Mary Rose Pilar T. Ello, isang Manggagawang Panlipunan, organisador ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, at kawani ng Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD-NCR), at higit sa lahat, isang babaeng patuloy na umaagapay at nagiging sandigan higit lalo ng mga taong malalapit sa kaniya. Ilan lamang ito sa mga tungkuling ginagampanan ni Mary sa araw-araw.
Si Mary Rose o mas madalas tawaging Mary ng mga kasama niya sa Programa ay naging kaagapay ng mga kapuwa organisador tungo sa pag-oorganisa ng mga Gulayan sa Barangay at pagsasakatuparan sa pagbuo ng Gulayan sa Barangay – Community Organizing (GSB-CO) Framework na siya ngayong ginagamit na batayan sa patuloy na pag-oorganisa at pagpapalakas ng samahan ng mga miyembro ng Pantawid Pamilya na may kani-kanilang Gulayan sa Barangay.
Kinakitaan ng galing bilang organisador, social worker, at lider si Mary sa tanang pananatili nito sa Programa bilang kawani. Lubos pang naipamalas ang galing at katatagan niya nang mapili ang Gulayan sa Barangay – Community Organizing bilang Best Knowledge Management Initiative kung saan siya ay katuwang ng Regional Program Coordinator at iba pang kasamang organisador na nagtulong-tulong upang mabuo at maibahagi sa iba pang rehiyon ang mga inisyatibo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa National Capital Region.
Isa rin si Mary sa mga kawani na hindi nagpapatinag sa banta ng pandemya dulot COVID-19. Siya ay masugid na pumapasok upang makapagbigay ng serbisyong may malasakit at bumababa sa mga hawak niayng na erya sa mga Lungsod ng Marikina, Pasig at Mandaluyong upang patuloy na umagapay sa mga Pantawid Pamilya farmers.
Sa likod ng mga kuwentong ito ay may isang simpleng indibidwal na ninais makatulong, makapag-ambag sa pagbabago at pag-unlad ng lipunan. Wala mang katiyakan ay piniling kunin ni Mary ang kursong Social Work nang ito ay tumuntong ng kolehiyo. Maraming ninais kunin si Mary at ilan dito ang Political Science, at Biology dahil sa minsan nitong pinangarap na maging abogado o doktor ngunit sa huli ang nanaig pa rin ay ang Social Work dahil mas nakiita niya ang sarili na mas maraming matutulungan sa pamamagitan ng napiling propesyon.
Nagsilbing inspirasyon para kay Mary ang isang batang edad 14 o 15 anyos na may kapansanan sa paningin na kaniyang nakilala habang siya ay nag-aaral pa lamang. Sa patuloy na pakikisalamuha at pakikipanayam sa bata, patuloy ring sumisidhi ang pagnanais ni Mary na matulungan ang bata sapagkat nakita niya ang kaniyang sarili sa batang iyon.
Nakita niya ang dating siya; hirap magbukas ng saloobin, tumindig kahit na nasa tama at halos ayaw makihalubilo sa mga tao. Kung kaya’t sa mga panahong bahagi ng kaniyang mga training, ang bata ay hinihikayat niya ito na mas maging bukas at tumindig higit lalo kung alam niyang siya ay nasa tama. Sa kasalukuyan ay wala pa siyang balita kung nasaan na ang bata ngunit hangad niya na ito’y nasa maayos na kalagayan.
Dahil sa pagkakasuspinde ng 2016 Licensure Examination for Social Workers, pinili muna ni Mary ang magtrabaho. Mapalad din siyang nakapasok sa DSWD Region IX kung saan siya ay isang organisador sa ilalim ng KALAHI-CIDSS. Habang nagtratrabaho ay puspusan din ang naging pagrereview nito para sa LESW noong 2017 kung saan siya ay nagkamit ng ika-siyam (9th) na pinakamataas na marka sa naturang exam.
Matapos makapasa, pinagpatuloy pa ni Mary ang pagtratrabaho sa DSWD Region IX hanggang sa pinili niyang makipagsapalaran sa Maynila kung saan naman siya ay nakahanap ng trabaho bilang Social Worker sa isang Non-Government Organization na nakasentro ang mga serbisyo para sa bata.
Sa kasalukuyan ay kabahagi si Mary ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng DSWD NCR kasabay ng pagpapatuloy niya sa pag-aaral ng Master of Social Work sa Unibersidad ng Pilipinas.
Sa mga naging karanasan sa trabaho, natutunan niyang maging mas matapang, mas maging bukas at manindigan higit lalo kung alam niya na siya ang nasa tama. Dito rin niya mas napatunayan na may mga bagay na kailangang bakahin upang mas mapatatag ang sarili dahil sa propesyong ito, sarili ang puhunan. Dagdag pa niya, hindi mo kailangang baguhin ang mga ideals mo bagkus ay i-adjust ito sa paraang makakatugon sa reyalidad.
DSWD NCR Official Facebook Page
Philippine Standard Time: