“Masaya akong gampanan ang aking mga tungkulin bilang isang ama sa aking pamilya at bilang isang ama at kapatid sa aking mga kasama sa Paradise garden.”
Ito ang mga salitang namutawi sa bibig ni tatay Mario Luzon, 53 taon gulang, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at isa ding Pantawid Pamilya farmer ng Paradise Garden mula sa Barangay Sucat, Muntinlupa City.
Binubuhay niya ang kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda ng isda sa Lopez stoplight, Parañaque City. Kasama ang kanyang asawang si Merlyn Luzon, sila ng kanyang kabiyak ay nabiyayaan ng walong [8] mga anak. Nalulugod ang kanyang puso dahil ang ilan sa mga ito ay nakatapos na ng highschool at ang iba naman ay nag-aaral pa.
Bago napabilang sa Programa ay hindi mailarawan ni Tatay Mario ang hirap na kanilang nararanasan upang maitawid ang pangangailangan ng kanyang pamilya. Kahit labis na ang pagsisikap, may mga pagkakataong nagkakasakit parin ang kanyang mga anak dahil sa kakulangan ng makakakain sa pang araw-araw. Dahil dito, siya ay nagpasiyang pumasok sa ibat-ibang uri ng pagkakakitaan. Nariyang naranasan niyang magtrabaho bilang isang construction worker, maging pahinante ng truck ng softdrinks, maningil ng pautang mula sa isang lending company at ngayon ay pagtitinda naman ng isda ang kanyang pinagkakaabalahan sa Parañaque City.
Taong 2014 nang mapabilang ang kanyang sambahayan sa Pantawid Pamilya. Dahil sa oportunidad na mula sa Programa, nalinang ang kanyang kasanayan sa pagtatanim katuwang ang kanyang mga kasama sa Hardin na kanilang pinangangalagaan at pinagyayaman. Tinawag nila ang lupang kanilang binubungkal na “Paradise Garden”. Dahil para sa kanila, ang Hardin na ito ay pumapawi ng kanilang kalungkulutan tuwing sila’y nagtatanim ng mga pananim upang anihin. Nakakatulong din ang hardin na ito upang mabigyan sila ng makakain at masuportahan ang kanilang mga pangangailangang pinansyal kapag sila’y nagbebenta ng gulay mula sa hardin na ito.
Araw-araw ay nakatakda ang mga gawain ni tatay Mario, hinahati niya kanyang ang oras sa pamilya at sa pagtatanim. Tuwing umaga, madalas tumutulong si Tatay Mario sa kanyang asawa sa mga gawaing bahay. Sa araw-araw nililinang ni Tatay Mario ang lupang kanilang pinagpupursigihang mapaunlad. Lagi nila itong dinidiligan at inaalagaan upang mabilis itong mamunga. Pagsapit ng hapon si tatay Mario naman ay nagtitinda ng isda kasama ang kanyang asawa. Mula sa maghapong paggawa, pagsapit ng gabi ang mag-asawa naman ay magkatuwang na kikilos sa gawaing bahay at sa pag-aalaga ng kanilang mga anak.
Dahil sa pagsisikap at pagtitiyaga sa Gulayan na kanilang inalagaa, Si tatay Mario ay kaya nang mapanatili ang pagbibigay ng pangangailangan para sa kanyang pamilya sa araw-araw. Sa tulong at gabay ng Prorama, alam ni tatay Mario na ang mga gulay at mga salaping na kanilang nakukuha mula sa pagtatanim ay bunga ng kanilang pagtitiyaga upang lalong magtagumpay sa kanilang pamumuhay.
“Maraming hamon ang dumaan sa buhay ko na parang katulad din dito sa Paradise Garden na marami rin akong napagdaanan mga suliranin upang makamit ang mga bunga ng hardin na ito . pero sa sipag at tiyaga lang ang tinitignan ko para may marating kami kami sa buhay.” Ani ni tatay Mario.
Sa ngayon aktibong nakikilahok si tatay Mario sa buwanang Family Development Sessions (FDS) at sa pagtataniman kasama ang mga katulad niayng Pantawid Pamilya Farmers ng Paradise Garden. naniniwala ang ama sa mga prinsipyong; Magsikap, magsipag, at gumawa ng magandang gawain at wag sumuko sa mga hamon ng buhay.