Ang buhay ay parang pagbibisekleta; kung minsan ay patag at diretso ang daan, payapa at mabilis ang takbo, kung kailan ikinalulugod mo ang pagdampi ng hangin sa iyong balat. Ngunit may mga pagkakataon ding malubak, makurba o matarik ang mga kalsada, ramdam mong mahirap at mabigat ang bawat padyak — mga pagkakataong dadaplis sa isipan mong huminto at magpahinga muna.
Tulad ng pagbibisekleta, ang pangarap ni Joycelyn Baruelo tungo sa pag-asenso ay dumaan rin sa samu’t saring lubak, kurbada at pagdausdos. Si Joycelyn, 51 taong gulang at kasalukuyang naninirahan sa Barangay 176, Caloocan City, ay isang butihing ina na itinataguyod ang pamilya sa pamamagitan ng pagtitinda at pagkukumpuni ng mga parte ng bisekleta, kung saan katuwang niya ang kaniyang asawang si Noel. “Katuwang ang aking asawa, tanging sipag at tiyaga ang naging baon namin sa paghahanapbuhay” ani Joycelyn.
Noong 2017, isa si Joycelyn sa mga napasama sa mga kwalipikadong aplikante sa programa ng DSWD Sustainable Livelihood Program (SLP), napabilang siya sa isa sa mga inorganisang SLP Associations na pinangalanan nilang 2017 Brgy. 176 Angel’s Power SLP Association. Ang bawat miyembro ay nabigyan ng nagkakahalagang Php 10,000.00. Ang halagang natanggap ni Joycelyn ay ginamit niya upang makapag-umpisa ng munting tindahan. Dahil dito, nagkaroon sila ng karagdagang kita upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya, ngunit sa dami ng gastusin ay hindi pa rin ito naging sapat.
Lumipas ang isang taon nang maisipan naman ng mag-asawa na magdagdag pa ng pagkakakitaan upang matustusan ang mga pangangailangan ng kanilang apat na anak. Nakapag-reloan si Joycelyn ng halagang Php 10,000.00 mula sa kanilang asosasyon na ginamit niya upang magtayo ng isang bicycle shop sa tapat ng kanilang bahay. Nagtulong ang mag-asawa sa kanilang bagong negosyo. Si Noel ang maalam at nag-aasikaso ng pagkukumpuni ng mga bahagi ng bisekleta, si Joycelyn naman ang namamahala sa puhunan. Dito na nila binuhos ang kanilang atensyon hanggang sa nagtuloy-tuloy ito. Ngunit katulad ng maraming negosyo, may mga araw na matumal ang kanilang kita.
Taong 2020 nang dumating naman ang Covid-19 pandemic na naging dahilan ng pagsasara at pagkalugi ng maraming hanapbuhay. Tila naging liwanag sa madilim na daan ito ng mag-asawa nang higit na tinangkilik ng publiko ang kanilang Bicycle Shop. Dahil walang pumapasadang mga pampublikong sasakyan, ang karamihan ay bumili ng bisikleta upang makapasok sa kani-kanilang trabaho o makarating sa kani-kanilang paroroonan, kaya naman dumami ang kanilang kostumer. Subalit kalaunan ay nagkaproblema ang mag-asawa dahil sa kanilang shop na nasa tabing-kalsada hanggang sa tuluyan na nga silang pinaalis sa kanilang pwesto. Sa kabila nito ay nagpatuloy ang mag-asawa at noong taong 2021 ay nakahanap sila ng pwestong mauupahan at doon nila inilipat ang kanilang negosyo na ngayon ay kilala na sa tawag na “Roadside Bicycle Shop”.
Malaki ang pasasalamat ni Joycelyn sa programa dahil napagtapos niya ang kanilang panganay na anak sa kolehiyo sa kursong Bachelor of Science in Information Technology sa pamamagitan ng kanilang negosyong naitayo sa tulong ng SLP. Sa ngayon ay kumikita na ang kanilang Bike shop ng Php20,000.00 – Php25,000.00 sa loob ng isang buwan. Dito na rin nila kinukuha ang pambayad sa lahat ng gastusin sa bahay na umaabot naman ng Php10,000.00 sa isang buwan. Nakapagpundar na rin sila ng iba pang mga kagamitan at mga pangangailangan sa bahay at nakakapagtabi na sila ng Php3,000.00 kada buwan na naidadagdag nila sa kanilang ipon.
“Napakalaking tulong ng DSWD-SLP sa amin, kasi kumbaga dito kami nagsimula, ito yung naging simula ng puhanan namin… hanggang sa lumago na ito. Dahil dito nakakakain kami ng maayos sa araw-araw, naibibigay ko yung pangangailangan ng mga anak ko at napapag-aral ko sila ng maayos. Nagsimula rin kami sa walang-wala… Kung hindi ka magsusumikap, walang mangyayari sa buhay mo. ‘Wag tayo mawawalan ng pag-asa, habang (may) buhay may pag-asa.”, wika ni Joycelyn.
Ang mga pagsubok na pinagdaanan ni Joycelyn ay tila nga salamin ng ating iba’t ibang dinadaanan sa paglalakbay ng buhay. Hindi man palaging patag at diretso ang daan – kung minsan ay malubak, kung minsan naman ay matarik – kailangang magpatuloy sa pagpadyak upang ika’y sumulong. Sigaw nga ng mga siklista, “Ahon!”