“Wala sa kasarian ang pagiging isang mabuti at responsableng magulang.” – Alfredo S. Salvador

Ako si Alfredo P. Salvador Jr., isang Pantawid Pamilya beneficiary at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Sauyo, Quezon City. Isang ama at miyembro ng LGBTQIA+ at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Progam (4Ps). Ito ang kwento ng aming buhay bilang isang benepisyaryo ng 4Ps.

Kami ay biniyayaan nang tatlong anak na sina; Julia Clarise, 16 taong gulang at kasalukuyang nag-aaral bilang Grade 10 sa San Bartolome High School, Clark Ken, 13 taong gulang at nag-aaral bilang Grade 6 sa Bagbag Elementary School at ang bunso na si Miracle na kasamaang palad ay maagang kinuha ng Maykapal sa piling ng aming sambahayan.

Sinubok ang katatagan ng aming tahanan nang bawian nang buhay ang aking asawang si Ricalyn dahil sa sakit na Breast Cancer noong July 26, 2014. Siya ay buntis noon kaya ang aking bunsong anak na si Miracle ay pinanganak nang kulang sa buwan noong July 21, 2014. Dahil dito, siya ay binawian din ng buhay noong August 7, 2014 higit dalawang lingo mula nang siya’y isilang.

Labis ang dulot na kalungkutan nang magkasunod na bawian nang buhay ang aking mag-ina. May mga nagsasabi na ang ina ang ilaw ng tahanan at napagtanto ko ang ibig sabihin nito nang mamatay ang aking asawa at kabiyak sa buhay. Binalot ng lungkot at hinagpis ang aming tahanan sa mga pangyayaring aming nasaksihan at naranasan. Akin ding natanong sa aking sarili kung paano ko mapapalaki ang aking mga anak nang mag-isa at walang nanay na gumagabay sa kanila?

Mula nang namayapa ang aking asawa, mag-isa kong itinaguyod ang aking mga anak at sabay na ginampanan ang pagiging ama at ina para sa aking mga anak. Hindi lingid sa kanilang kaalaman na ang kanilang ama ay hindi ‘pangkariniwan’ tulad ng nakikita nilang ama sa aming komunidad.

Ang kanilang ama ay may pusong umiibig din ng kapwa lalaki. Ngunit kailanman ay hindi ko nakitaan ang aking mga anak na ako ay kanilang itinago o ikinahiya bagkus ako pa ay kanilang ipinagmalaki. Ang ganitong ugali at asal ng aking mga anak ay masasabi kong resulta ng pagkakaroon namin nang bukas na komunikasyon at nang pagiging totoo ko sa aming tahanan mula sa umpisa pa lamang.


Hindi naging madali para sa akin ang buhayin at palakihin ang aking mga anak. High School graduate lamang ako, Pinasok ko lahat ng maaaring pagkakakitaan na alam ko para lamang mabuhay ang mga anak ko sa paraan na alam ko. Mula sa pagiging isang service crew sa mga fast food chains, maging sa pagpasok sa call center na gising sa gabi at tulog sa umaga, at pagiging isang OFW sa Dubai kung saan nandoon ang aking kapatid at ako ay namasukan bilang isang tagapag-alaga sa kanilang anak upang kami ay mabuhay.

Pikit-mata kong iniwan sandali ang aking mga anak sa pangangalaga ng aking mga magulang para subukan ang aking kapalaran sa ibang bansa pero nang makaipon nang sapat ako ay bumalik pagkalipas lamang ng isang taon para maalagaan ko naman ang sarili kong mga anak. Nagtinda ako ng kakanin, barbeque at kung ano ano pa para kumita. Ipinangako ko sa namapaya kong asawa na hndi ko papabayaan ang aming mga anak.

Mapalad kami na ang aming pamilya ay kabilang sa Pantawid Pamilya at mayroon akong naging kaagapay sa mga gastusin sa paaralan ng aking mga anak. Dahil sa programa, natuto din akong humawak ng pera at palaguin eto sa tulong ng Financial Literacy Orientation na itinuturo sa aming buwanang Family Development Session (FDS).

Bukod dito, natutuhan ko ring gumawa ng kakanin at ipinagmamalaki ko ding ikwento na ang grupong kinabibilangan ko ay isa sa mga nanalo sa patimpalak ng 4Ps at ng Barangay na Kakanin Festival Making Contest noong 2016.

Dahil din sa programa natuto akong maging mapagmatiyag sa mga nangyayari sa kapaligiran. Sa FDS ko rin nalaman ang mga tama at dapat gawin sa panahon ng kalamidad, alamin ang karapatan ng mga bata at kababaihan at ang wastong paraan kung paano labanan ang mga sakit at pandemanya katulad ng Dengue Orientation, Ano ang Tuberculosis at ang napapanahong pandemyang COVID-19 at ang mga gawain para sa pag-iingat nito . Kamakailan din lamang ay sumali ako sa Webinar Orientation na pinangunahan ng Brgy, Sauyo tungkol sa Mental Health Awareness. Hindi rin naging mahirap sa akin ang makipagkapwa-tao dahil na din sa natural naming katangian na masaya at malapit sa mga tao.

Sa ngayon, ako ay kasalukuyang kumikita sa pamamagitan ng pagbebenta online ng mga customized T-shirts at military bullrings. Sinisikap kong kumita sa panahon ng pandemya kahit nasa bahay lamang upang hindi makumpromiso ang kaligtasan ko at ng mga anak ko.

Masasabi ko din na mula sa isang nag-iisa, takot at ligaw na ama, ako na ngayon ay isang AMA at tumatayo ring INA sa aking mga anak na matapang, may direksyon, may alam at may paninindigan. Kampante ako na sa tulong ng Programa na kami ay mabubuhay nang maayos at maligaya. Sa pagsisikap at pagpupursige, naniniwala akong mapagtatapos ko ang aking mga anak sa pag-aaral at maibibigay ang maginhawang buhay na pinangarap namin ng namayapa kong asawa para sa kanila at sa aming tahanan.

Ito ang Salaysay ng aking buhay! Mabuhay ang aming Tahanan! Mabuhay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. ##

Please share