Walang hindi kayang gawin ang isang inang nangangarap na makaahon sa hirap ang kaniyang pamilya, katulad na lamang ni Maricel Bobis mula sa Pinagbuhatan, Pasig City. Isa lamang si Maricel sa libu-libong ina na nabago ang buhay ng kanilang pamilya sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP).
Si Maricel ay punong-puno ng determinasyon at pagsisikap na maabot ang minimithing kaginhawahan ng buhay. Tanging pangarap niya noon na maibigay ang mga pangangailangan ng kaniyang pamilya kaya naman siya ay patuloy na nagsikap. Noon, siya ay isang may bahay na umaasa sa inuuwing kita ng kaniyang asawa. Isang ina na tagapag-alaga sa kaniyang mga anak at asawa. Bilang isang ilaw ng tahanan at mapagmahal na ina, masakit para sa kaniya na makitang salat ang kaniyang mga anak sa mga material na bagay. Kung kaya naman naisipan niyang mag-apply abroad bilang isang kasambahay upang matugunan ang pangangailangan ng kaniyang mga anak.
Habang hinihintay ang resulta ng kaniyang aplikasyon sa ibang bansa ay may dumating na oportunidad na hindi niya inakalang babago sa kanyang desisyon at takbo ng kanyang karera. Nalaman ni Maricel na siya ay inirikomenda ng kaniyang Citylink sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na mapabilang sa mga makatatanggap ng Employment/skills Training sa Silverstone Security Agency sa 15th Avenue, Cubao, Quezon City. Ang Employment Facilitation ay isa sa mga track na nakapaloob sa implementasyon ng SLP na naglalayong matulungan ang isang indibidwal na pagyamanin ang kaniyang kakayahan at magkaroon ng trabaho na tutugon sa pangangailangan ng kaniyang pamilya.
Si Maricel ay nakatanggap ng skills training para sa mga security guard na naging daan upang mapagtanto ni Maricel na huwag na lamang tumuloy sa pangingibang-bansa at ipagpatuloy na lamang ang pakikipagsapalaran sa sariling bayan upang hindi na siya mawalay sa kaniyang mga mahal sa buhay—ang kaniyang asawa at mga anak na pinaghuhugutan niya ng lakas upang patuloy na mangarap.
Natapos ni Maricel ang kaniyang training at nakapagtrabaho sa Aglipay Security Agency noong Hunyo, taong 2016 kung saan itinalaga siya sa DMCI Condominium bilang guard receptionist. Ang kaniyang pananaw, determinasyon at pagsisikap sa trabaho ay naging isang magandang simulain upang mabago ang takbo ng kanyang karera. Ito rin ay naging dahilan upang siya ay ma-promote bilang isang CCTV Operator.
Kung dati ay sumesweldo lamang siya ng Php540.00 kada araw, ngayon tumatanggap na siya ng Php850.00 bawat araw. Gumanda ang takbo ng kanilang buhay dahil sa regular na sahod na kaniyang natatanggap. Nakatatanggap din siya ng mga social benefits katulad ng SSS, PhilHealth, Pag-IBIG, bonus at iba pang mga benepisyo mula sa kanyang employer.
Ginamit niya rin ang kanyang mga benepisyo na naging dahilan upang siya ay makapagpundar ng ilang mga ari-arian tulad ng hulugang lupa sa Batangas na nagkakahalaga ng Php120,000.00 na sa ngayon ay natapos nilang bayaran, lupa sa Pasig City na nagkakakahalaga ng Php100,000.00 na sa kasalukuyan ay kanilang ipinapagawa, at dalawang (2) motor na gamit nilang mag-asawa.
Lubos niyang ipinagpapasalamat sa SLP ang pagkakataong ipinagkaloob sa kaniya dahil lahat ng bigat at hirap na naranasan ng kanilang pamilya ay napalitan ng tamis at tagumpay, hindi lamang sa sarili nilang pamilya kundi pati na sa mga kapatid at magulang niya. Wika nga ni Maricel, hindi man niya personal na mapasalamatan ang mga nasa likod ng kaniyang tagumpay, mananatili naman sa kaniyang puso ang SLP dahil ito ang naging daan ng pagbabago sa kanilang buhay at makaaasa na lalo pa siyang magsusumikap upang mapagtapos ang kaniyang mga anak.
#SLPGalingNgKababaihan #BawatBuhayMahalagaSaDSWD #MayPusoAtRamdamAngSerbisyo