July 19, 2021 – Hinihikayat ng Disaster Response Management Division (DRMD) sa pamumuno ni Bienvenido V. Barbosa, Jr. ang mga kawani ng DSWD Field Office NCR at ang publiko na maghanda ng kani-kanilang Emergency Go Bag para sa isang handa, ligtas at protektadong pamilyang Pilipino pagdating sa mga hindi inaasahang sakuna.
Ang nasabing Emergency Go Bag ay naglalaman ng mga sumusunod: mga importanteng dokumento na nakalagay sa silyadong envelope; ekstrang pera; ready-to-eat food sa loob ng 3-araw; first-aid kit na may kasamang face mask at face shield; silyadong inuming tubig na kasya sa loob ng 3-araw; at matibay na lalagyan para sa mga gamot ng sanggol, nakatatandang kapamilya o taong may kapansanan. Dagdag pa rito ang mahahalagang bagay tulad ng mga sleeping bags, kumot, mga pailaw tulad ng flashlight, radyo na may kasamang battery, lubid, at mga gamit panangga sa ulan tulad ng payong, at kapote.
Infographics courtesy of DSWD Disaster Response Management Bureau
Ang adbokasiyang ito ay isa lamang sa mga aktibidad na isinasagawa ng DRMD alinsunod sa Executive Order Number 29 Series of 2017, na naghihikayat sa pagtalima ng mga sangay ng pamahalaan sa National Disaster Resilience Month (NDRM) sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga aktibidad na may kaugnayan sa kahandaan ng bawat pamilyang Pilipino pagdating ng mga kalamidad na nakabatay sa mga sumusunod na thematic areas: Pag-iwas at Pagpapagaan, Kahandaan, Pagtugon, at Rehabilitasyon at Paggaling.”
Ang NDRM 2021 ay may temang, “Tamang Pamamahala’t Kahandaan, Kaalaman at Pagtutulungan sa Sakuna at Pandemya’y Kalasag ng Bayan”.
Naniniwala ang Kagawaran na ang ating sama-sama at may malasakit na pagkilos sa panahon ng sakuna at pandemya ay magsisilbing matibay na sanggalang ng ating bayan para sa isang protektado, ligtas at mapayapang lipunan.###