“Kaakibat ko ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program para maging isang responsable at mabuting miyembro”. Sariwa pa sa alaala ni Ginang Ligaya Manalo ang araw nang magsimula sila sa Programa taong 2012. Sa tulong ng Programa ay mahusay na naitawid ni Ginang Manalo ang kanilang buhay lalo na ang pag-aaral ng kaniyang mga anak.

Si Ginang Ligaya Manalo ay mula sa Barangay Tangos, Navotas City at kasalukuyang solo parent ng kanilang tahanan. Simula noong naging miyembro ng Pantawid Pamilya ang ginang lalo itong nagsikap sa buhay para sa kaniyang mga anak.

Sa pasimula ng kaniyang pagiging miyembro ng 4Ps, naging mas madali ang pagtataguyod niya sa kaniyang mga anak kahit wala ang tulong ng kaniyang asawa buhat ng ito ay mangibang bansa at iwan silang buong mag-anak. Kaakibat ng pagsisimulang ito ay ang mapabuti ang pag-aalaga niya sa kalusugan ng kaniyang mga anak sa pamamagitan ng buwanang pagpapacheck-up, pagkumpleto ng mga ito sa bakuna, at monitoring ng tamang mga timbang at taas sa tulong ng Programa.

Kasabay nito ay ang pagpupursige na regular na ma-enrol ang kaniyang mga anak sa paaralan sa tamang edad at maipagpatuloy ang pagpasok ng mga ito na hindi na kailangang lumiban pa ng madalas. Maging ang pagpupurga sa kaniyang mga anak ngayon ay regular na upang makatugon sa pangangailangan ng Pantawid Pamilya at bilang pagsunod na rin sa kondisyong upang makakuha ang kanilang sambahayan ng cash grants. Para sa kaniya, naiitindihan niya na bilang magulang ay responsibilidad niya na itaguyod ang kaniyang anak katuwang ang suporta ng Programa sa edukasyon, kalusugan at nutrisyon.
Ayon kay Ginang Ligaya, “Naipakita ng Programa ang kahalagahan ng maayos na kalusugan ng isang sambahayan upang makatawid sa kahirapan nang hindi nahahadlangan ng karamdaman na sinasabayan ng pagsisikap sa pag-aaral hindi lamang ng mga anak, kundi pati na rin ng mga magulang. Nakapagbibigay din kasi ang Programa ng tulong ukol sa skills training at puhunan upang lalong makaangat sa kahirapan”.

Taong 2016 hanggang 2017, naging aktibong parent leader si Ginang Manalo ng Grupong Durian. Doon nagsimula ang kaniyang commitment bilang katuwang sa pangangasiwa ng Programa. Kasabay ng pagiging parent leader ay naging aktibo rin siya sa iba’t-ibang programa at aktibidad ng barangay at eskuwelahan sa Navotas.
Ang regular na cash grants na natatangap ng kaniyang sambahayan ay nakakatulong sa kanila para sa gamit at pangsuporta sa pag-aaral ng kaniyang mga anak. Kasama na rin sa mga tulong na kanilang natatanggap ay ang pagkakaroon ng tulong medikal ng gobyerno at NGOs kung saan katuwang sila ng Pantawid Pamilya para sa kapakanan ng mga miyembro nito.

Bukod sa Family Development Sessions (FDS) na punong-puno ng kaalaman para sa kanilang pamumuhay. Ang pakikipag-partner ng Programa sa iba’t ibang ahensiya ay naging daan ng oportunidad kay Ginang Manalo. Gaya ng TESDA, seminars and trainings na tunay na malaking tulong para sa dagdag nilang kabuhayan. Sa ngayon, aktibo si Ginang Ligaya sa adbokasiya na tumulong sa mga nakatatandang may karamdaman sa kanilang Barangay katuwang ang ACCORD, ZOTO at Eco Waste Coalition bilang health advocate at researcher sa pagbibigay ng tulong medikal. Para sa kaniya, ang pagseserbisyo sa ibang tao ay pag-seserbisyo din para sa Panginoon. Bilang 4Ps member, pinagsusumikapan nila na mapalago ang binubuo nilang grupo para mas malawak pa ang samahan na kanilang sinimulan.

“Nagpapasalamat po ako sa 4Ps, at sa mga Citylink sa pagkakataon na ako po ay inyong natulungan maging kasapi ng Programa, dahil dito ay malaking tulong po ang ibinigay nito para sa pag-aaral ng aking anak. At sa DSWD na laging handing tumulong sa lahat ng mamamayan na mahirap,” kanyang pagbabahagi.

#4PsMalasakit
#DSWDMayMalasakit

Please share