Simpleng pamilya ngunit punong-puno ng pag-asa at pangarap sa buhay. Ganito inilarawan ni Marylou Romero ang kanyang sambahayan, 43 taong gulang, benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) mula sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
Si Marylou katuwang ang kanyang asawang si Roger Romero ay pilit itinataguyod ang kanilang apat (4) na mga anak para sa kanilang mga pangangailangan sa buhay. Nag-umpisang mapabilang ang sambahayan ni Marylou sa Programa taong 2013. Laki tuwa ni Marylou dahil hindi niya inaasahan na makikita niya ang kanyang pangalan sa listahan ng mga magiging benepisyaryo ng 4Ps sa kanilang Barangay.
Nag-umpisang magbago ang pamumuhay ng sambahayan ni Marylou dahil sa mga Cash Grants na nakukuha mula sa Programa. Ginamit niya ito upang matustusan ang pangangailangan sa pag-aaral ng kanyang mga anak. Higit lalo, naging maganda rin ang epekto ng Programa sa mga ito dahil mas lalo silang nagpusige sa pagpasok sa ekwelahan.
Habang ang Programa ay nakatutulong sa pag-aaral ng kanyang mga anak, kasabay nito ang mga positibong pagbabago ni Marylou sa pakikisalamuha niya para sa kanyang kapwa. Nawala ang pagiging mahiyain ni Marylou dahil sa mga nakikila niyang miyembro ng Programa at tuwing magkakaroon ng buwanang Family Development Session (FDS) sa kanilang lugar. Sa FDS, maraming natutuhan si Marylou na ikinatuwa niya dahil ito ay nagagamit niya sa kanilang pang araw-araw na pamumuhay. Gaya na lamang ng mga kaalaman sa pagsisinop ng salapi, pangangalaga ng maayos na tahanan, at pagpapayabong ng relasyon sa loob ng kanilang sambahayan.
Makalipas ang dalawang taon bilang miyembro ng 4Ps, si Marylou ay nahirang bilang Assistant Parent Leader sa kanilang grupo. Dahil sa kakayahan at husay sa pakikisama at pamamahala sa kanilang grupo, siya ay napili bilang Parent Leader ng mga ito. Taos puso ang pasasalamat ni Marylou sa mga miyembro na bomoto at nagtiwala sa kanyang kakayahan bilang kinatawan ng kanilang grupo. Sa kanyang pagiging Parent Leader, marami pa siyang natutuhan dahil narin sa kayang aktibong partisipasyon sa kanilang barangay at sa Programa. Bilang isang parent leader, siya ay nagbahagi rin ng mga kaalaman sa kanyang mga kapuwa miyembro, kaibigay at mga ka-grupo sa kanilang lugar.
Alam ni Marylou ang kahalagahan ng tungkulin kayang ginagampanan para sa kanyang mga nasasakupan. Marso 2020, dumating ang isang sakit na hindi naranasan ng Bansa, isang nakamamatay at nakakahawang sakit dulot ng Corona Virus Disease o COVID 19-Virus.
Bilang isang Parent Leader buong pusong nagboluntaryo si Marylou kasama ang kanyang mga kapuwa Parent Leader ng kanilang Lungsod. Sumama si Marylou sa pagbahay-bahay upang interbyuhin ang mga pamilya na kailangang makatanggap ng Social Amelioration Program o SAP.
Hindi alintana ni Marylou ang panganib ng COVID 19-Virus dahil alam niya na ito’y isang sakripisyo para sa kanyang mga nasasakupan at ito ay isang daan din upang makatulong siya bilang mamamayan ng kanilang Lungsod.
Habang gumagampanan ng kanyang tungkulin bilang PL ay aksidenteng nakasalubong niya ang isa sa miyembro ng Samahang Magsing-Aki at ito’y nangangailangan pa ng isang Barangay Health Worker (BHW). Dahil magreretiro na ang BHW na naka-aasign sa Block 39 Health Center sa kanilang lugar at si Marylou ay may potensyal at kakayahang mamuno, naging isang BHW si Marylou sa nasabing lugar.
Taong 2021 nag-umpisa ang programa ng Gobyerno sa pagbabakuna laban sa malubhang sakit dulot ng COVID-19 Virus. Si Marylou bilang isang BHW ay katulong ng mga Health Workers na nagsasagawa ng pagbabakuna hanggang sa kasalukuyan.
“Bilang isang benepisyaryo, ako’y humihikayat sa mga kapwa ko miyembro ng 4Ps na kayong magpabakuna narin dahil Ito’y magsisilbing proteksyon sa ating sarili higit lalo para sa ating pamilya” – Panghihikayat ni Marylou sa mga miyembro ng 4ps.
Sa kasalukuyan, ang isa niyang anak na si Rose Anne ay naka-graduate na ng 5-year course na Information and Communication Technology (ICT) Engineering sa Rizal Technological University (RTU) at kasalukuyan naghahanapbuhay narin. Ang kanyang ibang anak na sina Rose Mae Jane ay 1st year college sa Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa kursong Management, si Rose Sheinna ay 1st year college rin sa Rizal Technological University (RTU) sa kursong Management din at panghuli, ang kanyang bunsong anak na si Jhendo Deniz ay Grade 9 sa Mataas na Paaralang Neptali A. Gonzales (MPNAG).
Walang sawang pasasalamat ang nasasambit at laging binibigkas ni Marylou sa programa na nagingtulay upang magbago ang kanilang pamumuhay. Nagpapasalamat ang pamilya Romero sa DSWD at ng lokal ng pamahalaan ng Mandaluyong sa patuloy nitong pag-alalay ang pagbibigay tulong sa kanilang pamilya.