Nagsimula sa power team-up ng Barangay 201 Pasay City, iba’t ibang kalapit paaralan, at mga miyembro ng Programa kung saan ay nagsasama-sama para sa iisang mithiin, ang umunlad. Ang DSWD Pantawid Pamilya Gulayan sa Barangay ay pinasinayanan sa panguguna ng mga City Link-Community Organizers ng Pantawid Pamilya at pamunuan ng Barangay. ang aktibidad na “Clean and Green” kung saan ang pangunahing layunin ay linisin ang mga bakanteng lupa sa barangay upang mapagtamnan ng iba’t ibang uri ng gulay.
Sa pagpapatuloy ng Gulayan na nabuo mula sa pagsisikap ng mga miyembro ng Programa, lubos ang naging suporta na ibinibigay ng barangay upang sustinahan ang pangangailangan para sa mga gawaing pagsasa-ayos upang matamnan ang mga lupang nangangailangan ng binhi at pataba.
Ito ay nagsilbing pagkakakitaan ng mga miyembro na kung saan malaki ang naging pakinabang sa panahon ng pandemya. Dagdag pa rito, ang mga masusustansiyang gulay ay abot-kamay lang sa taniman ng mga taong naglinang at nagpunla nito.
Dahil sa taos-pusong suporta ng barangay, nahirang ang Gulayan na ito bilang kampyon sa 2019 Regional Search for Best Gulayan sa Barangay ng DSWD NCR. Dagdag pa rito, napabilang din ang barangay na ito sa sampung pinakamalinis na barangay sa NCR, patimpalak na isinasagawa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nagsimula noong 2014 hanggang sa taong kasalukuyan.
Ang pagkakapabilang din ng Barangay sa sampung pinakamalilinis na barangay sa NCR ay nagbigay daan din sa gulayan kung saan ang mga miyembro nito ay naging kasangkapan sa pagsasagawa ng mga “clean up drives” at mga pagreresiklo ng mga kagamitang mapapakinabangan pa.
“Malaking tulong po sa amin ang gulayan lalo na sa panahon ngayon (pandemiya) kasi di na po namin kailangan bumili ng gulay. Sa garden lang, may ma-haharvest na kami. Nakakatulong din po kami sa ibang tao na walang pambili ng gulay dahil marami pong pumupunta sa garden para humingi ng gulay kasi wala na daw po silang pambili,” pagbabahagi ni Ginang Romela Arroz, miyembro ng Brgy. 201 Pasay Gulayan sa Barangay.
Sa kasalukuyan, patuloy ang paggugulayan ng mga miyembro na taos-puso namang sinusuportahan ng Barangay 201 Pasay City at ng Pantawid Pamilya Regional Program Management Office – National Capital Region.
DSWD NCR Official Facebook Page
Philippine Standard Time: