Ipinagbibigay alam ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ang mga typhoon Yolanda survivors na mula sa Regions VI, VII at VIII na benepisyaryo ng Pantawid Pamilya program at ngayon ay naninirahan sa Metro Manila o sa karatig probinsiya, ay maaari pa rin makatanggap ng cash grant.

 

Ito ay sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng mga benepisyaryo sa Municipal/City Links na may opisina sa pinakamalapit na tanggapan ng lokal na Social Welfare and Development, mula sa kanilang kasalukuyang tinutuluyan.

 

Upang mai-proseso ang cash grant ng mga benepisyaryo, isasagawa ang validation at updating ng kanilang household profile sa database ng Pantawid Pamilya program na magtatala ng halaga ng cash grant na kanilang  matatanggap.

 

Samantala, makatutulong sa validation ang ilang dokumentong magpapatunay ng kanilang pagkakakilanlan bilang benepisyaryo tulad ng Pantawid Pamilya ID, Cash Card at Kasunduan kung  kaya’t inaanyayahan ang mga ito na dalahin ang alinman sa mga nabanggit sa araw na sila ay makikipag-ugnayan sa Municipal/City Links.

 

Ayon kay DSWD-NCR Regional Director Ma. Alicia S. Bonoan, ito ay paraan ng Departamento upang ipagpatuloy ang karapatan sa pagtanggap ng cash grant ng mga benepisyaryo ng programa kahit na sila ay nasa ibang rehiyon pansamantala o permanenteng naninirahan.

 

Ang Pantawid Pamilya ay programa ng pamahalaan na ipinatutupad ng DSWD  at naglalayong putulin ang salinlahi ng kahirapan sa mga Pilipinong natukoy na mahihirap ng ‘Listahanan’ (listahan ng pamilyang nangangailangan) sa pamamagitan ng pamumuhunan sa edukasyon at kalusugan ng mga batang may edad 0-14.

Please share