaloob ng DSWD sa amin. Ito ang naging daan upang mapalago namin ang aming maliit na negosyo na siya ring nagpabago ng takbo ng buhay namin”, masayang pagbabahagi ni Elizabeth.
(Isinulat ni Ma. Lara Fatima Ballon/SLP)
Edited by SLP Editorial Team
_______
Ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ay isang capability-building program ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) na naglalayong maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga tulong na may kaugnayan sa serbisyo na pagpapalakas ng kasanayan, karanasan, at kakayahan ng mga kalahok tungo sa matatag at kapaki-pakinabang na negosyo at trabaho.
May kwento ka bang katulad ng kay Elizabeth, o gusto mo bang ibahagi kung paano ka natulungan ng SLP na makamit ang buhay na gusto mo para sa iyong pamilya? Mangyaring ipadala ang iyong “Kwentong SLP” sa slp.foncr@dswd.gov.ph o tumawag sa 83770010, local 303.
Para sa anumang mga katanungan tungkol sa SLP, mangyaring bisitahin ang https://slp-foncr.dswd.gov.ph/slp-frequently-asked-questions o makipag-ugnayan sa amin sa pamamagitan ng email at teleponong ibinigay sa itaas.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#SustianableLivelihoodProgram
#SLPLiveliTalks