“Nais naming hikayatin ang publiko na makiisa sa gaganapin naming surbey o family assessment upang matukoy kung sino at nasaan ang mga mahihirap na pamilya. Sa pamamaraang ito, masisiguro natin na mapupunta sa karapat-dapat ang mga programa’t serbisyo ng ating kagawaran, iba pang ahensya ng pamahalaan at mga organisasyon,” ani DSWD-NCR Regional Director Ma. Alicia S. Bonoan.
Ang unang surbey ay isinagawa noong 2009 hanggang 2011 kung saan 316,823 sambahayan ang natukoy na mahirap sa Metro Manila at nakapaloob sa Listahanan – isang talaan ng mga pamilyang nangangailangan.
Upang maging matagumpay ang proyektong ito, pinapayuhan ng DSWD ang mga pamilya na maging tapat sa pagsagot sa mga katanungan at ibigay ang tamang impormasyon ng kanilang sambahayan. Tinitiyak ng DSWD na mananatiling confidential ang mga datos na ibibigay ng mga ito.
Dagdag pa ni Bonoan, “Ang surbey ay isasagawa sa loob mismo ng bahay upang makita talaga ang tunay na kalagayan ng pamilya. Magtulungan po tayo at makiisa sa proyektong ito sapagkat ang tagumpay nito ay nakasalalay sa ating lahat.”
Ayon sa DSWD, magtatalaga sila ng 3,274 na kawani sa 17 local government units (LGUs) ng Metro Manila upang ma-interbyu ang mahigit 1.2 milyong pamilya na maaaring maging benepisyaryo ng iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan. (FO-NCR, Social Marketing Office, May 11, 2015)