Ang mga problema na ating kinakaharap sa buhay ay hindi hadlang sa pag-abot ng mga pangarap, ito ay mga gabay lamang. Ito ang isinabuhay ni Ginang Babelyn Apayor, 44 na taong gulang, may asawa at tatlong anak at kasalukuyang residente ng Barangay Sucat sa bayan ng Muntinlupa.
Ibinahagi ni Babelyn kung papaano nila naitaguyod at nairaos ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay mula sa kakapusan at pagiging salat sa pangangailangan sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program
Bago pa man napabilang sa Pantawid Pamilya ay matatawag ni Babelyn ang kanilang pamumuhay na mahirap. Ayon sa kanya, kailangan nilang magsikap upang maitawid nilang mag-asawa ang pang araw-araw nilang pangangailangan at upang maibigay narin ang pangangailangan ng kanilang tatlong anak.
Nagsimula sa pagtitinda at paglalako ng mga gulay si Babelyn habang ang kanya namang asawa ay nagtitinda ng sorbet. Dahil sa hindi sapat ang kinikita ng mag-asawa ay namasukan si Harmano bilang taxi driver. Mula sa kinikita sa pamamasada ay sinisikap ng mag-asawa na makapagtabi ng kahit maliit na halaga para sa iba pang pangangailangan. Ayon pa kay Babelyn, hindi nila sinanay ang mga anak sa maluhong pamumuhay, at kung ano lamang ang inihain at ibinigay ay nagiging sapat na sa kaniyang tatlong anak. Kahit may pinagkakakitaan ang mag-asawa ay hindi parin madali na matugunan ang pag-aaral ng mga anak.
Noong taong 2011 ay napabilang si Babelyn sa Programa. Isa sa kanilang tatlong anak ang napabilang ng Programa. Ayon sakanya, hindi kalakihan ang kanilang natatanggap mula sa gobyerno ngunit malaki ang tulong na naibibigay nito lalo na pagdating sa gastusin para sa anak at sa kanilang pag-aaral.
Malaking kabawasan din sa gastusin nina Babelyn ang pagtira nila sa lupa ng kanyang ina. Sa ngayon, dahil sa walang titulo ang lupa at rights lamang ang hawak nila ay ipinasok sa programa ng Community Mortgage Program ng Social Housing Finance Corporation ang lupang tinitirhan ni Babelyn, at upang magkaroon na ito ng titulo pag dating ng tamang panahon na matapos na nilang bayaran. Ito ay isa lamang sa mga pangarap ng pamilya ni Babelyn na alam nilang matutupad kung sila ay patuloy na magsisikap.
Dahil sa pagiging aktibo ni Babelyn sa pagdalo sa Family Development Session (FDS), marami siyang natutunan at napahalagahan lalo sa buhay bilang pamilya at asawa. Kahit na naging meyembro ng programa si Babelyn ay hindi pa rin tumigil ang mag-asawa sa pagsisikap na maabot ang kanilang mga pangarap. Bukod sa magkaroon ng sariling bahay at makapagtapos ng pag-aaral ang mga anak ay ginusto din nilang magkaroon ng sapat na pinag kakakitaan. Sa bawat pawis ng pagsusumikap ay hindi tumigil ang mag-asawa na makamit ang pangarap. Sa loob ng Programa ay natulungan sina Babelyn sa gastusin sa paaralan at kalusugan ng kanilang bunsong anak na si Airamae.
Sa ngayon ay may sarili ng computer shop sina Babelyn bilang kanilang pangunahing pinagkakakitaan. At mayroon pa silang sari-sari store bilang kanilang pangalawang pinagkakakitaan. Nasa (P20,000) dalawampong libong piso ang buwanang bayarin nina Babelyn sa kanilang kuryente, tubig at internet. Kahit na malaki ang bayarin ay hindi naman nagkukulang ang mag-asawa sa mga pangangailangan. Nakakatulong rin sa kanilang gastusin ang kanilang pangalawang anak na nag tatrabaho sa Solaire.
Nais ibahagi ni Babelyn na ang tulong na nagmumula sa gobyerno ay panandalian lamang at hindi pang matagalan. Ito ay pansamantala at hindi pang habangbuhay kung kaya’t hindi kailangang himinto sa pagsusumikap at pangarap. Hindi kailangan na umasa lamang sa natatanggap kung hindi mamuhunan ng pawis at magsikap.
Na-udyok sila na lalong magsikap ay dahil hindi lahat ng oras at panahon ay aasa sila sa gobyerno, at kung darating man ang panahon na wala na ang Pantawid Programa ay nakatayo parin sila sa buhay. Nasabi na lang ni Babelyn na “Sapat na sa amin ang natulungan ng gobyerno, at malaking bagay na yon para sa aming pamilya.” Malaking pasasalamat niya na noong sila ay naging kabilang sa programa ay natulungan sila nitong maitawid ang kanilang pang araw-araw na pamumuhay.