Kasabay ng kampanya para sa mid-term elections na gaganapin sa Mayo, nag-lunsad din ng “Bawal ang Epal Dito” campaign ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ngayon ay pinapalaganap na sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa.
Ayon kay DSWD-NCR Regional Director Ma. Alicia S. Bonoan, layunin ng kampanyang ito na maproteksyunan ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program laban sa ilang mga politikong ginagamit ang naturang programa upang mahikayat ang mga benepisyaryong botante na iboto o suportahan ang kanilang kandidatura.
Sa kampanya ng DSWD, binibigyang diin na tanging DSWD National at Field Offices lamang ang may karapatang magtanggal ng pangalan ng benepisyaryo sa talaan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program kung hindi tumutupad sa mga conditionalities.
Patunay lamang ito na walang maaaring magmanipula sa listahan ng benepisyaryo ng Pantawid Pamilya kahit pa sinong politiko ang magsabing kaya nilang makaimpluwensiya dito.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay programa ng pamahalaan na naglalayong maitaas ang kalidad ng buhay ng mahihirap na pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng pagkakaloob ng tulong pinansyal para sa edukasyon at nutrisyon ng mga batang edad 0-14, at pagbibigay ng dagdag na kaalaman at pagpapaunlad ng kakayahan ng mga pamilyang kasama sa programa.
Sa kasalukuyang tala ng DSWD, umaabot na sa 3.8M pamilya ang benepisyaryo ng programa at 204,442 dito ay mula sa National Capital Region (Metro Manila).
Samantala, pinaalalahanan ni Director Bonoan ang mga benepisyaryo na kung sila ay makakatanggap ng pagbabanta mula sa politiko na nagsasabing sila ay matatanggal bilang benepisyaryo ng programa kung hindi nila ito iboboto, maaari silang magsumbong o mag text ng mga sumusunod: name<slash>area<slash>complaint at ipadala sa 0918-912-2813. Maaari din mag e-mail sa 4psreklamo@gmail.com /www.facebook.com/pantawid.grs o mag tweet sa: @4psreklamo. (DSWD-NCR-Social Marketing Office/March 19, 2013)###