Si Mariane, 30 taong gulang, isang trans woman, at isang kawani ng pamahalaan at kasalukuyang Administrative Assistant III – Municipal Roving Bookkeeper sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development Field Office National Capital Region (DSWD-NCR).
Bata pa lamang si Mariane ay napagtanto na niyang iba ang kanyang sekswal na oryentasyon. Nasa elementarya pa lamang ay nagkagusto na siya sa kaparehang lalaki. Mula noon ay unti-unti mas kinilala ni Mariane ang sarili bilang isang bakla. Nang siya ay tumuntong ng high school, mas naging bukas si Mariane sa pag-eexplore ng kanyang sekswalidad.Naging mabilis at lubos ang pagkilala at pagtanggap ni Mariane sa sarili dahil na rin sa suporta ng kanyang mga kapamilya.
Taong 2012 nang unang magtrabaho si Mariane sa Kagawaran sa ilalim ng Government Internship Program (GIP) sa loob ng 60 na araw. Naging encoder din si Mariane sa ibang Programa ng Kagawaran bago maging Encoder ng 4Ps taong 2013.
Sa kanyang pananatili sa Programa, may mga hinarap ding pagsubok si Mariane partikular na sa kanyang pagiging trans woman. Siya rin ay nakaranas ng diskriminasyon mula sa mga kapwa empleyado ng Ahensiya dahil sa pagdadamit pambabae at pagpapahaba nito ng kanyang buhok. Sa kanyang pahinuha, ito ay bunsod sa mga tradisyunal na paniniwala na ang isang indibidwal na pinanganak na lalaki ay dapat umasta at manamit bilang lalaki.
Dahil sa mga ganitong paguugali at pagiging tradisyunal ng iilan batay sa sekwalidad ng isang tao, ay unti-unting binaka ng Ahensiya ang mga ganitong kaisipan kung kaya’t taong 2016 ay naglabas ito ng Memorandum na may pamagat na “Fostering a Gender Inclusive Workplace” kung saan isinasaad dito na may kalayaang mamili ang mga kabilang sa LGBTQIA+ na isuot ang unipormeng naangkop sa kanilang pang-kasariang pagkakakilanlan at ekspresyon (Gender Identity and Expression). Kasabay ng laban para sa pantay na pagtrato at pagtingin sa ating mga kapatid na miyembro ng LGBTQIA+ Community ay patuloy din ang pagpapatupad ng Ahensiya ng mga polisiyang mas magpapamalas ng isang gender inclusive workplace.
Nang tanungin naman kung bakit sa kabila ng diskriminasyong natanggap ay mas pinili pa rin ni Mariane na magtrabaho sa Ahensiya, ito ang naging kanyang tugon; “,As transwomen, we are accepted by the department without prejudice to express our sexuality and at the same time allow us to fully and effectively deliver services for our clientele system. Tanggap ang gender expression ko at yun ang nagbibigay sa akin ng tiwala sa aking sarili na makapagbigay ng serbisyo.”
Payo ni Mariane sa mga kagaya niyang miyembro ng LGBTQIA+ ay maging mas bukas ito sa kanilang sarili at sa kanilang pagkakakilanlan “Be true to yourself. Be the best version of yourself. Mahalin mo ang sarili mo.” Dagdag pa niya.
Tunay ngang sa sama-samang pagkilos ng #MayMalasakit nagsisimula ang pagbabago at pagtanggap ng isang indibudual tungo sa mas maayos at inklusibong samabahayan.
#4PsNCR
#DSWDMayMalasakit