Pag-iimpok, Pakikipagkapwa-tao, at Pagiging aktibong miyembro ng lipunan. Ilan lamang ito sa mga dagling tugon ni Ginang Veronica Ochoa nang makapanayam at matanong kung ano para sa kanya ang mga pinakamahalagang natutuhan niya mula sa buwanang pagdalo sa Family Development Session ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Bago pa man maging ganap na kabahagi ng Programa ang sambahayan nina Nanay Veronica taong 2008, katuwang na niya na ang kanyang asawang si Rodolfo sa pagtataguyod ng kanilang pamilya. Nagtatrabaho bilang isang mangingisda si Tatay Rodolfo, habang si Nanay Veronica ay may higit isang dekada ng tindera ng street foods gaya ng kwek-kwek, lumpiang shanghai at iba pa sa Barangay Tangos South, Navotas City. Ang mag-asawa ay magkabalikat na pinagkakasya ang kakarampot na kita mula sa pangingisda at pagtitinda.

“Kung babalikan ko ang aming buhay noon, talagang hirap kami. Hindi sapat ang kinikita ng mister ko noon, lalo’t maliliit pa ang mga anak namin. Kaya naman nang mapabilang kami sa 4Ps, laking tuwa namin dahil may makakatuwang na kami sa aming buhay.” Kanyang Pagbabahagi.

Taong 2015 ng dumating ang isang malaking dagok sa pamilya Ochoa- pumanaw ang ama ng kanilang sambahayan dahil sa atake sa puso. Hindi lubos maisip noon ni Nanay Veronica kung paano niya maitataguyod ang kanilang pangangailangan sa araw-araw lalo’t wala na ang kanyang asawang katuwang sa pagtataguyod ng kanilang sambahayan. Bukod sa mabigat na responsibilidad na kaakibat ng pagkawala ng kanyang asawa, malalim din ang sugat na iniwan nito sa kanyang puso ngayong ang taong bumubuo ng kanilang pamilya ay naglaho na.

“Hindi ko mailarawan ang sakit ng pagkawala ng aking asawa. Mahirap tumanda nang mag-isa habang pasan-pasan ang responsibilidad ng pagiging isang ina at ama, ngunit mas nalulungkot ako para sa aking mga anak na lumaking walang sapat na gabay at disiplina mula sa kanilang ama.” Dagdag ni Ginang Veronica

Sa yugtong ito ng buhay ng pamilya Ochoa, ay pinasalamatan niya ang mga taong tumulong sa kanilang makabangon mula sa tila kumunoy ng kalungkutan. Sa panahong ito, napagtanto ni Ginang Veronica ang kahalagahan ng pagkakaroon ng suporta sa kanyang pamilya. Aniya, mapalad ang mga benepisyaryo ng 4Ps gaya niya sapagkat nabibigyan sila ng pagkakataong magkaroon ng aktibong samahan, gaya na lamang ng mga parent groups na binubuo ng mga benepisyaryo ng Programa.

“Ipinagpapasalamat ko sa 4Ps ang pagbubuo ng mga parent groups. Dahil sa mga ito, natututo kaming makipagkapwa-tao at palawakin ang aming pakikisalamuha at nagkakaroon din kami ng maraming kaibigan at nararamdaman naming ang pagdamay ng bawat isa dahil may pagkakatulad ang aming mga karanasan. Nakatulong sa aming pamilya ang pagkakaroon ng mga kaibigan at kakilala upang makarekober mula sa pagkakawala ng aking mister.” Ani ni Ginang Veronica.

Binigyang-diin din ni Ginang Ochoa ang naging mahalagang gampanin ng mga napapanahong paksa sa Family Development Sessions (FDS) na isinasagawa ng 4Ps. Aniya, higit pa sa cash grants na kanilang natatanggap mula sa programa, ay hindi matatawaran ang mga karunungang kanyang napulot mula sa FDS. Ilan sa mga ito ay may kinalaman sa tamang pagpapalaki sa mga bata, pangangalaga ng kalusugan, pagiging aktibong miyembro ng lipunan, pagsugpo ng COVID-19, at ang pag-iimpok ng salapi para sa kinabukasan ng kanilang pamilya.

“Isa sa mga naging bunga ng natutunan ko mula sa buwanang FDS ay ang mapagtagumpayan namin ang hamon ng Covid-19. Maraming nawalan ng trabaho at humina ang kabuhayan. Ngunit sa kabila ng mga ito, heto kami, patuloy na nabubuhay at nakakasabay sa daloy ng mundo. Sa katunayan niyan, nagsilbing tulay ang FDS topic na pag-iimpok upang mapag-desisyunan ang aking anak na si Jovel na kunin ang kursong Bachelor of Business Administration, Major in Financial Management sa Navotas Polytechnic College.” Dagdag ng Ginang.

Bilang pagtatapos, inilahad ni Ginang Ochoa ang kanyang saloobin sa programa, walang hanggang pasasalamat ang namumutawi sa puso ng Ginang para sa mga taong likod ng Pantawid Pamilya. Ang kanilang pamilya ay isang halimbawa ng pagbangon mula sa kabiguan at mga paghihirap.

Tunay ngang na sa mga ganitong istorya ng buhay ng mga benepisyaryong nagsisipagtapos nsa Programa ay nakakapagbigay inspirasyon ito sa bawat pamilyang Pilipino na magsumikap sa buhay upang sama-sama nilang marating ang minimithi nilang tagumpay. ##

#4PsNCR
#DSWDFieldOfficeNCR

Please share