Ang pagkukunan ng pagkain sa pang-araw-araw ang isa sa mga suliranin ng mga bawat Pamilyang Pilipino. Bunsod ng kakulangan sa masusustansyang pagkain sa panahon ngayon ay dumagdag pa sa suliranin ng Pamilyang Pilipino ang COVID-19 kung saan ang naturang sakit ay patuloy na lumalaganap na siya namang nagdudulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.

Subalit, taliwas sa nararanasan ng ibang sambahayang Pilipino, ang Gulayan sa Barangay ng Pantawid Pamilya sa Kalakhang Maynila ay naging daan upang solusyonan ang problema sa kakulangan ng mapagkukunan ng masustansiyang pagkain ng mga miyembro sa Programa.

Ang mga gulayan sa Barangay 167, North Caloocan ay ilan lamang sa mga pangunahing modelo upang solusyonan ang gutom na nararanasan ng mga bawat miyembro ng Pantawid Pamilya. Umusbong ang Gulayan sa Barangay ng nasabing Barangay sa North Caloocan noong ika-20 ng Enero taong kasalukyan, kung saan ang pagbubukas ng proyektong ito ng DSWD-NCR Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay nagbunga ng anim (6) na grupo ng Gulayan sa Barangay na ang tuwirang nangangalaga ay ang mga miyembro ng nasabing Programa.

Kamangha-mangha ang mainit na pagtanggap at pagpapakita ng pusong may malasakit ng bawat miyembro ng Programa sa proyektong ito. Ang pagpapakita ng kanilang interes, gayun din ang pakikilahok ng lokal na pamahalan ng Barangay 167, North Caloocan ang nagsibol sa nasabing mga Gulayan sa Barangay na kumakatawan sa iba’t ibang grupo ng mga miyembro ng nabanggit na Programa.


“Hindi lang kami porke 4P’s member na obligado, pero at least nakikita nila na may magandang patutunguhan itong ginagawa naming pagtatanim” – Joe Ann Del Carmen, Sorreda’s Vegetable and Beautiful Garden Leader ng Pantawid Pamilya.

Hindi pa man umaani ng gulay ang ilan sa mga hardin ngunit umani na ang ibang mga miyembro nito ng tiwala sa sariling kakayahan gayun din sa kanilang kapuwa miyembro ng Programa. Kasabay ng pag-usbong ng mga halaman at gulay, ay siya ring pag-usbong ng mga bagong karanasan at alaala na sa kalaunan ay aani ng positibong pagkikila sa larangan ng pagtatanim at pag-oorganisa ng gulayan.

Pinatunayan lamang ng mga Pantawid Pamilya Farmers na sa sama-samang pagkilos ay mas gumagaan at umaangat ang kasalukuyan nilang pamumuhay.

Bawal po tayong tamarin, malayo pa tayo sa ating minimithing pangarap!” – Heidy Trinidad, Sagrado Garden Leader ng Pantawid Pamilya.

Sa kasalukuyan, ang kanilang katuwang na City Link – Community Organizer na si Jacob Faith G. Jayme ay nagsasagawa ng pagtatasa sa anim (6) na Gulayan sa Barangay sa nasabing erya sa North Caloocan upang malaman ang kahandaan at sustenableng Gulayan sa Barangay tungo sa pag-oorganisa ng samahan. Ito ay isa sa pangunahing paraan upang makatulong sa pag-angat ng kanilang kagalingan bago ang kanilang pagtatapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Please share