Isang anghel ang nabago ang takbo ng buhay matapos maging bahagi ng Haven for Children. Si Jonathan Rodrigo, na mas kilala bilang “Kulot o Digong” ay namalagi sa Haven for Children sa loob ng anim na taon mula ng siya ay ma-rescue sa Tayuman, Manila.
Bilang isang batang lansangan, naranasan ni Jonathan na magutom, mainitan, mabasa ng ulan at matulog sa lansangan. Naramdaman din nya ang kawalang pag-asa at positibong pananaw sa buhay. Ngunit alam ni Jonathan kung paano mangarap at abutin ito sa pamamagitan ng kanyang sariling kakayahan
Dahil sa pagsisikap at pagpupursigi at sa tulong ng Haven for Children, si Jonathan ay nakapagtapos ng Grade 10 sa ilalim ng Jose Fabella Memorial School, Haven for Children Annex. Siya rin ay naging aktibo sa mga programa ng center at naging bahagi ng Touch Rugby at Capoeira Angola. Higit pa rito, hindi maipagkakaila na maraming angking talento si Jonathan ng siya ay nagpamalas ng angking kahusayan sa larangan ng pagguhit.
Matapos nyang magampanan ang kanyang tungkulin sa center, naipagpatuloy niya ang mabuting gawain sa labas ng linangan ng Haven for Children. Ngunit, dahil sa kakulangan ng suporta mula sa kanyang pamilya sa pag-aaral hindi naipagpatuloy ni Jonathan na matapos ang grade 11.
Gayon pa man, dahil sa ipinamalas na sipag at tyaga ng binata napansin ito ng isa sa mga partners ng center na hindi nagatubili na tumulong sa pagkakaroon niya ng trabaho.
Dahil sa naibigay na pagkakataon na makapaghanapbuhay, kasalukuyang namamasukan si Jonathan sa Balay Dako by Antonio’s isang kainan sa Tagaytay bilang isang assistant baker.
Para kay Jonathan ang mga pagsubok na kanyang naranasan ay nagsilbing inspirasyon upang ipagpatuloy nyang abutin ang kanyang mga pangarap sa buhay.
“Nahirapan din po ako. Pero sabi ng mga nakatatanda, kapag may gusto ka gagawin mo ang lahat para maabot iyon.” Ani Jonathan.
Naging malaking bahagi ng buhay ni Jonathan ang Haven for Children sa pag-gabay at pagtuturo ng magandang asal. Mula sa buhay lansangan napagtanto ni Jonathan na may pag-asa at may magandang patutunguhan pa ang isang tulad nya. Ang mga maling gawi na kanyang nakagisnan ay unti-unting napalitan ng mabuting kaalaman na tutulong sa pagyabong ng kanyang magandang kinabukasan.
Nais nyang magbigay ng inspirasyon at iwanan ang mga katagang “Isa sa nagpapalakas sa akin ay yung pag-eenjoy sa ginagawa. Iyon ang mahalaga lalo na kung gusto mong maabot ang mga panagrap mo, dapat pursigido ka matuto“.