Katatagan at pagsusumikap, ito ang mga naging pangunahing sangkap ni Janet Gajo, 42 taong gulang, mula Lungsod ng Valenzuela na mag-isang nagtataguyod sa kaniyang tatlong anak at kasalukuyang miyembro ng Pantawid Pamilya sa Kalakhang Maynila.
Taong 2012 nang mag-umpisang mapabilang ang pamilya ni Nanay Janet sa Programa. Siya ay isang parent leader at aktibong nakikilahok sa mga aktibidades ng Programa. Siya rin ay isang mabuting halimbawa ng isang inang madiskarte sa buhay sapagkat kaniyang isinasabuhay at ibinabahagi sa kapuwa at sa komunidad ang mga natutuhan niya sa buwanang Family Development Session (FDS). Isa na rito ang Urban Gardening kung saan natutuhan niya ang tamang pamamaraan ng pagtatanim sa kaniyang maliit na bakuran. Ang kaniyang taniman ay naging malaking tulong rin sa kanyang mga kapit-bahay at mga kapuwa benepisyaryo dahil ipinamamahagi niya ang bunga nito sa kanila.
Dahil na rin sa pagiging masigasig sa buhay at pagtitiyaga, kinakitaan ng potensyal si Janet na kumatawan sa taunang patimpalak na Ginang Pantawid sa Lungsod ng Valenzuela. Ang pagpapamalas niya ng galing sa loob at labas ng kaniyang tahanan ay naging dahilan upang bigyan siya ng pagkilala at igawad sa kaniya ang ikatlong parangal (2nd runner-up) sa nasabing patimpalak.
Labis ang pasasalamat ni Janet sa Programa dahil nagbigay ito ng mga oportunidad sa kaniyang pamilya tulad ng pagsali sa mga patimpalak at pagiging Baragay Health Worker sa kanilang lugar. Sa madaling sabi, naging tulay ang Programa sa pag-angat sa buhay ng kanilang pamilya. Ito ang mga katagang kaniyang nasabi,
“Noon hindi ko alam kung paano ko bubuhayin mag-isa ang aking mga anak dahil isa akong solo parent, ngunit salamat sa Programa nagkaroon ng linaw at direksyon ang buhay namin ng mga anak ko. Noong ako ay nagawaran ng parangal, nakita nila ang potensyal ko at nagkaroon din ako nang maayos na trabaho bilang isang barangay health worker”.
Sa kasalukyan, si Nanay Janet ay nagtatrabaho pa rin sa Health Center ng Barangay Karuhatan, Valenzula City. Masaya siya na nakakatulong sa kaniyang kapuwa, dahil para sa kaniya ang pagtulong ay lalong mahalaga lalo’t higit ngayong panahon ng pandemya. ##