Labis ang pasasalamat ni Michelle B. Brondial, 43 na taong gulang, naninirahan sa Navotas City, may tatlong anak, at miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, sa tulong na kanilang natatanggap mula nang mapabilang sa programa. Pinatibay nito ang relasyon ng kanyang pamilya lalo na sa aspetong kalusugan at pag-aaral ng kanyang mga anak.
Sa pagke-kwento ni Michelle ay naibahagi rin niya na minsan nang na-impluwensiyahan ang kaniyang pamilya nang mga hindi kanais-nais na gawain na nagbunsod sa hindi maayos na samahan ng kanilang pamilya. May mga pagkakataon ding mabilis uminit ang ulo ng kanyang asawa dahil sa kakulangan ng panggastos sa araw-araw. Sa dalas ng kanilang pag-aaway mag-asawa ay naapektuhan na nito ang kanilang mga anak. Dahil dito, bilang ina, hindi na masyadong nabibigyang atensyon ni Michelle ang kanyang mga anak dahil sa mga isipin sa buhay.
Nagbago ang lahat nang sila ay mapabilang sa Programa. “Masayang-masaya po ako nang malaman na nakasama po kami sa Pantawid Pamilya kung kaya’t agad kong inayos ang school record ng mga bata at birth certificate.” Naging malaking kaagapay ng pamilya ang mga tulong na kaniyang natatanggap para matustusan ang pag-aaral ng mga anak.
Minsan ay naaalala pa rin niya ang kanilang buhay bago mapabilang sa Programa. Sa palagiang pagdalo niya sa Family Development Session (FDS) ay unti-unting nagbago ang tingin ni Michelle sa buhay. Nagkaroon siya ng matibay na pananaw sa buhay at lakas ng loob upang harapin ang mga problemang kanyang pinagdaraanan.
Talaga namang inaabangan ni Michelle tuwing sasapit ang kanilang FDS meeting dahil muli na naman siyang makakapulot ng mga bagong kaalamang magagamit niya sa kanilang tahanan. Marami siyang natutunan sa mga dinaluhan niyang FDS gaya ng wastong pagdi-disiplina sa kanyang mga anak.
Aniya, “dinidisiplina ko sila sa pamamagitan ng palagiang pakikipag-usap sa kanila. Hindi po ako namamalo bagkus ay sinasabihan ko sila ng maayos para maituwid nila ang kanilang mga pagkakamali.” Isa rin sa mga tumatak at natutunan niya ay ang malayang komunikasyon sa kanilang sambahayan. “Ngayon po, hindi na rin kami madalas mag-away mag-asawa, kung may pag-aaway man po, tahimik lang po kami, hindi po namin pinadirinig sa mga bata dahil ayaw po naming maapektuhan sila.”
Bilang pagwawakas, muli niyang ipinaabot ang kanyang taos-pusong pasasalamat at ipinangako ni Michelle na babaunin niya sa kanyang puso at isipan ang mga aral na kanyang natutunan sa tulong ng Programa. ##