Isang mapag-aruga, mapagkalinga, at walang ibang iniisip kundi ang ikabubuti ng kanyang sambahayan, ganito kung ilarawan si Ma. Eliza Bandoy, 37 taong gulang, miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program mula sa Lungsod ng Maynila.
Taong 2013 nang unang mapabilang ang sambahayan ni Eliza sa Programa. Siya katuwang ng kanyang asawang si Sonny Dela Cruz na nagtatrabaho bilang palero ay mayroong limang (5) anak na kasalukuyang nagsisipag-aral. Ang kanyang panganay na anak na si Maria Kristina ay nasa ika-11 baitang na ng sekondarya sa Timoteo Paez Integrated School, habang si Kenneth naman ay nasa ika-8 baitang sa kapareho ring paaralan. Ang tatlo naman sa kanyang mga anak ay pare-parehong nag-aaral sa General Vicente Lim Elementary School.
Sa kanya pagbabalik-tanaw hinggil sa kanilang naging pamumuhay bago sila mapabilang sa Pantawid Pamilya ay napagtanto nitong hindi madalin ang tungkulin ng isang ina. Nariyan ang mga pagkakataon na kinailangan niyang pumunta sa kanyang mga kaibigan at kapitbahay upang humanap ng mauutangan upang ipang-suporta sa pag-aaral at pang-kain ng kanyang mga anak. Inalala rin niya ang mga panahon na wala siyang lakas ng loob na maghanapbuhay dahil sa paniniwala na ang gampanin ng isang Ina ay limitado lamang sa pag-aalaga ng mga anak at sa mga gawaing-bahay habang ang ama naman ang siyang dapat maghanapbuhay.
Nawalan nang pag-asa si Eliza na maialis ang kanilang pamilya sa kahirapan. Naisip din niya na hindi na maipagpapatuloy ng kanyang mga anak ang kanilang pag-aaral dahil kulang ang kinikita ng kanyang asawa upang ipangtustos sa kanilang mga pangangailangan. Ibinahagi rin niya na nakaramdam siya ng takot para sa kanilang mga anak dahil sa mga kaguluha sa kanilang komunidad. Inalala rin ni Eliza ang kaligtasan at kinabukasan ng mga ito na baka sila’y malihis ng landas dahil sa laganap ang iba’t-ibang gawaing iligal, krimen, at mataas na bilang ng mga batang hindi nakakatapos ng pag-aaral sa kanilang lugar.
Kung kaya’t nang sila ay napabilang sa Pantawid Pamilya, inamin ni Eliza na wala siyang ideya kung ano ang mga dapat niyang gawin at gamapanan bilang isang miyembro ng Programa. Subalit sa tulong na rin ng kanyang regular na pagdalo sa buwanang Family Development Session (FDS), nagkaroon ng kaalaman si Eliza sa pantay na karapatan ng lalake at babae lipunan. Nalaman niya na hindi lang responsibilidad ng lalake ang pagbibigay ng pagkain at pagtutustos sa kanilang sambahayan. At hindi lang nakaatas ang sa babae ang responsibilidad sa pagpapalaki ng mga anak. Ang mga ito’y dapat magkatuwang na pinagsisikapan at taos-pusong ginagampanan ng mag-asawa.
Dahil sa mga kaalaman na kanyang nakuha mula sa FDS, naging daan din ito upang siya ay magkaroon ng lakas ng loob na tanggapin ang alok ng kanilang kapitbahay sa pangangasiwa ng patubig sa kanilang komunidad.
Ayon kay Eliza, kumikita siya ng sandaang piso (P100) sa isang araw, sapat upang pandagdag sa badyet ng pamilya sa pang-araw-araw. Ibinihagi rin ni Eliza na naging daan ang programa upang siya ay makakilala pa nang iba pang mga miyembro at maging kaibigan ang mga ito. Ngayon ay labis ang kaniyang kasiyahan dahil siya ang napili ng kaniyang mga kapwa miyembro upang maging “Parent Leader” ng kanilang grupo.
Sa kasalukuyan, si Eliza ay patuloy na nangangasiwa ng patubig sa kanilang komunidad, ibinahagi rin niya ang kanyang mga natutuhan sa Programa sa kanyang mga kakilala at kapitbahay sa kanilang lugar. Dahil sa Programa, mas lalong nagkaroon si Eliza ng kaalaman sa pag-iipon ng pera. Dahil sa pag-iipon, nakapagpatayo siya nang isang maliit na tindahan at nagkaroon ng puhunan para sa kanyang “sweet desserts” business sa kanilang komunidad.
“Malaki ang natulong ng 4Ps sa aming pamilya, una ang mga grants na aming natatanggap upang tuloy-tuloy na makapag-aral ang aking mga anak. Nakatulong din ang Programa upang mapaunlad ko ang aking sarili sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa ibang tao sa aming komunidad. Natuto rin ang aking pamilya na mag-ipon ng pera, maliit man o malaki ang dumarating sa amin. Higit sa lahat, nagkaroon din kami ng kaalaman kung paano lutasin ang mga problema na dumarating sa loob ng aming tahanan.” – Pagbabahagi ni Eliza.
Pinangako ni Eliza na magiging halimbawa siya sa kaniyang mga kapwa miyembro ng Pantawid Pamilya. Nais niyang ibahagi sa kanila ang pagkakaroon ng positibong pananaw sa buhay. Naniniwala si Eliza na kaya ng bawat Pamilyang Pilipino na tumawid sa mula sa kahirapan ng buhay tungo sa mas maayos at masaganang bukas.