“Noong Abril 2014 ay nagkasakit ang aking asawa dahil sa komplikasyon sa kidney, wala kaming pera pampagamot at maraming kailangan bilhin para sa pag-aaral ng mga anak ko…at noong na-confine siya sa Kidney Center, tinanong ako sa information desk kung may PhilHealth daw ba ako, ang sagot ko ay meron dahil Pantawid Pamilya beneficiary ako…” buong pagmamalaking ibinahagi ni Merilyn Buhisan, 55 taong gulang, sa ginanap na Local Advisory Committee (LAC) meeting ng Quezon City noong March 20, 2015.
Bagama’t pumanaw na ang kanyang asawa noong Disyembre 2014, naaalala pa rin ni Merilyn kung paano nakatulong ang pagiging benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa kanyang pamilya upang hindi maging mabigat para sa kanila ang pagpapagamot ng kanyang asawa.
“Ang bill namin sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) noon ay umabot sa P85,000 at sa kabutihang palad, dahil kasama sa aming pagiging benepisyaryo ng Pantawid Pamilya ang maging myembro din ng PhilHealth, lahat ng bill namin ay sinagot ng PhilHealth,” dagdag ni Merilyn
Ngayon, mag-isang itinataguyod ni Merilyn ang pag-aaral ng kanyang mga anak na edad 14 at 16 taong gulang sa pamamagitan ng pagtitinda ng almusal at meryenda tulad ng pansit, lugaw, spaghetti, champorado, sopas, lumpia at bananaque. Kasabay nito, masaya rin siyang naglilingkod bilang Parent Leader ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa kanilang komunidad.
Ayon kay Merilyn, hindi niya malilimutan ang malaking tulong na naibahagi sa kanyang pamilya ng mga panahong bukod sa pinansyal ay hirap din siyang tanggapin na ang kanyang kabiyak ay nahaharap sa malubhang karamdaman.
Bilang partner ng DSWD, nagpatupad ang Department of Health (DOH) ng regulasyong nagsasali sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilya, bilang natukoy na mahirap ng Listahanan, sa serbisyong pangkalusugan ng PhilHealth.
Dahil dito, kabilang ang pamilya ni Merilyn sa mga nakinabang sa nasabing benepisyong pangkalusugan na bukod sa buwanang check-up sa health center, ay nagdulot din ng magandang pagbabago sa kanyang pamilya bilang benepisyaryo ng Pantawid Pamilya.
Ayon pa sa kanya, “Sa ngayon, ramdam ko na nabigyan na talaga ng pansin ang mahihirap…kasi dati para sa akin, ang pagpapagamot sa ospital at pagpapacheck up ay para lamang sa mayayaman… mali pala.”
Ang pamilya ni Merilyn ay kabilang sa 245, 628 benepisyaryo ng Pantawid Pamilya sa Metro Manila na patuloy na minomonitor sa kondisyong pang-edukasyon at pangkalusugan sa ilalim ng programa. Ang mga benepisyaryong ito ay kasalukuyan ding miyembro ng PhilHealth at nakikinabang sa serbisyong pangkalusugan at maging sa edukasyon ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.###